Thursday, February 28, 2013

MAGBUNGA O PUTULIN


Ikatlong Linggo ng Kwaresma Taon K
Marso 3, 2013

Mga Pagbasa: Ex 3:1-8a, 13-15 / 1 Cor 10:1-6, 10-12 / Lucas 13:1-9

MAGBUNGA O PUTULIN!

Medyo mahirap intindihin ang ebanghelyo sa araw na ito. May halong konting tila pananakot, subali’t may hibla rin ng katotohanan. Sino ba sa atin ang hindi umasa na magbunga ang pagsisikap natin, anuman iyon? Sino sa atin ang hindi umasang tumanggap ng magandang grado, lalu na’t pinagpuyatan natin ang aralin? Sinong magsasaka ang hindi naghanap ng bunga matapos gawin ang lahat para itanim at palaguin ang bungang-kahoy?

Lahat tayo ay may ideya kung ano ang pagtitimpi. Sa dinami-dami ng mga kabulastugang nagawa natin noong bata, di ba’t hanga tayo sa mga magulang na nagtimpi, nagtiis, at nagpigil ng sarili upang tayo ay mamulat, matuto, at mapalaki nang tama? Sino sa atin ang hindi humanga sa ating magulang na isusubo na lamang nila at sukat ang pagkain, ay ibibigay pa sa atin? Sino ang hindi natuwa na tayo ay pinagpasensyahan, at pinagbigyan sapagka’t tayo ay bata lamang?

Ang lahat ng ito ay may katotohanan at may kinalaman sa buhay natin. Matiisin ang Diyos … mapagtimpi … mahinahon … at hindi pabigla-bigla.

Dalawang bagay ang tila paalaala sa atin ng ebanghelyo ngayon. Una, matapos ikwento ang nangyaring malagim sa mga Galileo na pinaslang ni Pilato, at sa 18 kataong nadaganan ng bato sa Siloam, isang babala ang turo sa atin … na kung hindi tayo magbabalik-loob ay malamang na sapitin rin natin ang sinapit nila. Ikalawa ay galing sa puno ng igos. Dapat raw magbunga, at may hangganan ang paghihintay.

Nakatatakot … nakababahala … pero totoo at makahulugan, bilang isang paalalang dinaan sa isang uri ng golpe de gulat.

Pero di ba totoo rin na tayo ay pasaway? Di ba totoo rin na sa kabila ng paulit-ulit na trahedya ay patuloy pa rin ang pagwasak natin sa kalikasan? Di ba totoong kahit na naganap na ang Ondoy at Sendong at Pablo … ang Ormoc, ang Ginsaugon, Leyte, at ang Cherry Hills Subdivision ay patuloy pa rin tayong nagwawalang bahala? Di ba totoong tayo ay maigsi ang alaala, at madaling lumimot?

Pwes! Ang araw na ito ay puno ng paalaala, kahit na sa pamamaraang golpe de gulat. Ang lahat ay may hangganan. Pati nga ang salop ni Fernando Poe Jr ay pag napuno ay kinakalos. Ang lahat ay may katapusan. Pati nga mga eroplano sa America ay nagreretiro sa disyerto ng Mojave sa Nevada. Pati mga mahinahong tao ay nabubugnot rin, at nauubusan rin ng pasensya.

At ito ang mahalagang pagunita sa atin … Mahinahon ang Diyos. Matiisin. Mapagtimpi at mapagpatawad. Pero nagsasawa rin ang may arin ng puno ng igos, kung walang bungang dulot at hatid.

Pumapatak ang metro ika nga. Dumadaloy ang panahon, at pati mga ilog ay natutuyo at pati mga halaman ay nagpapahinga rin, kumbaga.

Iisa ang diwang pagunita ng lahat ng ito sa atin. May hangganan ang lahat. At ang buhay ng tao ay may wakas. May pagsusulit at pagtutuos. Hindi araw-araw ay pasko, sabi nga.

