Ikawalong Linggo Taon A
Marso 2, 2014
DIYOS MUNA; SAKA NA ANG IBA PA!
Wala ni isa man siguro sa aking mga tagabasa at tagapakinig
ang walang maisasalaysay na malungkot na kwento … ng panlalait ng kapwa, ng
pagtikis at pagyurak sa ating dignidad … ng mali at palsong panghuhusga ng
kapwa, at ng mga paratang na walang basehan tungkol sa ating pagkatao.
Libo-libong mga santo, mga banal at mga taong nagdusa sa
ngalan ng Panginoon at ng kanilang pagmamahal sa katotohanan ang dumaan sa
ganitong mga panlalait. Lahat tayo ay nakaranas ng maging balisa at aborido
dahil sa alam nating kakulangan at kasalatan sa buhay.
Sino sa atin ang hindi napuyat dahil sa takot na bumagsak sa
iksamen sa eskwela? Sino sa atin ang hindi nagkulang sa tulog dahil sa
pag-iisip sa kakailanganin sa kinabukasan na walang tiyak na pagkukunan? Sino
sa ating mga magulang ang hindi nabagabag sa paghahanap ng ibabayad sa iskul,
sa pang matricula at pambili ng gamit sa paaralan? Sino sa atin ang hindi
nakaranas mapagbintangan sa isang bagay na hindi sumagi man lamang sa ating
guni-guni?
Minsan rin akong nakaranas mapagbintangan ng isang guro sa
elementarya. Masakit, Kuya Eddie! Nawalan ang titser ng isang mahalagang bagay
at ako ang numero uno sa kanyang listahan ng mga salarin. Masakit, mahirap at
matindi ang mabagabag dahil sa isang bagay na hindi mo naman pinag interesan.
Karanasan ito na marami sa atin ang napagdaanan.
Sa mga nakaraang mga Linggo, tunay na karunungan ang pinaksa
ng mga pagbasa. Sa araw na ito, ang
pinakamahalagang karunungan ang paalaala sa atin – ang kakayahang tumingin sa
itaas, at makita ang nagkukubling pagpapala sa kabila ng mga pagdurusa at
pagdusta ng kapwang walang bilib o tiwala sa atin.
Ito ang mga tumataginting na aral sa atin. Una, hindi tayo
kailanman pinabayaan ng Diyos. Nagkakalinga ang Diyos sa lahat ng sandali sa
ating buhay, kahit na tayo ay hinahatulan o hinukuman ng tao. “Ang Panginoon
ang humahatol sa atin.” Ikalawa, hindi dapat tayo mapadala sa pagkabagabag ng
kalooban. Pati mga damo at mga ibon sa parang ay pinangangalagaan ng Diyos. “Isipin
ninyo kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang.”
Ngunit ang lahat bang ito ay isa lamang kathang-isip at
pabulat-bungang mga pananalita? Oo, kung wala kang gagawin. Consuelo de bobo
lang ang lahat ng ito as taong naghihintay lamang na nakanganga tulad ni Juan
Tamad. Ang biyaya ng Diyos ay hindi katumbas ng noynoying anu man ang ibig
pakahulugan nito. Hindi ito isang walang asim na pagnanais at pag-aasam lamang.
Ano ang dapat natin gawin?
Una, dapat tayo sumampalataya … tinatawagan tayo upang
manalig. Ikalawa, dapat nating unahin ang Diyos at isunod lamang ang lahat ng
ating pinagkakaabalahan … “Pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian
kayo ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ipagkakaloob niya
ang lahat ng kailangan ninyo.”
Hanapin ang Diyos … Tanging ang Diyos! At ang lahat ng iba pa ay
kanyang ipagkakaloob din … Diyos muna … saka na ang iba pa.