Ika-7 Linggo Taon A
Pebrero 23, 2014
KAGANAPAN
Makailang beses ko nang nasabi ito … ang maling gamit ng mga
mamamahayag sa salitang “kaganapan.” Para sa kanila, ito ay nagtuturo sa mga
pangyayaring nagaganap sa isang lugar. Subali’t ang kaganapan ay hindi ang mga
bagay na nangyayari. Ang kaganapan ay ang kabuuan ng mga pangyayari at pagiging
“ganap” ng mga ito – perpeksyon, kaganapan, katuparan.
Kaganapan ang nais ng Diyos para sa atin, hindi karangyaan …
at lalong hindi lang tagumpay at kagaanan sa buhay.
Ang talino ng mundo ay nakatuon sa dalawang ito, karangyaan
at kagaanan sa pamumuhay. Bakit kan’yo ang daming mga Madame na
nagpapaikot-ikot sa Senado, Kongreso, DBM at mga parking lot? Bakit kan’yo ang
daming mga naghahatid ng sandwich at fudz (?) sa mga kagalang-galang? Mahina
tayong lahat kung hindi natin makuha ito.
Tila kalokohan ang turo ni Moises: “Magpakabanal kayo,
sapagka’t akong Panginoon ay banal.” Tila kamangmangan ang pangaral ni Pablo,
na ituring ang katawan bilang templo ng Diyos. Ano? Hindi pa nga ako nagpapa
Belo, templo na ako ng Diyos? At hindi lang yan … Parang kabulastugan ang turo
ng Panginoon, na ialay ang kabilang pisngi kapag nasampal ka na sa isang
pisngi. Shunga! Sino makapapayag dito?
Pero aminin man natin o hindi, ito ang takbo ng isipan
ngayon. Mahina ka, kung tutuka ka na lamang at sukat ay palalampasin mo pa ang
pagkakataon. Pera na, naging bula pa. Abilidad ang tawag dito. At mahina ang
mga taong hindi marunong kumagat kapag may makakakagat. At timang ang taong
sasalungat sa opinyong popular ng madla. Sino puedeng sumalungat sa survey ng
SWS at Pulse Asia? A ver?
Isa sa mga mainit na usapan ay may kinalaman sa buhay ng
tao. Magsalita ka at magpahayag ng iyong saloobin at tiyak na dudumugin ka ng
sandamakmak na haters at naysayers, lalo na ang maiingay at maraming pondong
Pro-choice. (Hmmm … saan kaya sila kumukuha ng pondo sa mga website, mga
trolls, at mga patalastas galing sa mga komentarista sa radyo at TV?) Magturo
ka ng laban sa kalakaran ng mundong mababaw at ikaw ay lilitsunin nila ng
buhay. Kumampi ka sa mga nagpapahalaga ng buhay, at tingnan natin kung hindi
papatayin sa tingin, sa libak, at sa masasakit na pananalita. Ano ang kanilang
tulak? Sobra nang dami ang tao ngayon, kung kaya’t dapat kitlin o wag payagang
matuloy ang mga batang hindi pa isinilang, o kasisilang pa lamang. Bawasan ang
tao, pero saan ka? Wala ni isa man sa kanila ang magvovolunteer na sila ang
mauna.
Malinaw na parang baliw ang turo ng Panginoon natin ngayon:
mahalin ang nagpapahirap sa iyo … mahalin ang kaaway … ipagdasal ang namumuhi
sa iyo … wag gaganti … wag magmamalabis … maging banal tulad ng Diyos …
magpunyagi upang marating ang kaganapan … ang pagiging ganap tulad ng Diyos …
ang pagiging banal, at sa ating panahon ang kaganapang ito ay nangangahulugang
ganap kang kaaway ng mga hindi sumasang-ayon sa turo ng ebanghelyo.
Pero, isang salitang nagdudulot ng consuelo sa mga kagaya
kong nagpaka buwang o nagpaloko ika nga sa Panginoon … Konting tiis pa …
konting lakad pa … konting punyagi pa … “Ang ating Panginoong Diyos ay
nagmamagandang loob!”
No comments:
Post a Comment