Saturday, April 28, 2012

BUTIHING PASTOL; PINUNONG MAPAGKALINGA


Ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay (B)
Abril 29, 2012

Mga Pagbasa: Gawa 4:8-12 / 1 Jn 3:1-2 / Jn 10:14


Ang mga pagbasa ngayon ay tila lahat tumutuon sa diwa ng kapangyarihan. Sa unang pagbasa, binanggit ni Pedro kung paano napagaling ang lumpo. Hindi siya nag-atubiling sabihin na ito ay galing sa kapangyarihan ng ngalan ni Jesus … na tinagurian niyang batong itinakwil na naging batong panulukan, saligan ng haliging matatag ng pananampalataya.

Ang ikalawang pagbasa ay hindi rin nagpalamang. Nakasalig naman, sabi ni Juan Evangelista, ang kapangyarihang ito sa pag-ibig, na nagpabagong-anyo sa mga sumasampalataya at sila’y naging higit pa sa rito – dahil sa pag-ibig, sila ay naging mga anak ng Diyos.

Pero ang ebanghelyo ay parang naligaw ng landas, kumbaga. Ang kapangyarihan ay napasa larawan ng isang pastol – maamo, maalaga, masinop, mapagmatyag, at mapagpaanyo sa kapakanan ng kawan!

Parang malayo ito sa diwa ng kapangyarihan!

Una sa lahat, hayaan ninyong aminin ko sa inyo na sa panahong ito ay tila ako ay walang lakas at walang kapangyarihan. Sobra init … sa init na ito ay ayaw mo nang kumilos, ayaw mong gumalaw. Gusto mo na lamang ay nakatapat sa bentilador maghapon o nakababad sa kung saan may aircon. Pero bukod rito, may iba pa ring sumisipsip ika nga ng aking kapangyarihan, kung meron man … ang tila kawalang kakayahan ng pananampalatayang katoliko na puknatin at wasakin ang kampon ng kadiliman, ang lalim at lawak ng korupsyon sa lipunan, at ang tila walang puknat na pagyurak sa karapatan ng mga mangmang at hindi aral, na patuloy na pinaiikot ng mass media. Sa panahong ito, aminin man natin o hindi, ay nagsimula na ang kampanya para sa eleksyon sa 2016, nang nagpalabas na ng hanay ng mga kandidato sa pagka senador. Di maglalaon ay makikita na naman natin ang paglipat ng partido ng mga taong walang paninindigan, walang pinanghahawakan, at walang isinusulong liban sa kanilang sariling bulsa at kapakanan.

Pawang tila walang kaya tayong lahat sa harap ng kadilimang ito.

Dahilan ito upang ako ay malungkot, manghinawa, at mawalan kung minsan ng pag-asa. Bagama’t nagpaliwanag na ang pitong Obispo tungkol sa mga sasakyang ipinagkaloob ng Pagcor, para sa kapakanan ng mga mahihirap, marami pa rin ang nadala sa mapanlinlang na balita tungkol sa diumano ay mga ganid na obispong naging korap din sa paghahangad ng magagarang sasakyan. Palso man ang balita, ay parang lintang dumikit na sa kamalayan ng marami.

Anong uri baga ng kapangyarihan ang tinutumbok ng mga pagbasa ngayon?

Una sa lahat, ito ay hindi galing sa atin. Hindi ito galing sa ibaba, sa lupang ibabaw. Ang kapangyarihang makamundo ay mababaw, pahapyaw, at walang patutunguhan. Ang kapangyarihang ito ay nakasalalay sa banal na ngalan ni Jesus. Sa ngalang ito nagkamit ng kagalingan ang lumpo, sa pamamagitan ni Pedro.

Ikalawa, ang kapangyarihang ito, ayon kay San Juan, ay nakasalig sa pag-ibig.  Ang pag-ibig na ito ay siyang naging dahilan kung paano nagbagong-anyo ang mga sumampalataya at nagkamit ng bagong kakanyahan. Bukod sa pagiging mananampalataya, sila ang naging mga anak ng Diyos. Nabago ang kanilang pagkatao, nadagdagan ng isang karangalang hindi taal sa kanilang pagkatao, bagkus kaloob mula sa Diyos.

