Ika-13 Linggo ng Taon B
Julio 1, 2012
Di miminsang sumasagi sa isipan natin ang mapait na
katotohanan, na hindi lamang mahirap lunukin, bagkus mahirap man lang isipin …
may kapaitan sa mundong ibabaw, at may pagtangis na kaakibat ng buhay sa
daigdig.
Tingnan na lamang natin ang paghihirap na pinagdaanan ni
Jairo. Sinong ama o ina sa inyo ang hindi gagawa ng lahat mailigtas lamang ang
sariling anak? Sino sa atin ang hindi kakapit maging sa matalas na patalim kung
ang kapalit ay ang pananatili sa buhay ng isang pinakamamahal?
Tingnan rin natin ang pinagdaanan ng babaeng 12 taong
nagdusa at nagdugo nang walang ampat … Sinong babae man o lalake sa mundong ito
ang hindi hahabol sa inaakala nating may tangan ng kasagutan sa ating
pagdurusa? Sino ang hindi mapadadala sa matinding pagnanasang mahipo man lamang
ang laylayan ng baro upang magkaroon ng pag-asang gumaling?
Tingnan natin ngayon ang sarili natin … Sino sa atin ang
tahasang makapagsasabing hindi siya nagdaan sa anumang matinding pagsubok sa
buhay? Sino sa atin ang tiyakang makapagpapatunay na di miminsan siyang
nawisikan man lamang ng kaunting kapaitan sa buhay?
Ito ang buhay natin na ayon sa mga kataga ng aklat ng
Karunungan (Unang pagbasa), ay sinapit natin dahil sa “pakana ng diyablo.” Ayon
sa kasulatan, ang paghihirap at kamatayan ay bunga ng kasalanan.
Ito ang tila masamang balitang laman ng mga pagbasa sa araw
na ito. Nguni’t sa likod ng lahat ng ito ay ang mataginting na magandang
balitang nagkukubling parang liwanag sa likod ng madidilim na alapaap ng
kawalang pagtitiwala at pag-asa.
Sa araw na ito, nais ko sanang manatili tayong lahat sa
magandang balitang siyang pinagyayaman ng parehong mga pagbasa. Nais ko sanang
bigyang diin ang kabaligtaran ng “pakana ng diyablo” – ang panukala ng Diyos,
na hindi kailanman nawalan ng habag at awa sa mga nagdurusa at namimighati.
Hayaan sana nating hagurin ng mga Salita ng Diyos ang puso
nating nabibigatan at nahihirapan sa mapapait na karanasan … “Ang kamatayan ay
hindi likha ng Diyos. Ang pagkamatay ng alinmang may buhay ay hindi niya
ikinalulugod.”
Huwag na huwag sana tayo paanod sa “pakana ng diyablo,”
bagkus padala sa malinaw na pangaral na ipinamalas ni Jairo, at ng babaeng
nagdusa ng maraming taon. Nagpakumbaba si Jairo … nagtiklop-tuhod sa paanan ng
Panginoon … nagsumamo sa mataimtim na panalangin. Nagpumilit makasunod at makapasok
sa gitna ng maraming tao ang babae … kahit man lamang mahawakan ang laylayan ng
kanyang baro. Nagsikap … Nagsumamo rin …
Pareho silang naniwala at umasa. Pareho silang sumampalataya
at ang kanilang paniniwala ay nagbunsod sa malalim at matatag na pag-asa.
Pakana ng diyablo ang panghihinawa, ang pagkawala ng tiwala,
ang paglalaho ng pag-asa.
Panukala ng Diyos ang buhay, ang kaligtasan, ang kagalingan
ng lahat ng kanyang nilalang. Kasama tayong lahat dito, mga nilikha ayon sa wangis
at anyo ng Diyos.
Huwag nating ipagpalit sa pakana ng diyablo ang panukala ng
Diyos para sa ating lahat …”Huwag tayong mabagabag. Manalig tayo.” “Pagkat ang
tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang
buhay.”