Friday, September 27, 2013

MAY HANGGANAN AT HANTUNGAN ANG LAHAT ...


Ika-26 na Linggo ng Taon K
Setyembre 29, 2013


MAY HANGGANAN AT HANTUNGAN ANG LAHAT

Lungkot, galit at gimbal na magkakahalo ang nanunuuot sa ating kaisipan at damdamin sa mga araw na ito … Ito ay kung kasama tayo sa nakababatid sa mga nagaganap … mga inosenteng taong pinapaslang, isang batang pati kalamnan ay pinagkukuha … isang batang-batang executive na babae ang napag-tripan ng mga kabataang naghahanap ng mabibiktima isang madaling araw … isang halos buong pamilya at dalawang katulong at isang masahista ang walang-awang pinagpapatay sa loob ng kanilang bahay … isang katotohanang unti-unting lumiliwanag na halos ang buong gobyerno, mga mambabatas at mga kagalang-galang ay sangkot sa isang malawakang pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Ano ba ang magagawa ng tulad nating ordinaryong mamamayan sa gitna ng lahat ng katiwaliang ito, liban sa magalit at malungkot na lamang?

Nagtitipon tayo tuwing Linggo upang maghanap ng kahulugan sa buhay na tila wala nang katuturan. Naghahanap tayo ng mga kasagutan … naghahanap tayo ng anumang puede nating gamiting gabay sa pang-araw-araw nating buhay, upang sa gayon ay magkaroon ng patutunguhan ang masalimuot nating pamumuhay sa isang daigdig na tila pinanawan na ng pag-asa.

Parang walang nagbago magmula sa panahon ni Amos sa lumang tipan. Nagwika siya laban sa mga taong nagpapasasa sa yaman … mga taong “namumuhay na maginhawa sa Sion.” Sa biglang wari, ito ay isang pasaring sa mga mayayaman. Totoo bang ito nga ay pasaring sa mayayaman?

Tingnan natin sumandali ang kabuuan, kasama na rin ang dalawang pagbasa sa Bagong Tipan …

Hindi kailanman sinabi ng Panginoon na ang pagiging mayaman ay isang kasalanan. Sinabi lamang niya na mas madaling pumasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman na makapasok sa langit.

Subalit mayroon siyang isang kagimbal-gimbal na kwento na may mahalagang aral para sa atin. At ito ay hindi upang kamuhian ng mahirap ang mayaman, kundi ang matuto ang mayaman man at mahirap na mayroong higit na mahalaga kaysa sa pagpapasasa sa salapi at karangyaan.

May paalaala si Amos: “”Matitigil  na ang inyong mga pagpipiging at pagsasaya.” May hantungan ang lahat. May hangganan ang lahat. At lahat ng sine ay may katapusan.

Sa buhay natin, madaling makalimutan ang higit na mahalaga. Kung sa ating lipunan, ay handang kumitil ng buhay ang isang grupo ng kabataang wala pang 20 taong gulang para lamang magkaroon ng kaunting pera, ay isa itong tunay na kahindik-hindik na sitwasyon.

Kung halos lahat ng mga mambabatas ay tila nahirati na sa isang maruming sistema ng kadayaan at pagsasamantala sa kaban ng walang malay na ordinaryong tao, tunay ngang nararapat nating pag-usapan ang paalaala ni Amos. Kung handang mandaya ang mga sumasali sa timpalak mula sa ibang bansa, at pati retrato ng may retrato ay ipinapasa na para bagang kanyang sariling gawa, makakita lamang ng pera, ay tunay na kalungkot-lungkot ang sitwasyon.

Hindi yaman ang pinupuntirya ng mga pagbasa ngayon. Hindi masama ang maging mayaman. Pero kung ang yaman ay nagdudulot sa kawalan ng pansin at malasakit sa iba, sa kapwa, lalu na sa mga walang kaya at mangmang, ito ay isang tunay na krimen sa harapan ng Diyos at ng bayan ng Diyos.

Tingnan natin sandali ang sinabi ni Pablo kay Timoteo: “sikapan mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan.” May higit na mahalaga kaysa pera at yaman.

Tingnan natin rin ang kwento tungkol kay Dives at kay Lazaro … Hindi masamang magdamit ng marangya ang mayaman at kumain ng masasarap na pagkain. Pero hindi tama na ang lahat ng ito ay maghatid sa kanya sa kawalan ng pansin, at tigas ng kalooban sa harap ng isang nanlilimahid sa kahirapan at kakapusan sa lahat ng bagay na makamundo.

