Friday, January 23, 2015

TAGAPAGTAYO AT TAGAPANGALAP


Ikatlong Linggo Taon B
Enero 25, 2015

TAGAPAGTAYO AT TAGAPANGALAP

Wala akong karanasan sa pagiging karpintero o anluwage. Wala rin akong kaalaman hinggil sa pangingisda. Ang alam ko lamang isda ay ang alam kong lutuin at kainin.

Magkaiba ang gawain ng tagapagtayo o tagapagtatag. Pero iba pa rin ang gawain ng tagapangalap. Si Jesus ang nagtatag ng Santa Iglesya, nguni’t tumawag siya ng mga katuwang upang ipalaganap ang simbahang kanyang itinatag.

May nagsasabing mahirap lamang ang mga mangingisda noong panahon ni Jesus. Pero ayon sa mga dalubhasa sa Bibliya, hindi sila tunay na mahirap. Mayroon silang kaalaman magpaikot ng capital. Mayroon raw silang kaalaman upang palaguin ang kanilang kita. Hindi lamang sila mga taong walang ginawa kundi maghagis ng lambat at maghintay. Kailangan rin nila ng kakayahang magpatakbo ng isang maliit na komersyo.

Nais kong isipin na ang Simbahan ay kinakatawan ngayon ng dalawang ito: ang nagtatag na tanging Diyos lamang ang may karapatan at kakayahan, at ang mga sinugo upang mangalap, magtipon, at maghagis ng lambat upang makadagdag sa mga hinirang ng Diyos.

Tanging isa ang tagapagtatag – ang Diyos sa pamamagitan ni Kristong kanyang Anak. Tumawag siya ng mga sugo, ang mga tagapangalap – sina Pedro at ang iba pang mangingisda. Nakapagtatakang hindi siya tumawag ng mga katulad niyang anluwage, kundi mga mangingisda.

Si Kristo ang nagtatag. Si Kristo ang nagtayo ng simbahan. Pero tayo, tulad nina Simon, Andres, Juan at Santiago, ay tinawagan ring maging katuwang, katulong, tagapaghatid at tagapangalap ng iba pang magiging kasapi ng Iglesya.

Meron ba tayong puedeng matutunan sa apat na mangingisda? Meron …
“Iniwan nila ang mga lambat at sumunod sa kanya.” “Iniwan nila ang kanilang Amang si Zebedeo kasama ng mga utusan, at sumunod sa kanya.”

Sumusunod ba tayo?

Friday, January 9, 2015

PINILI, ITINAAS, AT KINALULUGDAN!


Binyag ng Panginoon (B)
Enero 11, 2015

PINILI, ITINAAS, AT KINALULUGDAN

Sabi nila mababa raw ang pagtingin ng Pinoy sa kanyang sarili. Maraming puedeng naging dahilan nito: ang kasaysayan nating daan taong nasa ilalim ng mga banyaga, ang katotohanang wala pa rin tayong kaisahan sa maraming bagay, tulad ng wika, ang pagiging kulelat natin kumpara sa Singapore, o Malaysia, o Thailand …

Tanging showbiz na lamang ang pinanghahawakan natin. Tuwing darating ang Metro Filmfest, pinakahihintay ng marami ang parada ng mga bituin, tulad nang hinihintay ng marami ang prusisyon ng Itim na Nazareno. Sa gobyerno, tiyak ang panalo ng mga artista, ng mga kilala ang pangalan dahil sa TV, sa mga teleserye, o sa mga balitang nagbabaga, na ang balita naman ay pulos pa rin tungkol sa mga showbiz personalities.

Nakapagtataka, pero isa ito sa mga tanda ng kababaan ng ating pagpapahalaga sa sarili … Kapag may puti na matatas magsalita sa Tagalog o Bisaya, hangang-hanga tayo. Pero kapag may Pinoy na matatas magsalita o mahusay sa slang na tipong Ingles, galit tayo, kasi “mayabang,” “mahangin,” inglisero o inglisera kuno ang “hitad” o ang “timang.” Galit tayo sa inglisero at dadalawang salitang ingles ang ating alam tungkol dito: “super” o kaya “nosebleed.” Pero kapag nanalo ang Pinoy na isinilang sa Tate na wala ni isang hibla ng pagka Pinoy ang nanalo sa American Idol, nag-uunahan tayo para angkinin at ibalita sa buong mundo ang “galing ng Pinoy!” (Pero noong natalo na si Brian Viloria na isang inglisero galing sa Hawaii, tahimik ang lahat!)