Siguro ay tama lang na ating isaisip ngayon at sa lahat ng araw ng kwaresma …
Magbunga o putulin! Anong bunga ang nakikita sa buhay natin?

Wednesday, February 20, 2013

MANALIG, TUMULAD AT MAKINIG


Ikalawang Linggo ng Kwaresma (K)
Pebrero 24, 2013

Mga Pagbasa: Gen 15:5-12, 17-18 / Fil 3:17 – 4:1 / Lucas 9:28b-36

MANALIG, TUMULAD, AT MAKINIG

Pananalig ang nilalaman ng mga pagbasa ngayon. Sa unang pagbasa, muli tayong pinakitaan ng kung ano ang pananalig – ang paniniwala sa pangako ng Diyos na binitiwan kay Abram. Kung gaano raw karami ang bituin sa langit, ay ganoon din ang kanyang magiging angkan. Sa pagsunod ni Abram ay isang dakilang kasunduan ang naganap: “Nangangako ako na ibibigay sa lahi mo ang lupaing ito, mula sa hanggahan ng Egipto hanggang sa ilog Eufrates.”

Pero sinumang may sabing ang pagsunod sa Diyos ng pangako ay isang parang paglalakbay sa ilalim ng buwan ay hindi nauunawaan ang tunay na buhay. Malayo ito sa katotohanan. Kapag ang Diyos ang tumawag, ay laging may kapalit na halaga, may kabayaran, nguni’t mayroon ring dakilang gantimpalang naghihintay.

Ito naman ang turo ni Pablo sa ikalawang pagbasa. Hindi gaanong kadali ang sumunod sa Diyos, hindi katulad ng “tuwid na daan,” na kung ipagmakaingay sa mga talumpati ay parang napakadaling isagawa. Pero hindi ito ang sinasabi ni Pablo na nagwika: “magpakatatag kayo,” aniya, “sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.”

Ito naman ang tanong natin: May karapatan nga ba si Pablo mangaral nang ganuon? Sa palagay nyo ba hindi pa sapat na siya ay makulong, na siya ay hagupitin, at makaranas ng ilang sakuna sa karagatan? Hindi pa ba ito sapat na patunay na nalalaman ni Pablo ang kanyang mga sinasabi tungkol sa paghihirap na pinagdadaanan ng tagasunod ng Diyos? Ano pa ang kabuluhan ng kanyang paanyaya sa lahat: “Magkaisa kayong tumulad sa mga halimbawang ipinakita ko sa inyo.”

Dumako naman tayo sa buhay natin ngayon. Tayong mga Katoliko, at kayong mga nagsisibasa nito ay nagdadaan sa napakaraming pagsubok. Huwag lang kayo manindigan sa katotohanang turo ng simbahan at kayo’y kagya’t makakaranas ng sari-saring batikos at pangungutya. Subukan ninyong mangaral o magwika lamang sa panig ng Simbahan, at paniguradong kayo ay pagbibintangan ng pagiging tuta ng Santo Papa, o naniniwala sa isang banyagang bansa na pinamumunuan ng Santo Papa sa Roma. Idipensa ninyo ang buhay sa sinapupunan at kayo ay dagling tatawaging makaluma at laban sa agham at sa paglaganap ng lipunan. Ang higit na masahol ay ito pa … mga tuta kayo diumano ni Damaso.

Ano ang bunga ng lahat ng ito? Mahirap ngayon manalig. At lalong mahirap panindigan ang pananalig. Mahirap rin ang manatiling gising, tulad ng naranasan ng tatlong disipulo – sa tuktok ng bundok. Mahirap ang manalangin sa gitna ng samut-saring mga pagsubok. Pero dito naganap, sa konteksto ng panalangin, ang dakilang tanda na siya rin nating inaasam, hinihintay, at balang araw, ay makakamit, ayon sa pangako ng Diyos.

Nagbagong anyo si Kristo, at natunghayan nila ang luwalhating sa kanila rin ay nakalaan, sa ating lahat na sumasampalataya.