Malalim na ang narating ng kultura ng ating bayan na puede nating sabihin: “pera-pera lang ang lahat.” Kung totoong para magawa ng mga salarin ang malawakang krimen ay kinailangan nila ng tulong ng marami, dahil sa “pera-pera” lamang ang lahat, may saysay ang sumbat ni Amos: “Matitigil na ang inyong mga pagpipiging at pagsasaya.”

May wakas ang lahat ng bagay. May langit at may impyerno. May hangganan at hantungan ang lahat …At kung may pagkakautang ay dapat may kabayaran.

Thursday, September 19, 2013

TIWALA O HINALA PARA SA KATIWALA?


Ika-25 Linggo Taon K
Setyembre 22, 2013

TIWALA, O HINALA PARA SA KATIWALA?

May pagkakataong angkop na angkop ang wika natin upang gawing tulay ng pagninilay. Ang ebanghelyo sa araw na ito ay isang halimbawa.

Isang katiwala ang hindi naging tapat sa kanyang amo. Nilustay ang perang hindi kaniya. At dahil darating na ang amo para hingan siya ng pagtutuos o cuentas claras, kumbaga, mabilis siyang nag-isip at nagpasya. Namudmod ng perang hindi kanya, at binura ang bahagi ng pautang ng kanyang amo sa kanyang mga kostumer.

Ito ang matindi. Pinuri pa siya ng Panginoon dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Isa isantabi natin sumandali ang usapin kung tama o mali ang kanyang ginawa. Hindi para sa atin ngayon ang pagtalunan kung wasto o mali ang pandarayang ginawa ng katiwala upang magkaroon siya ng kaibigang tutulong pag nagkataon.

Katalinuhan! Ito ang dahilan kung bakit pinuri siya. Pagpapasya! Ito ang naging bunga ng kanyang katalinuhan. Mabilis nag-isip. Mabilis kumilos. Sapagka’t alam niya ang kanyang gusto – ang makagawa ng mga kaibigang tutulong sa kanya sa kanyang darating na pangangailangan.

Minsan, tayo ay sinasagian ng matinding mga suliranin. Kapag dumapo ang matinding krisis, may mga taong hindi makapagpasya, hindi makapag desisyon. Sa harap ng krisis, ang mga taong ito ay tila nagiging parang tuod, walang buhay, walang malay, walang alam gawin. Hindi alam kung saan susuling, saan babaling. Mali man o tama ang ginawa ng katiwala, hindi natin siya mapupulaan ng kawalan ng pasya, o kawalan ng wisyo, o kakulangan ng kilos.

Sa ating panahon, matindi at malawak ang kaguluhan. Maraming sala-salabat na suliranin. Maraming iba-iba at sanga-sangang mga problemang dapat harapin. May mga taong sa harap nito ay nanlulumo, nanghihina, nawawalan ng ulirat at hinahayaan na lamang magnaknak ang mga sugat. Walang pasya. Walang desisyon. At lalong walang ginagawa!

Isa sa liksyong puede nating makuha sa ebanghelyo ay ito. Kailangan ng juicio upang harapin ang problema. Kailangan ng talino upang lapatan ng lunas ang anumang suliranin. Kailangan ng karunungan upang harapin ang mga pagsubok at gawan ng paraan upang malutas.

Ito ang ipinamalas ng katiwala!

Pero hindi pa tapos ang talinghaga. Matapos ipamalas ni Jesus na kailangang magpasya at kumilos upang harapin ang krisis, dinagdagan niya ang pangaral. At dito pumapasok ang iba pang dapat taglayin ng isang katiwala upang hindi mauwi sa paghihinala, o kawalan ng tiwala ng pinaglilingkuran.

Ano ba ang dagdag na kailangan pa bukod sa karunungan?

Ito ang turo ng Panginoon … kailangan rin ng katapatan, diumano. Kailangan maging tapat sa maliit man o sa malaki. At ang paalaala sa atin ay ito: “Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang magdaraya sa maliit na bagay ay magdaraya rin sa malaking bagay.”

Nahubaran ngayon ang maraming tao dahil sa malakihan at malawakang kurapsyon. Daan daang milyong piso ang posibleng ibinulsa ng mga taong hindi katiwa-tiwala sa loob at labas ng pamahalaan.

Sa harap ng mapait na katotohanang ito, hindi puede ang pabandying-bandying lamang. Hindi puede na hindi pairalin ang karunungan. At lalung hindi puedeng hindi pairalin ang pagpapasya at pagdedesisyon sa paggawa ng tama. Sa harap ng krisis, hindi puede ang patulog-tulog at pag-aasal Juan Tamad na naghihintay na lamang na malaglag ang bayabas.