Ang pista natin ngayon ay para sa ating lahat na (aminin na!) mababa ang self-esteem. Walang masama dito. Pati si Juan Bautista ay siguradong mababa ang self-esteem rin, sa ilang aspeto. Galing siya sa “bulubundukin ng Judea.” Namuhay siya sa ilang at ang pagkain ay insekto at pulut pukyutan. Hindi siya masyado nagpakilala ng sarili. Nagparangya pa nga siya sa harap ng “kordero ng Diyos.”

Sa katotohahan, lahat tayo ay galing sa ibaba, sa lusak, ika nga. Lahat tayo ay makasalanan, pero ito ang magandang balita para sa lahat … Ang Diyos ay nagsugo ng kanyang Anak, upang tayo ay maging tulad niya. Ipinadala niya sa atin ang Mananakop upang ihatid tayo sa rurok ng kaligtasan. At ang iniaangat niya ay hindi lamang self-esteem, o pagpapahalaga sa sarili. Ang kanyang pakay ay ihatid tayo sa langit na tunay nating bayan!

Mahalagang pangyayari ang binyag ng Panginoon. Ito ay tanda at pahimakas ng kung ano ang panawagan sa atin. Ito ay sagisag at nagtuturo sa kung ano ang kinabukasang naghihintay sa atin, ayon sa balak ng Diyos.

At ang lahat ng ito ay naganap, nagaganap, at magaganap pa dahil sa paghirang, dahil sa katotohanang pinili Niya, itinaas at kinalugdan ang kanyang bugtong na Anak: “Ikaw ang minamahal kong Anak, lubos kitang kinalulugdan.”

Huwag nang manatili diyan sa mababang antas ng pagpapahalaga sa sarili. Huwag nang tumangis. Mayroon siyang hinirang, sinugo, itinaas at kinalugdan. At sa pamamagitan Niyang Panginoon at Tagapagligtas, tayong lahat ay may kakayanan ngayong marating ang pangakong binitiwan Niya para sa ating lahat.


Lubos ka naming kinalulugdan, Panginoon!

Saturday, January 3, 2015

NABIGLA, NABULAG, O NABIGHANI ?


PAGPAPAKITA NG PANGINOON (B)
Enero 4, 2015

NABIGLA, NABULAG O NABIGHANI?

Kahit sino naman kapag nakakita ng maliwanag na ilaw ay nabibigla. Di ba ito ang dahilan at nagigising tayo kapag mataas na ang sikat ng araw? Sa Pilipinas, kapag nakakita tayo ng star ng Kapuso o Kapamilya networks, tumitigil ang takbo ng panahon. Hindi lang marami ang nabibigla … mas marami ang nabibighani, o nabubulag sa ibang bagay.

Hayaan na ang labada bumaho sa batya … iwanan ang mga ligpiting plato sa lababo … hayaang uhugin ang mga bata … Pag dating ng Filmfest, walang dapat ibang gawin kundi ang maghintay, mabigla, mabighani at humanga sa mga stars na ating hinahangaan.

Bago dumating ang Bagong Taon, may dalawang stars ang pinagkalipumpunan ng mass media at ng mga matataas na tao (habang ang Mindanao at Kabisayaan ay nalulunod sa dilubyo). Iba nga naman kapag maliwanag na stars ang usapan. Hindi lang batya ng labada ang puedeng iwanan.

Ang araw na ito ay para sa isa sa milyon-milyong mga stars sa buong sansinukob. Wala siyang pangalan. Walang tawag sa kaniya. Hindi siya kilala, pero ang ginawa niya ay lubhang mahalaga – ang magturo sa kung nasaan ang sanggol na kasisilang lamang.

May mga taong naghihintay ng tala para sa kanilang kinabukasan at kapalaran. Dati, horoscope ang uso, na galing rin sa mga bituin. Ngayon, ang talang galing sa mga Intsik ang tanyag – ang fengshui … Pareho lamang ang pakay, ang malaman kung anong gabay sa buhay ang dapat sundin … ang malaman ang nakaguhit na kapalaran sa palad.

May mga taong nagsisilbing gabay sa iba … parang tala o parang flashlight. Pero mali ang kanilang itinuturo. Parang mga T-shirts na mali ang pakahulugan sa mga sinabi (o hindi sinabi) ng Santo Papa.