Pero hindi ito ang pinakamahalaga sa lahat. Ang lubhang mahalaga ay walang iba kundi ang larawang ikinikintal sa atin ng pahayag ng Panginoon – na siya ay isang Pastol, isang lingkod, isang mababa ang loob, at tila walang kayang tao.

Ito ang nagbibigay sa akin ngayon ng kaunting tapang, kaunting lakas, at kaunti pang pagpupunyagi. Mahaba-haba na rin ang mga taong nangaral ako, nagturo, nag-Misa at naging tagahubog ng mga kabataan. Marami na rin akong napagdaanan. Marami na akong nakita at naranasan. At alam kong sa takbo ng mga pangyayari, ang mga bagay-bagay ay mas lalala pa, bago ito maging mas mabuti, malungkot man aminin.

Sa pagdaan ng mga taon, nalulukuban ako ng maraming pangamba, takot, at pag-aalinlangan. May bunga pa kaya ang pagsisikap ng Inang Simbahan na mangaral, yamang ang lahat ay nababaligtad ng mga pahayagan at mga estasyon ng TV at radio? May katuturan pa ba ang mangaral, kung ang mga sasabihin ko ay mapagbibintangang pamumulitika, na tila baga ang pulitika ay hindi napapasa ilalim ng batas moral ng ebanghelyo? May dahilan pa ba upang magsikap at magpunyagi para sa katarungan at katotohanan?

Ang liksyong malinaw ng mga pagbasa ngayon, ay isang matunog na “oo” … may pag-asa pa … may katuturan ang lahat, at ang dahilan nito ay walang iba kundi siyang nagturo na ang kapangyarihan ay makikita sa pagmamahal, sa paglilingkod, sa kababaang-loob, sa pang-aalipusta ng balana, sa pagkamuhi ng mga napopoot sa kanya, at sa kasukdulan, ay sa kanyang paghihirap at pagkamatay sa krus.

Ito ang Panginoong butihing Pastol … maamo, mababa ang loob, nguni’t mapagkalinga at mapagpaanyo sa kapwa, sa mga tila mga tupang walang patutunguhan. May  pastol tayong naggagabay, subali’t ang tanong ay ito: may kawan ba tayong nakikinig at tumatalima?

Thursday, April 19, 2012

PAKIKIPAG-ISANG DULANG SA MGA NAGUGULUMIHANAN


Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay (B)
Abril 22, 2012

Mga Pagbasa: Gawa 3:13-15.17-19 / 1 Jn 2:1-5 / Lu 24:35-48


Parang isang replay, ika nga, ang ebanghelyo sa araw na ito. Parehong-pareho ang mga detalye ng pagpapakita ng Panginoon, tulad nang kanyang pagpapakita noong wala si Tomas, na hindi agad naniwala sa sabi-sabi ng ibang mga disipulo. Si Tomas, na may sariling paninindigan, may sariling patakaran, ay hindi agad nakuha sa kwento. Ninais niyang makita nang sa ganang sarili niya, ang bulung-bulungang si Jesus diumano ay muling nabuhay.

May kondisyon pa siyang inilapat … hindi raw siya maniniwala hangga’t hindi niya nasasalat ang mga sugat sa kamay at tagiliran ng Panginoon. Alam natin ang naganap … bagama’t may ipinataw siyang kondisyon, hindi niya ginawa yaon, at nang makita ang Panginoon, ay bigla na lamang bumulalas ng isang malalim na pagpapahayag hindi lamang ng pananampalataya, kundi pati na rin, ng masidhing pagmamahal sa kanyang guro at pinuno: “Panginoon ko, at Diyos ko!”

Sa kwento ngayon ni San Lucas, pareho ang kinapapalooban … pareho ang mga kondisyones … ang tanging naiiba lamang ay wala si Tomas. Nguni’t pareho ang antas ng pangamba at takot at pag-aalinlangan ng mga disipulong bahag ang buntot ika nga, dahil wala na ang kanilang Rabbi at Guro.
Pareho rin ito sa kinatatayuan nating lahat. Pareho rin nila tayong nag-aalinlangan, nangangamba, natatakot. Pareho rin nila tayong kumbaga ay nagtatago sa mga tao at mga sitwasyon na nagdudulot ng malaking kaba sa dibdib ng marami.