Ano ngayon ang dapat nating gawin? Sa mga sandaling ito na inuusig ang pananampalataya natin, iisa ang tinutumbok ng tatlong pagbasa … Manalig tulad ni Abram … tularan ang halimbawa ni Pablo at magpakatatag … Higit sa lahat, matutong makinig … matutong tumalima … “Ito ang aking Anak, ang aking hinirang. Siya ang inyong pakinggan.”

Thursday, February 14, 2013

AMININ. AKUIN. IPAHAYAG!

-->
Unang Linggo sa Kwaresma (K)
Febrero 17, 2013

Mga Pagbasa: Deut 26:4-10 / Rom 10:8-13 / Lk 4:1-13



AMININ. AKUIN. IPAHAYAG



Nakakatawa at nakakalungkot isipin ang mga tapunan ng sisi, batuhan ng mga bintang na nagaganap sa pagitan ng mga pulitiko na tinatawag nating “kagalang-galang.” Hindi ko na uulitin pa ang naririnig naman ninyo sa araw-araw na ginawa ng Diyos.



Pero sa dinami-dami ng mga imbestigasyon na ginawa ng senado at kongreso, wala pa akong natatandaang sinuman na umamin sa anong katiwalian. Pati ang mga pumatay sa mahigit na 50 katao sa Mindanao ay malayo pa sa kaliwanagan.



Subali’t ang pagtanggap ay kapatid ng pag-amin. Wala tayong matatanggap na hindi muna natin inaamin sa sarili. At matapos natin maamin at matanggap, ay handa na tayong magpahayag.



Isa ito sa pangunahing liksyon sa unang Linggo ng Kwaresma. Taon-taon, ito ang pagbasa sa ebanghelyo – ang isa pang katotohanang dapat natin aminin at akuin – ang katotohanang hindi lamang ang Panginoon ang tinukso. Pati tayo, ay patuloy na nakakaranas ng tukso, ng panghahalina ng masama, at hindi angkop sa kagustuhan ng Diyos.



Huwag na tayo magmaang-maangan pa. Sa tatlong tuksong pinagdaanan ng Panginoon, lahat tayo ay tinatamaan kumbaga. Isa-isahin natin …



Ang una ay ito … bato na gusto nating maging tinapay. Sa dami ng naghihirap ngayon, at sa dami naman ng puedeng mabili, tulad ng mga naggagaraang mga cellphone at tablets, gusto ng lahat ay biglang yaman. Ano ba ang Amalilio scam na pati isang artistang laging laman ng TV screen ay nawalan ng 50 milyon? Ano ba ang iba pang mga biglang naglahong mga pyramidal scheme na naganap paulit-ulit sa bayan natin? Di ba ito ay walang iba kundi kasakiman, katakawan, at ang paghahanap ng mabilisang pera na walang iniwan sa bato na gusto nating maging tinapay, ngayon, hindi sa isang linggo?



Di ba’t tayong lahat ay sinasagian ng kagustuhan ng pita ng laman, at mabilisang pagpaparaos ng kati ng kalamnan? Di ba’t kahapon, ayon sa mga ulat, ay buhol-buhol ang trapiko kung saan maraming motel? Di ba’t ito ang dahilan kung bakit mabilis na naipasa ang RH law? Sapagka’t naghahanap ang tao ng sex na walang pananagutan; sarap na walang responsibilidad? At di ba’t ito ang dahilan kung bakit gusto nating merong mamigay at magpa-alagua ng condom tuwing Valentine’s Day? Di ba’t ito rin ang dahilan kung bakit sa kabila ng tradisyon ng pag-aayuno at pag-abstinencia o hindi pagkain ng karne, ay tuloy-tuloy pa rin ang benta ng Chicken Joy? Ayaw natin ng bato … gusto natin ay tinapay.