Milyon ang tala sa sansinukob, pero isa lamang ang naghatid sa Mananakop. Marami ang nagtuturo at nagpapanggap na magaling na tagapag paliwanag sa turo ng Santo Papa at ng Simbahan, subali’t iisang tala ng katotohanan ang maaaring sundin ng balana. Maraming tala at maraming nagpapanggap na tala. Maraming bituin at maraming hungkag na bituin … walang laman, walang katotohanang taglay, at walang gustong gawin kundi ang maghatid ng kaguluhan at pagkakahati-hati.

Iisa ang talang gumabay sa mga taong handang sumunod at magpagabay. Tulad ng iisa ang manliligtas at mananakop, na tanging si Jesus na Anak ng Diyos.

Magsilbing tala nawa tayo ngayong araw na ito. Anong uri ba ng bituin ikaw ngayon sa iyong pamumuhay? Ikaw ba ay naghahatid, naggagabay, o nagliligaw sa iba?

Hindi sapat ang mabigla sa liwanag ng tala. Minsan, ito ay naghahatid sa pagkabulag … sa tama … sa katotohanan … sa kaligtasan. Mabighani nawa tayo sa iisang tala na naghatid, naggabay, at pumatnubay – tungo katotohanang ang sanggol na isinilang ay ang tagapagligtas, mananakop, at Panginoon!

Sunday, December 14, 2014

KATANUNGAN, KATOTOHANAN, KALIGTASAN


Ikatlong Linggo Adbiyento – Taon B
Disyembre 14, 2014

KATANUNGAN, KATOTOHANAN, KALIGTASAN



Malimit natin marinig sa social media ang KKK. At wala itong kinalaman sa katipunan nina Bonifacio at iba pang bayani ng bayan. Sa Linggong ito, linggo ng Gaudete, ayon sa tradisyon ng simbahan, nais kong bigyang-pansin ang kakaibang KKK. Basahin nyo na lang ang pamagat sa itaas.



Parang mga taga radio at TV ang nagtanong kay Juan Bautista. Panay tanong. Kulang naman sa pakikinig. Puro katanunga, pero hindi handang tumanggap ng katotohanan. Walang iniwan ito sa mga taong namumuhi sa ating mga Katoliko … marami rin silang tanong, pero ang tanong nila ay hindi upang marinig ang totoo, kundi upang palalimin ang pagdududa nila at hindi pagtanggap sa katotohanan: “Sino k aba?” “Ikaw ba si Elias?” “Ikaw ba’y ang propeta?” “Ano ang masasabi mo sa iyong sarili?”



Bagama’t panay ang tanong na mapag tuligsa, nanindigan si Juan Bautista. At para niya magawa ito, kinuha niya muna ito sa pagsasansala sa mga mali nilang akala: “Hindi ako si Elias.” Hindi ako ang propeta.” “Hindi ako ang inyong inaakala.”



Malinaw kay Juan ang totoo, at hindi siya tulad natin na nasa facebook o sa anumang sangay ng social media, na paiba-iba at pabago-bago ang profile, kahit malayo sa katotohanan. Sa facebook, malimit na ang larawan natin ay pinapayat, pinabata, pinaganda o pinaguapo. May mga kaibigan ako sa facebook na marami diumanong alam na lingguahe, mataas ang pinag-aralan, at laging nasa Starbucks, at umiinom ng kape na hindi naman nila pinapansin sa bahay.



Malinaw kay Juan ang totoo at hindi niya na kailangang magpanggap o magbalatkayo. “Ako ang tinig ng sumisigaw sa ilang. Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!” Walang labis; walang kulang! Walang kabulaanan, walang dagdag at walang duda!



Malayong-malayo sa mga politico sa ating bayan … walang ginawa kundi magpahindi sa mga bintang, nguni’t hindi nagsasabi ng totoo, liban sa mga praise releases na walang patumangga at walang kahihiyan.



Ito ang magandang balita sa araw na ito. Ang totoo lamang at hindi anumang dagdag-bawas. Hindi si Juan ang Mesiyas. Hindi si Juan ang dakilang propetang pinakahihintay, kundi tagapagturo lamang. Walang problema kay Juan ang magpakatotoo. Walang problema sa kaniya ang manatiling supporting actor lamang, basta’t makilala ng tanan ang tunay na tagapagligtas.