Kailangan natin ng karunungan upang malaman kung ano ang dapat gawin. Subali’t kailangan rin natin ng desisyon at pagkilos upang unti-unting mapawi ang kinasadlakan nating kapalaluang malawakan.

Higit sa lahat, kailangan nating isapuso at isadiwa ang mahalagang turo ngayon ng Panginoon, bukod sa pagiging mapagpasya at kagya’t kumikilos o gumagawa ng dapat … Kailangan nating alalahanin tuwina, na ang tunay na tagasunod at isang katiwalang hindi kahina-hinala, kundi tampulan tiwala at paglilingkod. Sapagka’t … at dapat nating uliting muli … “Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”

Bilang katiwala ng Diyos, ano ba ang para sa atin kaya? … hinala o tiwala?

Thursday, September 12, 2013

TATAYO AKO'T BABALIK, SAPAGKA'T AKO'Y NAGKASALA!


Ika-24 na Linggo ng Taon K
Setyembre 15, 2013

 TATAYO AKO'T BABALIK, SAPAGKA'T AKO'Y NAGKASALA

Matindi ngayon ang social networking sites … dami selfies, dami rin ng selfish o makasarili … dami piktyur, at marami ring inaasahang “likes” tunay man o hindi ang get-up ni Kiko o ni Kikay.

Kung selfish and Diyos, gagawin kaya niya ang ginawa niya ng gumawa ng napakalaking selfie ang mga Israelita? Nagtayo sila ng diyus-diyosan … isang diyus-diyosang tanso at asero. Hinimok niya si Moises: “hali, puntahan mo ang aking bayan, na ngayon ay hibang na hibang sa kanilang imahe” … nahawahan ng pagiging makasarili na usong-uso ngayon saanman.

Ganyan magmahal ang Diyos … Makatarungan … oo. Pero mahabagin rin. Sa huli,”hindi na itinuloy ng Panginoon ang balak na paglipol sa mga Israelita.” Ginawa niya ito kahit nagumon sa selfie ang mga taong ito.

Tulad natin … Gahaman tayo kung minsan sa selfie. Panay sarili ang atupag natin. Panay ako, kami, tayo … laban sa iba. At ang selfie ang nagiging diyus-diyusan, tulad ng ating paghahanap sa “likes” mula sa marami sa facebook. Ganon kaganid ang tao sa “likes” kung kaya’t pati sariling posts ay nilalagyan nila ng like.

Tingnan natin ang turo ni Pablo. Dati siyang gahaman rin sa pag-uusig sa mga kristiyano. Tinuligsa niya at tinugis ang mga mananampalataya at tagasunod ni Kristo. Nguni’t nagising siya sa katotohanan at ito ang kanyang sinabi: “Inusig ko siya at nilait. Sa kabila nito ay kinahabagan ako ng Diyos sapagka’t hindi ko nalalaman ang aking ginagawa.”

Kababaang-loob ito, hindi selfie. Pagpapakumbaba ito, hindi paghahanap sa sarili.

Makamandag talaga ang pagkamakasarili. Pati ang dalwang magkapatid ay natalsikan ng kamandag nito. Sabi ng bata: “Akin na ang aking mana.” “Magsasarili na ako.” Ang kuya naman ay nahabag sa sarili: “Paano naman ako?” “Ni isang bisirong kambing ay ipinagkaloob sa akin upang gawing pulutan at ipagdiwang kasama ng aking barkada!” “Paano naman ako?”

Sukdulan ng katakawan at pagkamakasarili ang narinig natin … daan-daang milyong piso ang pinaghatian ng mga mambabatas at ng magaling mag-magic na taong nakinabang sa hindi nila pera.

Lahat tayo ay kabilang sa bayang ito. Tayo ang bumoto. Tayo ang nagpaloko. Tayo ang tumanggap marahil ng suhol o nagbigay ng suhol. Tayo ang puno at dulo ng kasalanan, sapagka’t ang kasalanan ay nagmumula sa puso ng tao.

Subali’t mahabagin at maawain ang Diyos. At dito ngayon masusubukan ang ating tugon, ang ating pakikibagay at pagtalima sa halimbawa ni Pablo, at halimbawa ng Ama sa ebanghelyo. Tanging ito lamang ang magpapaangat sa atin at magbabalik ng dangal sa atin:

“Babalik ako sa Ama, sapagka’t ako ay nagkasala.”

Saturday, September 7, 2013

DATING ALIPIN; NGAYO'Y KAPATID


Ika-23 Linggo Taon K
Setyembre 8, 2013

DATING ALIPIN; NGAYO’Y KAPATID!