Ang ikalawa ay palasak rin – kapangyarihan at kadakilaan. Ano sa palagay ninyo kung bakit nagkakandarapa tayo para ma-promote, kung bakit nagkukumahog tayo para makilala sa TV, at makilala bilang magaling at dakila at maganda o guapo? Di ba’t ito ay tulad ng tukso kay Jesus na bibigyan daw siya ng kadakilaan kung siya ay sasamba sa diyablo? Bakit sa palagay ninyo ang mga larawan sa facebook ay laging iyong wala kang tagyawat at laging balingkinitan at walang kabahid-bahid ng dungis ang mukha? Bakit sa palagay ninyo ang mga nasa facebook ay pawang magagaling daw mag Greek, mag Pranses,  at nag-aral daw sila sa iba-ibang lupalop ng daigdig? Bakit ang gagaling at ang gaganda ng ating profile sa mga social networking sites?



Ang ikatlo ay alam rin natin … ang ipasa ang pananagutan sa iba. Itapon mo sarili sa templo at ikaw ay hindi pababayaan ng mga anghel. Kainin mo gusto mo, kahit na bawal, at hindi ka naman magkakasakit. Gawin mo ang gusto mo, at kapag nagkasakit ka ay idemanda mo ang restoran, o ang gobyerno, o ang ibang tao. Huwag kang matakot. Problema nila yan … Ito ang mga katagang naririnig sa mga taong walang pananagutan sa sarili.



Matindi ang pinagdadaanan natin. Aminin. Tayong lahat ay makasalanan at di miminsang nabubulid sa tukso. Akuin at tanggapin. Pero may maganda bang balita?



Oo. Ito ang ipahayag. Matapos ninyo tanggapin na ang lahat ay galing sa Diyos ay nag-alay kayo sa altar, ayon sa Deuteronomio, “saka kayo lumuod upang sambahin ang Panginoon.”



Ipagbantog … “Malapit sa iyo ang salita, nasa iyong mga labi at nasa iyong puso.” “Kung inyong ipahahayag ng iyong mga labi na si Jesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka.”



Ito ang magandang balita. Pero nagmumula ito sa isang mahirap angkinin, mahirap akuin, mahirap tanggapin … na tayong lahat ay makasalanan, na tayo rin ay nasisilaw sa pera, at tayo ay nasisilo ng pita ng laman, at ng tawag ng kayamanan, kapangyarihan, at kadakilaan … Aminin. Akuin. Tanggapin, at ipahayag ang dakilang habag ng Diyos!

Thursday, February 7, 2013

IKAW NA! WALA NANG IBA!


Ikalimang Linggo ng Taon K
Febrero 10, 2013

Mga Pagbasa: Isaias 6:1-2a.3-8 / 1 Cor 15:1-11 / Lu 5:1-11

IKAW NA, PROPETA; WALA NANG IBA!

Kapag sumagi ang takot, mahirap kumilos; mahirap gumawa ng anuman. Naranasan nyo na bang kumuha ng test kung saan nakasalalay kumbaga ang inyong kinabukasan? Natatandaan ko nang kumuha kami ng eksamen para sa propesyonalisasyon ng mga guro. Kami ang unang-unang grupo na kumuha nito mula nang ito ay naging batas. Pawis na ang puwet ay pawis pa ang kili-kili at mga kamay. Hindi kami mapakali sa upuan. Gutom at uhaw kami pero hindi namin makuha kumain. At nang bumalik kami upang tingnan kung kami ay pumasa, ang daming nanginginig habang naghihintay; at lalung marami ang nag-iiyak dahil sa hindi sila kasama sa listahan.

Dama ko ang dinama ni Isaias … Hindi niya maubos maisip na siya na nga ay itinuring na propeta at nakatunghay sa Diyos: “Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi.” Natako siya sapagka’t nakita niya ang Diyos, at ayon sa paniniwala ng mga Judio, walang nakakakita sa Diyos na nananatiling buhay.

Subali’t hindi lang Diyos ang kanyang nakita. Pati sarili niya ay nakilala niya at nakita sa kanyang kabuuan – isang makasalanan … isang taong hindi karapat-dapat na maging propeta.