Dapat tayong magalak sa araw na ito, hindi sapagka’t marami tayong gagastusin … hindi sapagka’t mayroon tayong bagong cellphone, o bagong phablet, o bagong damit. Maging mapagpasalamat tayo sa mga bagay na iyon, kung meron man. Ngunit ang kagalakang dulot ng mga pagbasa ngayon ay malinaw na may kinalaman sa ating hinihintay, nang higit sa lahat – ang taon ng Panginoong puspos ng biyaya, at pagdating ng kaganapan ng kaligtasan.



Marami tayong mga katanungan tulad ng mga nakikinig kay Juan. Nguni’t ang mga katanungan natin ay dapat lamang mauwi sa pagtanggap ng katotohanan, at ang rurok ng katotohanang ating mithi ay walang iba kundi ang ating kaligtasan.



Nagtatanong pa ba kayo kung bakit dapat tayo magalak?

Friday, December 5, 2014

PAG-IBIG MO'Y IPAKITA; ILIGTAS KAMI SA DUSA!



Ika-2 Linggo ng Adbiyento – B
Disyembre 7, 2014

PAG-IBIG MO’Y IPAKITA; ILIGTAS KAMI SA DUSA!

Maganda ang pagkagawa ng sineng Exodus. Tamang-tama rin sa pagpasok ng panahon ng Pagdating o Adbiyento, kung kailan tayo ay naghihintay, nagmamatyag, nagbabantay. Noong isang Linggo, ilaw at liwanag ang ating paksa … ang pangangailangan nating magbantay sa liwanag, kung kaya’t sinindihan na natin ang kandila sa korona ng adbiyento.

Ipinakita sa sine na ang Diyos ay naggabay sa mga naganap sa mundo ng kalikasan. Ipinakita rin sa sine na hindi magaganap ang mga naganap na himala sa kalikasan kung ito ay hindi ipinagkaloob ng Diyos ng kalikasan, Diyos ng sangnilikha, at Diyos ng kaligtasan. Huwag na nating pag-awayan kung isang meteor ang naging dahilan ng tsunami na nagbukas sa dagat na Pula. Ang ating tanggapin sa pananampalataya ay ang katotohanang kayang mapangyari ng Diyos ang natural na mga pangyayari sa wastong panahon, sa tamang lugar, at sa ikabubuti ng kanyang bayan.

Sa pamamagitan ni Moises, tulad ng sa pamamagitan ni Isaias, tayo ay binibigyang paalala na naman: “Mahahayag ang kanyang kaningningan at makikita ng lahat.” “Tulad ng isang pastol, yaong kawan niya ay kakalingain.”

Ito rin ang pagunita sa atin ni Pedro: “Sa Panginoon ang isang araw ay sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay isang araw lamang.” Nasa pangangasiwa ng Diyos ang lahat ng bagay sa kanyang nilikha, at lahat ay nakatuon bilang tugon sa panalanging ngayon ay namumutawing muli sa mga labi natin: “Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.”

Muling dusa at pighati ang tila naka-amba na naman sa bayang Pilipinas. Si Hagupit (Ruby) ay handang magwasiwas ng kanyang hagupit sa mga lugar na hinagupit na ni Yolanda noong nakaraang taon.

Nguni’t tulad ng sa kwento ni Moises, tulad ng sinabi ng mga propeta, at tulad ng turo ng Inang Santa Iglesya, na halaw sa turo ng Kasulatan, may hangganan ang lahat. May hantungan ang kapangyarihan ni Rameses. May wakas ang katanyagan, ang kayamanan, at may wakas rin ang pagdurusa, pagdarahop, at pagiging busabos. Ito ang katotohanang ipinakita ng Diyos sa pamumuno ni Moises, na siyang naghatid sa kalayaan sa mga Hebreo na ginawang alipin sa Egipto nang mahabang panahon.

Mabuti at nagkatuig na ngayon ipinalabas ang Exodus – kung kailan ang bayan ng mga sumasampalataya ay naghihintay, at nagbabantay. Naghihintay tayo sa kaganapan ng kaligtasan, sa araw kung kailan wala nang luha, pighati, at dalamhati … kung kailan darating ang pangakong “bagong langit at bagong lupa.”

Pero lahat ng hinihintay ay pinaghahandaan. Lahat ng binabantayan ay pinagsisikapan at pinag-aalayan ng panahon at kakayahan.