Di miminsang sinagian tayo ng takot … noong nakaraang linggo, ginambala tayo ng isang rocket na ipinalipad ng mga taga Hilagang Korea, na sa awa ng Diyos, ay nagmintis at naging kalpot, ika nga. Nguni’t magpahangga ngayon, tayo ay ginagambala pa rin ng mga Intsik mula China na patuloy na nambabraso sa Panatag Shoals, nagpapakita ng gilas, at ang tulad nating maliit at mahirap na bansa, ay halos pitik-pitikin, tulak-tulakin, upang bahag rin ang buntot na tumalilis mula sa mga islang nabanggit, na mahigit sa isang libong milya ang layo sa China, kumpara sa wala pang dalawang daang milya ang layo sa ating bansa.

Takot rin tayo kahit wala ang pambabalasubas ng ibang bansa. Takot tayo sa patuloy at walang ampat na pagtaas ng bilihin, ng halaga ng langis, ng halaga ng kuryente (kung meron!), at ng iba pang pang-araw-araw na gastusin. Ang trapiko, tulad ng katiwalian, ay palala nang palala, sa lahat ng antas at aspeto ng lipunan … Ang daang matuwid ay matuwid lamang sa mga walang kakilala, walang kakayanan, at walang kabig sa mga nakatataas. Sa limit kong magbiyahe at magdaan sa NAIA, hindi ko maiwasang makita at mahinuha, na pati roon, kahit ngayon, at saanmang dako ng bansa, ay may mga milagrong nangyayari sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

Panginoon ko, at Diyos ko! Ito rin ang matimyas nating dasal sa Panginoong muling nabuhay. “Poon, sa amin ay pasikatin, liwanag sa iyong piling!” … Ito rin, tulad ng salmista, ang panaghoy natin.

Tayo’y gulong-gulo, balisang-balisa, at minsan ay takot na takot. Masahol pa tayo sa mga disipulong nagtago sa silid sa itaas, bahag rin ang buntot na nagkukubli sa mga Judio at mga namumuno. Kung nakuha nilang ipapatay si Jesus, paano pa kaya sila na sa mga sandaling yaon, ay parang mga naulila?

Subali’t balisa man o takot man, may magandang balitang dulot ang muling pagkabuhay ni Kristo. Ito ang buod nito, nang siya ay magpakita sa mga disipulo, kahit na wala si Tomas, na minsan ay nagduda, nguni’t nagbayad-puri sa kanyang pagdududa, nang hindi na niya sinalat ang sugat, at bagkus lumuhod at nagpahayag na lamang at sukat ng kanyang paniniwala: Panginoon ko, at Diyos ko!

Kapayapaan ang dulot ni Kristo, at para mapawi ang kagulumihanan, nagtanong siya: “Ano’t kayo’y nagugulumihanan? Bakit nag-aalinlangan pa kayo? Tingnan ninyo ang aking kamay at paa, ako nga ito.”

Sapul na sapul tayong lahat na ginagapi ngayon ng kaguluhan. Purong puro tayong mga walang sapat na pagtitiwala sa kakayahan ng Diyos na buhayin pati mga patay, na bigyang panibagong lakas ang mga nasalanta ng bagyo ng kawalang pag-asa.

Nguni’t hindi lamang salitang matunog ang kanyang pandagok sa atin. Hindi lamang magaling na aral ang kanyang dulot … Mayroon rin siyang angkop at akmang gawain. Sa mga taong gutom sa tapang at pagtitiwala, humingi siya ng makakain. Sa mga taong pinanawan na ng tibay ng loob at kalakasan, nakipag-isang dulang siya ay nakisalo sa mga taong nawalan na, ika nga, ng gana upang magtuloy sa gawang mabuti.

Ito ang salaysay ng bawa’t isa sa atin. Gutom tayong lahat. Nalugmok tayong lahat sa kawalang pag-asa at tiwala sa kakayahan ng ebanghelyo upang matuwid ang baluktot na daan. Tayo ang mga taong nanlulupaypay sa gutom para sa katarungan at pagkauhaw sa kapayapaan.

Kailangan natin ng spinach tulad ni Pop-eye. Kailangan natin ng isang bakuna o bitamina upang muli nating magawa ang nararapat.