Kung titingnan ko ang nakalipas, wala ni isang pagkakataong maituturing ko ang sarili ko bilang karapat-dapat at handa. Nang nakuha ko ang aking grado sa PRC, at naging ganap na guro, hindi ako makapaniwalang ako na nga! Nang ako ay maging pari, hindi ko maubos maisip na ako ay pinagkatiwalaan ng Diyos. Hindi ako handa. Hindi ako ganap na maalam. At lalung hindi ko tanggap na ako ay karapat-dapat. Aminin ninyo … wala isa man sa inyo ang makapagsasabing handang-handa kayo sa anuman, di ba? Baka sa inuman, puede pa.

Noong nakaraang dalawang Linggo, nakapagsabi ako ng mga hinaing sa inyo. Mahirap, ika ko, ang mangaral ngayon sa ngalan ng Diyos. Walang masyadong nakikinig. Maraming kabataan ang nagpupunta ng Simbahan na dala ang kanilang smartphone, at sa oras ng sermon ay nagpepesbuk o nagtetext. Iyong mga nakikinig ay pag nagkataon ay nagagalit, sa maraming dahilan … kesyo namumulitika raw kami, kesyo makaluma raw kami at hindi na akma sa takbo ng panahon, kesyo hindi raw nila maintindihan ang aming sinasabi, at marami pang iba. Meron pang paborito niyang itawag sa amin ay Damaso. At kahit na siya na nga ang nambastos at naglapastangan sa isang panalangin sa loob ng simbahan, ay siya pa ang bida at kawawa, ayon sa grupo ng mga artista at mamamahayag sa mainstream media.

Tingnan natin ang dalawa pang pagbasa … Pati si Pablo ay tinamaan rin ng sakit ng pangamba. Nguni’t tulad ni Isaias ay tumanggap rin ng katotohanan kung sino siya: “Ako ang pinakahamak sa mga apostol, ako’y di karapat-dapat tawaging apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin.”

Ganito nga yata ang buhay. Ganito nga yata ang pagiging apostol o propeta. Laging hindi handa. Buti pa ang mga Boy Scout, laging handa raw sila. Iyon ang akala nila…

Pati mga mangingisda ay nawawalan rin ng tiwala sa sarili at nanghihinawa. Buong magdamag ka nga naman mangisda at walang mahuli, ay narito ang guro at sabihin ba naman sa iyong pumalaot ay ihagis muli ang lambat! A ver! Kaya nyo ba yon? Puyat na nga at pagod magdamag ay may bagong saltang nanghiram na nga at lahat ng bangka ay may hatid pang liksyon kung paano at saan maganda ang huli!

Nguni’t may hatid na pangaral ang lahat ng ito. May magandang balita para sa ating puro masamang balita ang dumarating. Bagama’t nag-atubili, sumunod sila sa Panginoon na magsusugo sa kanila kapagdaka. May iba pa palang mas mahalaga kaysa sa makahuli ng isda.

At ang lahat ay nababatay sa katotohanan: ang unang katotohanan ay tungkol sa ating sarili … Hindi tayo handa. Hindi natin alam ang lahat. At lalung hindi natin kayang gawin ang gawaing Diyos lamang ang makagagawa. Pero ito ang ikalawang katotohanan: kailangan ng tulong ng Diyos – tulong mula sa taong tulad mo, tulad ko na walang angking kakayahan at kapangyarihan – mga taong gumagawa ng mga bagay na hindi nakukuha sa pa-cute at kayabangan, porma at kasinungalingan.

Ngunit may isang mahalagang hinding-hindi dapat natin kalimutan … Huwag matakot … mamalakaya … gumawa at tumalima!

Handa ka na ba? Ako, matapos nang maraming taon ay ito pa rin ang sagot … Hindi! Pero ngayon ay batid nating hindi ito ang mahalaga …

Huwag matakot! Mamalakaya! Ikaw na, Propeta! Wala nang iba!