Ito ngayon ang diwa ng Adbiyento … ang diwang ipinamalas ni Moises, na hindi lamang nanalangin. Hindi lamang siya nakipagbunong-braso sa Diyos. Hindi lamang siya umangal at nag-reklamo sa Diyos. Ginawa niya ang dapat. Tinupad niya ang habilin at utos sa kanya – at inihatid niya ang kanyang bayan sa labas ng Egipto, at patungo sa tunay nilang bayan.

Dapat nang tumigil at makinig … kay Moises, kay Isaias, kay Pedro at kay Juan Bautista … “Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.”

Ok lang kung tayo ay medyo nagrereklamo sa Diyos tulad ni Moises. Ok lang kung tayo ay medyo nagtatampo kung minsan sa kanya. Pero ang higit na mahalaga ay ito … gawin ang tamang paghahanda … sumunod o tumalima sa kanyang mg utos, mahirap man o madali.

Alam kong marami sa atin ay balisa sa paghahanda para kay Ruby. Takot ang marami ngayon. Hindi nila tukoy ang magaganap. Hindi rin natin tukoy o alam kung kailan magaganap ang wakas ng panahon. Pero ang alam natin ay ito … Darating siya upang iligtas tayo nang ganap, at akayin tayo sa langit na tunay nating bayan. Samantala, sa mundong ibabaw na ito, sa lupang bayan nating kahapis-hapis, mayroon pa tayong matinding hiling at makabagbag-damdaming kahilingan: “Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.”

Friday, November 28, 2014

MAGBANTAY SA LIWANAG!


Unang Linggo ng Adbiyento – Taon B
Nobyembre 30, 2014

MAGBANTAY SA LIWANAG!

Lahat ngayon sa buong Pilipinas ay nagbabantay sa liwanag. May ilang linggo na ring nagkakabit ng maraming pailaw at pakutitap sa lahat ng dako ng mga pangunahing lungsod sa buong kapuluan. Hindi masama ang magbantay sa liwanag. Pati mga taong naninirahan sa mga liblib na lugar ay nabibighani sa magagarang mga ilawan tuwing darating ang Kapaskuhan.

Pero sapagka’t hindi pa Pasko ngayon, at simula pa lamang ng panahon ng Adbiyento o Pagdating, na nangangahulugang kailangan natin ang gawang paghihintay o pagbabantay, dapat marahil natin maunawaan ang tunay na diwa at kahulugan ng Panahon ng Pagdating.

Isa sa mga mahirap gawin sa ating bansa ang mag-maneho sa gabi, lalu na sa mga liblib na lugar. Sobrang dilim. At maraming mga hambalang sa kalye ang hindi mo inaasahang makita. Sa mga nagmamaneho, dapat sila laging magbantay … sa mga sasakyang nakaparada na walang EWD (early warning device!); sa mga iba pang sagabal na basta na lamang iniwang nakabalandra sa lansangan, tulad ng kulahan, tindahan, mga pira-pirasong kahoy na basta na lamang itinapon sa daan. Kailangang magmatyag. Kailangang magbantay – sa ilaw na kumukutitap, o sa ilaw na dapat ay naroon pero wala.

Matay nating isipin, ito mismo ang paksa ng mga pagbasa natin ngayon. Himayin natin nang isa-isa ang mga ito. Sa unang pagbasa, liwanag ng wastong pagkilala at kabatiran sa sarili ang paksa. Sino sa atin ang tanggap ang liwanag ng katotohanang tayo ay “tuloy pa rin sa pagkakasala, at ang ginawa nami’y talagang masama mula pa noong una”“kahit anong gawin namin ay duming di hamak.” Marami ang nabubuhay sa kadiliman, at ang kadilimang ito ay may kinalaman sa hindi pagtanggap sa tunay nating katatayuan sa harapan ng Diyos.

Sa ikalawang pagbasa naman, mula sa liham sa mga taga-Corinto, ang liwanag ng biyaya ng Diyos ang siyang malinaw na paksa: “sa mga pagpapala sa pamamagitan ni Kristo Jesus” … “mga kaloob na espiritwal, habang hinihintay nating mahayag ang ating Panginoong Hesukristo.”

Pero ang pinakamatindi at pinakamahalaga ay ito … ang nilalaman ng ebanghelyo … isang EWD o maagang babala tulad ng “early warning device.” Ito ang tunay na kahulugan ng mga ilaw na darating, sa Pista ng Dakilang Liwanag sa araw ng Paskong pinakahihintay natin … “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras.”

