Friday, February 14, 2014

IKAW ANG MAGPAPASYA, WALA NANG IBA!


Ika-anim na Linggo Taon A
Febrero 16, 2014

IKAW ANG MAGPAPASYA, WALA NANG IBA!

Muli na namang karunungan ang paksa ng mga pagbasa. At tuwing karunungan ang usapan, laging pumapasok ang usapin tungkol sa mga eskriba at pariseo – ang mga pinaka-aral sa mga tao noong panahon ng ating Panginoon.

Pero tulad nga ng nasabi na natin nang maraming pagkakataon, iba ang ang aral lamang at iba rin ang tunay na maalam o marunong. Dalawang uri ng kaalaman ang tinutumbok ng tatlong pagbasa: ang kaalamang makamundo at mababaw at ang karunungang wagas at makalangit.

Pero bagama’t itinatangi ng mga pagbasa ang karunungang makalangit, ang pangaral ng tatlong pagbasa ay lubhang makatotohanan at nakalapat ika nga, sa lupa. Tatlong bagay ang binibigyang-pansin ng ebanghelyo, na may kinalaman sa ating pagkatao: ang galit, ang pita ng laman at pagnanasa sa laman, at ang pagwiwika ng katotohanan.

Sino ba sa atin ang hindi nakaranas magalit? Sa takbo ng panahon natin ngayon, sino ba ang hindi magagalit sa kabatirang pinaiikot lang tayo ng mga maaalam na “honorable,” at binibigyan tayo ng mga palusot na wala naman talagang lusot? Sino ba ang hindi mawawalan ng pasensya sa mga taong kung sino ang mataas ang pinag-aralan ay sila namang nanlalamang sa mga walang kamuang-muang na mahihirap?

Tanggap ko na isa ako sa mga taong mahina at marupok sa bagay na ito. Mahirap ang isiping tayo ay tinatanga ng mga taong iba ang pakahulugan sa “sandwich,” sa NGO, at sa marami pang ibang salitang nauuso araw-araw.

Sino rin sa atin ang hindi nadadala ng kahinaan ng laman, at ng tindi at lakas ng pita ng laman? Sino sa atin ang hindi nagdadaan sa matinding pagnanasang hindi naaangkop sa ating estado? Mayroon bang hindi kahit miminsang napadala sa bugso ng damdamin at lukso ng matinding pagnanasa?

Sino rin sa atin ang hindi nahirapang mapadala sa kagustuhang umiwas sa katotohanang nagsisilbing parang maliit na bato sa ating sapatos kung kaya’t hindi tayo makalakad nang tuwid hangga’t hindi natin inaalis ito? Sino sa atin ang hindi narahuyo ng pagsasabi ng kasinungalingan upang maisalba lamang ang sariling imahe sa harapan ng kapwa?

Mahirap magpakatao… Mahirap magpakabanal … Mahirap magpakatapat. At ang magandang balita ngayon ay ito … Nauunawaan lahat ito ng Diyos. Nauunawaan Niya ang ating mga hinaharap na pagsubok.

Ngunit ang kanyang pag-unawa ay hindi nangangahulugang pagsang-ayon sa mali. Ang pagtanggap sa ating kahinaan at karupukan ay hindi isang lisensya sa paggawa nang hindi tama. Ang pagiging mahirap na bayan natin ay hindi nangangahulugang dapat tayong manatiling tanga at naiisahan tuwina ng mga aral at mga makapangyarihan. Ang ating pagiging simple ay hindi nangangahulugang dapat tayong maging uto-uto at napadadala na lamang sa panlilinlang ng mass media at pagsunod sa kalakaran ng kamalian, kahit na ito ay pinasisimunuan ng kongreso at ng ehekutibo sa gobyerno.

Iisang bagay ang tinutumbok ni Sirac sa unang pagbasa … ang ating kakayahang magpasya, ang ating kakayahang mamili. Ito ang karunungang  ‘hindi karunungan ng sanlibutang ito,” ani San Pablo, kundi ang “panukala ng Diyos.”

Ito rin ang karunungang higit pa sa makamundong kaalaman ng mga eskriba at pariseo. Ito ang karunungang maghahatid sa atin sa tama at wastong pagharap sa galit, sa pita ng laman, at sa pagsasabi ng katotohanan. Ito ang karunungang malimit ay hindi nauuunawaan ng mundo at hindi pinahahalagahan ng mga taong walang materyal na pakinabang dito.

Masalimuot at magulo ang ating lipunan. May palusot ang lahat. May istorya ang lahat ng nasasangkot sa malakihang katiwalian. Tulad nating lahat, natural lamang na maghanap ng pasulot, maghanap ng ituturo. Ngunit sa likod ng kanilang pagtanggi ay ang nagpupuyos na katotohanan – na daan daang milyon at bilyong piso ang napunta lamang sa mga bulsa ng mga gahamang ngayon ay bayani dahil magtatapat daw sa ngalan ng katotohanan, nguni’t tila hindi ang buong katotohanan.

Kailangan nating mamili … Kailangan nating magpasya … May kakayahan tayong gumawa nito. Kaya natin ito … “Ikaw ang magpapasya kung magiging tapat ka sa kanya o hindi.” Ikaw lamang at ako … Wala nang iba.

No comments:

Post a Comment