Ito ngayon ang ginaganap sa Misang ito. Kaisang dulang natin muli ang Panginoon. At siyang humingi ng isda at tinapay sa mga disipulo ang siya ngayong nagkakaloob ng sarili niya upang muli tayong lumakas, at muli tayong magpunyagi sa paggawa ng tama at mabuti. Kasalo natin siya. Kasama. Kaisang dulang. Kasangga, kakosa, kapuso, kapamilya, at kapatid …

Huwag nawa natin sayangin ang kanyang kaloob … kapayapaan … kalakasan … bagong kaanyuan  at bagong kapangyarihan … “Panginoon ko at Diyos ko!” “Sa ami’y pasikatin, liwanag sa iyong piling!”

Friday, April 13, 2012

KAISA, KADUGO, KAPANALIG


IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY (B)
Abril 15, 2012

KAISA, KADUGO, KAPANALIG

Ito ang oktaba ng Paskwa, na ang kahulugan ay ang ikawalong araw ng Pasko ng Pagkabuhay. Sa mahabang kasaysayan ng pananampalatayang katoliko, ang pinakamahahalagang kapistahan ay laging napapaloob sa pagdiriwang na tumatagal ng walong araw, tulad ng dalawang Pasko – ng pagsilang at ng pagkabuhay.

Nangangahulugan lamang na mayaman at malalim ang mga nilalaman ng pananampalataya natin … sobrang yaman, ika nga, at hindi natin kayang ipaloob sa iisang araw na pagdiriwang. At yamang ang muling pagkabuhay ng Panginoon ang nasa rurok ng pananampalataya natin bilang kristiyano, angkop lamang na ito ay ilahad sa loob ng mahabang panahon ng paghahanda (kwaresma) at pagdiriwang (panahon ng Pagkabuhay).

Gaya ng aking nakasanayan, bibigyang-lagom ko ang mga pagbasa sa tatlong kataga: kaisa, kadugo, kapanalig.

Sa unang pagbasa, ang kaisahan at pagkakatipon ang binibigyang-pansin mula sa Aklat ng mga Gawa. Ang buod ay imposibleng hindi natin mapansin – na ang dulot ng pagkabuhay sa buhay ng mga tagasunod ni Kristo ay isang lubos na nakapagbago ng takbo ng kanilang buhay – ang kanilang kaisahan at pagkakabuklod alang-alang sa muling nabuhay na Panginoon. Nabuhay sila sa iisang kaisipan at iisang puso, at hindi nila inangking sarili ang anumang pag-aari nila bagkus ipinagkaloob para sa kapakanan ng kalahatan.

Kadugo … Ito ang diwa ng mga isinilang mula sa parehong angkan. Kung si Jesus ay isinilang mula sa Diyos at sa itaas, siya ay nabibilang sa Ama. Subali’t ayon sa ikalawang pagbasa, ang mga sumasampalataya at sumusunod sa kalooban ng Ama, ay itinuturing na kadugo ni Jesus. Sila man, aniya, ay isinilang rin mula sa itaas. Kung gayon, ang mga tagasunod at sumasampalataya kay Jesus na muling nabuhay ay mga kadugo rin niya at kaisa sa pananampalataya.

Kapanalig … Nguni’t ito ang matindi higit sa lahat. At ang katotohanang ito ay tila isiniwalat sa pamamagitan ng isang tila malungkot na kwento – tungkol kay Tomas na wala ruon nang unang nagpakita ang Panginoon.

Si Tomas ay tinawag at tinaguriang walang bilib o paniwala. Tinawag rin siyang isang taong mapagduda, puno ng pag-aalinlangan. Pero sa wakas ng kwentong ito, si Tomas ay tila isang malinaw na kumakatawan sa kung sino at ano tayo bilang tao at tagasunod ni Kristo.

Sino ba tayo? Ano ba tayo?

Punong puno tayong lahat ng pag-aalinlangan. Punong-puno rin tayo ng pagkasalawahan. Hindi na para sa akin ang magwika tungkol sa ibang tao. Sapat na tingnan ko ang aking sarili. At ano ang aking nakikita?