Ewan ko lang sa inyo, pero ito ang pakahulugan ko sa Panahon ng Adbiyento o Pagdating … ang pagiging mapagmatyag, mapagbantay, mapag-ingat at mapag-paanyo. Ito ang panahon ng Pagdating at kung may darating ay may naghahanda at nag-aayos. Tama ang hiling natin sa Aleluya bago binasa ang ebanghelyo: “Pag-ibig mo’y ipakita, lingapin kami tuwina, iligtas kami sa dusa.” Halina, Panginoon, halina!

Friday, November 21, 2014

PINUNO, PASIMUNO, PASTOL


Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari
Nobyembre 23, 2014

PINUNO, PASIMUNO, PASTOL

Isang masakit na katotohanan ang makitang ang mga namumuno sa atin ay tulad ng mga mababangis na hayop na mapagsamamtala sa mga tupa. Lalong masakit tanggapin ang kabatirang ang pinakamasahol na sindikato ay ang mismong inaasahan nating magtatanggol sa kapakanan ng mga mahihirap at maliliit na tao, na siyang kinabibilangan ng karamihang mga Pilipino.

Sa halip na pinuno, pasimuno sa katiwalian ang naririnig at nakikita natin halos araw-araw. Sa sobrang limit at dami ng mga imbestigasyon, wala nang naniniwala sa mga usaping wala namang pakay kundi ang isulong ang kani-kanilang mga adhikain. Wala silang iniwan sa palayok na galit sa kaldero sapagka’t madumi raw at maitim ang kanilang puwitan.

Nguni’t sa kabila ng ating pagka dismaya sa namumuno at mga pasimuno, ang kapistahan natin ngayon ay may kinalaman sa isang pinuno … sa isang hari … sa isang pastol 

Pero, sagli’t lang … hindi siya tulad ng ating mga pinuno at pasimunong ngayon ay ating kinamumuhian.

Una, hindi siya galing sa isang dinastiya. Ang kanyang angkan, bagama’t angkan ni David, ay mga pinunong ang inuna ay ang kapakanan ng kanilang kawan. Ang kanyang makamundong Ama ay hindi isang marangyang tao, kundi isang maliit na tao – isang karpintero tulad rin niya. Ang kanyang Ina ay isang dalagitang walang kapangyarihan na nagpuri sa Panginoon “sapagka’t iniangat niya ang mga mabababa at ibinagsak ang mga palalo.”

Ikalawa, ang kanyang pangangalaga at kapangyarihan ay hindi galing sa partido pulitikal, kundi galing mismo sa Diyos na siyang may akda ng gawang pang kaligtasan. Mula sa bibig ni Exequiel ay ating narinig: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa.”

Ikatlo, at ito ang pinakamahalaga, walang makamundong layunin at adhikain ang naghari sa kanyang puso at isipan, liban sa pagwawagi laban sa pinakamatinding kalaban ng sangkatauhan – ang kasalanan at kamatayang dulot ng kasalanan! “”Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating din ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao.”

Medyo nakababahala ang mga nagaganap sa ating lipunan. Nakawawala rin ang lahat ng ito ng pag-asa at nakapagpapapanaw ng katiwasayan.

Pero ang pista natin ngayon ni Kristong Hari ay isang patibay ng ating pag-asa. “Darating ang wakas, pagkatapos malupig ni Kristo ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan; at ibibigay niya sa Diyos at Ama ang paghahari. Sapagka’t si Kristo’y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway.”

Hindi mga pasimuno ang nagtatangan ng ating kinabukasan. Hindi mga pulpolitiko ang may angkin ng ating hinaharap. Nasa Diyos at tanging nasa Diyos ang tagumpay. Hindi man ngayon, kung kailan tayo ay tila nalulukuban ng kasamaan at kadiliman, ay sa panghinaharap, sa araw ng Kanyang muling pagbabalik.

At kung ito man ay makatutulong sa ating pag-asa at pananabik, dapat nating banggitin na siya ay darating hindi lamang bilang pinuno at pastol. Siya ay darating rin upang maghatid ng katarungan, at paghihiwalayin niya ang mga tupa at mga kambing.

Siya ay pastol, pinuno at gatpuno: gabay at patnubay. Ipokus natin ang ating pag-asa sa kanya, at hindi sa mga kawatang nagpapanggap na mga pinuno at tagapaglingkod.  “Pastol ko’y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop!” Mabuhay si Kristong Hari!