Kahit saan, mahirap talaga ang buhay ng isang nakikipamahay. Wala kang sariling skedyul. Ang takbo ng buhay mo ay nakasalalay sa skedyul ng buhay ng may bahay. Ang buong buhay mo ay umiikot sa pakikibagay at pakikisama.

Pero mayroong mas masahol pa sa pakikipamahay. Ito ay ang pagiging alipin. Ito ang kwento ni Onesimus, isang datihang alipin ni Filemon. Pero ang magandang balitang ngayon ay nakalaan sa atin ay walang iba kundi ang pagiging malaya … ang pagiging ligtas sa anumang pagkagapos na panloob at panlabas.

Ito ang hiwaga ng pananampalataya natin. Bagama’t mahirap unawain, yayamang ayon sa unang pagbasa ay hindi natin kayang maarok ang pamamaraan ng Diyos, ito ang totoo. At ito ang pananampalatayang naghahatid sa atin upang sambitin: “Ikaw Panginoon ang aming kanlungan magpakailanman.”

Karanasan nating lahat ito. Mahirap ang matali sa anu mang bisyo. Mahirap ang magumon sa anumang masamang kaugalian. Mahirap tigilan ang pag-inom kung kinasanayan. Matagal matanggal ang droga kung kinasadlakan. Mahirap ang iwanan ang luho kung nakagawian. At lalong mahirap lisanin ang kasalanan at katiwalian kung ito ang nakikita nating kalakaran.

Hindi madali para sa isang alipin ang magsabing ayaw na niya paalipin. Hindi madali sa isang taong nakagapos ang kalagin ang kanyang pagkatali nang walang tulong sa iba. Subukan mong magpa strait jacket at magsikap kang tumakas. Kung hindi ka si Houdini, wala kang magagawa.

Sa Linggong ito, nais kong isiping ang buod ng magandang balita ay wala iba kundi ito – ang pagka-alipin ay hindi na katangian ng pagiging Kristyano. At ito ay nakamit natin hindi sa ganang sarilin nating pagsisikap, bagkus natanggap natin sa dakilang habag at biyaya ng Diyos.

Si Pablo mismo, sa ngalan ng Panginoon ang humimok kay Filemon na tanggaping muli sa kanyang pamamahay si Onesimo. Dating alipin, nais niyang bumalik sa kanyang dating pinaglingkuran. Kaya nyo ba yan?

Kayo nyo bang tanggapin ang dati mong kasambahay na ngayon ay magiging kasosyo mo na sa bahay? Kaya nyo bang ituring na tunay mong Katoto ang isang dati rati ay naninilbihan sa inyo?

Sa makataong takbo ng ating isipan ay halos imposible mangyari ito. Pero hindi makataong isipan ang paiiralin natin dito, kundi ang mentalidad at takbo ng isipan ng Diyos, tulad ng pamamanhikan ni Pablo, na nakikiusap sa ngalan ng Diyos, na siyang pinagmumulan ng tanang kalayaan.

Itong isiping maka Diyos na ito ang naghatid kay Kristo upang sambitin: “Hindi maaring maging disipulo ang isang tao hangga’t hindi niya kayang kamuhian ang kanyang ama, ina, asawa, at anak, at mga kapatid.”

Hindi ganap na malaya ang isang taong alipin ng mga nakapalibot sa kanya. Hindi kayang gumanap sa tungkulin ng isang disipulo ang sinumang ni bitawan ang mga ugnayang pantao ay hindi niya magawa. Walang alipin ang kayang pumalaot, pumailanlang o maglayag upang gawin ang gawaing maka-Diyos.

Sari-saring mga pagka-alipin ang bumabalot sa buhay natin. Nandyan ang katiwalian. Nandyan rin ang kasinungalingan, at karamutan at kasibaan. Kay raming taong handang ipagpalit ang dangal para sa yamang nabubulok at naaagnas, tulad ng nakita natin sa Pork barrel scam.

Pero malinaw ang turo sa atin ngayon. Tinatawagan tayo hindi sa pagka-alipin, kundi sa tunay at wagas na kalayaan. Ito ang totoo tungkol sa ating lahat: Tayo noon ay alipin, nguni’t ngayon ay itinuturing na mga kapatid kay Kristo.

Kaya ba natin ito? Kaya Natin ito, pero hindi ang tipong pinagsasama ang itim at puti. Kaya natin ito, kung ang itim ay tawaging itim, at ang puti ay tawaging puti. Hiwalay kung hiwalay, sabi nga nila. Walang grey. Walang alanganin. Ang tama ay tama, at ang mali ay mali. Pagkat tayo’y dating alipin na ngayon ay pawang mga kapatid kay Kristo Jesus.