Hindi kaila sa marami kong kakilala at kaibigan na ako di miminsan ay pinapanawan ng paniniwala at pagtitiwala. Humayo na at yumao na sa puso ko ang paniniwalang ang dispunksyonal na politica ng ating bansa ay muli pang titino at mapapanuto. Lumisan na sa aking isipan rin na ang maraming suliranin sa mundo ay may kalutasan pa – ang patuloy at walang habas na pag-abuso sa kalikasan … ang patuloy na pagsira sa tangi nating tahanan – ang daigdig – para lamang sa ikapapasasa ng kaunting masisiba at mayayaman na … ang patuloy na pagputol ng mga puno sa Baguio, halimbawa, para lamang gawing parking lot, ng mga taong wala nang ibang alam gawin kundi ang magpalamig, mamili at mamasyal sa mga malls.

Mahirap paniwalaan na may kakayahan pa ang pananampalatayang kristiyano upang harapin ang mga saloobing ito na walang hanap kundi ang pansariling kapakanan.

Sino sa atin ang hindi sinagian ng pag-aalinlangan sa kabatirang ang karamihan ng mga pinoy ay mas naniniwala sa karma kaysa sa banal na kalooban ng Diyos? Sino ang hindi nanghihinawa sa kaalamang mahigit sa kalahati ng mga katoliko ay mangmang sa pananampalataya at lalung nagiging mangmang dahil sa tiraniya ng mass media? Sino ang hindi pinanawan ng lakas ng pananampalataya sa kabatirang higit na marami yata ang nanuod ng pagpapako sa krus sa Pampanga at Bulacan at iba pang lugar, kaysa sa sumama sa prusisyon sa Linggo  ng Pagkabuhay? Sino ang hindi tinamaan ng matinding lungkot sa pangitain ng milyon milyong pinoy na higit na naniniwala na mahawakan ang lubid ng estatwa ng Jesus Nazareno sa Quiapo, kay sa maintindihang lubos ang pagpapaliwanag sa Salita ng Diyos sa Misa?

Si Tomas ay nabansagan ng pagiging mapagduda, mapag-alinlangan. Si Tomas ay nabansagan rin bilang isang hindi mapagpaniwala: “hangga’t hindi ko nahahawakan ang kanyang mga sugat sa kamay at tagiliran, hindi ako maniniwala.”

Nguni’t may angkin at taglay ring pangaral ang bida natin sa araw na ito. Bagama’t nagduda, si Tomas ay nanatiling kaisa ng mga disipulo. Naparoon pa rin siya sa kinalalagyan ng mga disipulo.

At nang napakita si Jesus muli, hindi na niya ginawa ang sinabi niyang gusto niyang gawin – ang hawakan ang mga sugat. Nang makita niya si Jesus, ay wala na siyang sinabi, wala na siyang ibinulalas.

Lumuhod lamang siya at nagsaad ng tunay na nilalaman ng kanyang puso: “Panginoon ko, at Diyos ko!”

Ito lamang siguro ang dapat nating gawin … hindi na ang para sa atin ang magtatambaw sa pagdududa, at pagpapahayag ng ating kawalan ng tiwala. Walang magagawa ang pagpapahayag lamang ng kawalan ng tiwala. Wala itong ibubunga ano man na magaling sa sarili at sa kapwa.

Subali’t ang pagtanggap na tayo ay walang kakayahang malaman ang lahat, ang pagtanggap na tayo mang mga mananakbo ay di miminsan ring natitisod at nadadapa, ay isang magandang simulain sa paglalakbay natin sa pananampalataya.

Kailangan nating tanggapin na ang pananampalataya natin ay hindi iisang iglap na nagaganap. Dapat itong alagaan. Dapat itong palaganapin at payabungin. At para ito lumago, kailangan natin ng konting panahon. Kailangan rin natin ng konting pagdududa. Kailangan rin natin ang mga kasama, mga kadugo, mga kapanalig, mga taong tulad natin ay naglalakbay tungo sa ikaliliwanag ng paniniwala.

Ito tayo ngayon sa simbahang ito. Mag-kaisa, magkasama, sapagka’t tayo ay mag kadugo, at higit sa lahat, mag-kapanalig. Iisa ang dasal natin ngayon sa harap ng Panginoong muling nabuhay: “Panginoon ko at Diyos ko!”

Saturday, April 7, 2012

KABULAANAN, KABABALAGHAN, KATOTOHANAN!


Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon
Abril 8, 2012


Isang walang lamang puntod ang natambad sa paningin ng mga disipulo sa maaga nilang pagpulas upang gawin ang dapat gawin na hindi nila magawa sa araw ng Shabat. Tila isang kababalaghan. Tila isang kahiwagaan.

Subali’t ito ay hiwaga at kababalaghan sa mga taong walang narinig at nakitang mga patunay at pahimakas sa magaganap na sadyang naganap na – ang pagkabuhay na maguli ni Kristong Panginoon.

Ang lahat ng mga hindi aral sa anumang bagay ay nakakikita ng maraming kababalaghan. Para sa akin, na walang alam sa kemistri, maraming kababalaghan ang nagaganap sa aking paningin. Para sa akin rin, na kakapurit lamang ang alam sa kompyuter, may mga milagrong nagaganap na hindi ko maintindihan, hindi ko maisagawang muli o maipaliwanag man lamang. Para sa isang mangmang, maraming misterio, maraming hiwaga, at maraming hindi kapani-paniwala.

Para sa isang taong nagpasya na kung ano ang tama, walang anumang dapat tanggapin bilang totoo. Ang lahat ay kabulaanan, kung ito ay sumasalungat sa kanyang sariling katotohanan.

Subali’t aral ang mga disipulo sa anumang naganap sa buhay ng Panginoon. Di miminsan nilang narinig na ang Anak ng Tao ay magdanas ng hirap, pasakit, at ipapatay ng mga tampalasan, at muling mabubuhay. Di miminsan niyang inihanda ang kanilang damdamin at kaisipan sa magaganap sa kanya.

May mga nag-iisip na ang patunay ng mga disipulo na si Jesus ay muling nabuhay ay ang walang lamang puntod. Tumpak at mali. Tumpak sapagkat, ito ang nagbunsod sa kanila upang maging bukas ang mata at ang puso sa maaring maganap, na tunay ngang naganap. Mali, kung ang ibig sabihin ay ito lamang ang tanging patunay na si Jesus nga ay muling nabuhay.

Sa madaling salita, ang katotohanan ay di nakabatay sa isang puntod na hungkag at walang lamang bangkay. Ang patunay ay nakabatay sa pangako ni Kristo ang sa katuparan ng pangakong ito na pinagtibay ng isang karanasang walang kapantay.

Hindi ito batay sa kwentong kutsero ng isang sintu-sinto na ang isipan ay di lapat o di ayos ang pagkahulma. Hindi ito kathang isip ng isang medyo-medyo ang pag-iisip.

Hindi rin ito bunga ng isang kabulaanan. Sa katunayan, hindi si Kristo at ang mga disipulo ang gumawa ng unang kabulaanan tungkol dito – na ang katawan diumano ni Kristo, ay ninakaw ng mga disipulo sa kadiliman ng gabi. Ito ang kababalaghang pinaikot ng mga malilikot ang isipang naghabi ng isang di kapani-paniwalang kwento na ayaw nilang tanggapin ang katotohanan.

Hindi na natin maipagkakaila ang isa nang natanim sa puso at kaisipan ng marami. At ito ay walang kinalaman sa isang puntod na walang laman. Ito ay walang kinalaman sa isang kwentong kutsero kathang-isip upang malulon tayo sa isang kababalaghan.

Ito ang totoo. Narito ang katotohanan. Ang Diyos natin ay Diyos na wagas at tunay. At tunay siyang muling nabuhay, ayon sa kanyang pangako, ayon sa kanyang turo, ayon sa dapat na inaasahan ng mga disipulong aral sa kanyang mga turo at pangaral.

Ano naman ang dapat maging totoo sa buhay natin ngayon?

Iniusog ang bato, iniurong at tinanggap ng kapangyarihan ng Diyos. Nausog ang balakid – ang batong sumasagisag sa pagkakasara ng ating puso at kaisipan sa harap ng katotohanan tungkol sa Diyos.

Sa araw na ito, iurong nawa natin ang batong balakid sa lubos na pananampalataya natin. Tanggalin nawa natin ang dapat tanggalin at iwaksi – ang baton ng kasinungalingan, ang bato ng kababalaghan, at mapaltan ng katotohanang batay, hindi sa kabulaanan, o mababaw na kababalaghan, kundi sa katotohanang mataginting na Si Kristo ay muling nabuhay, ayon sa kanyang sinabi, Alleluya!