Friday, November 29, 2013

BUNDOK ... BABALA O BALITA?


Unang Linggo ng Adviento (A)
Disyembre 1, 2013

BUNDOK … BABALA O BALITA?



Takot ako sa tubig. Bilang isang probinsyanong galing sa bulubundukin ng Cavite, takot ako sa malalawak at malalim na dagat. Pero ang bundok ay ibang usapan. Nabibighani ako sa bundok. Hindi kaya’t ito ang dahilan at higit sa 14 na bundok sa Pilipinas na ang aking naakyat?



Ang unang Linggo ng Adviento ay may kinalaman sa matayog na bundok. Ayon kay Isaias, ang bundok raw ng tahanan ng Panginoon ay magiging mas matayog kaysa sa anumang burol, at lahat ay mabibighani rin sa kanya.



Malungkot nga lamang at tayong mga Pilipino ay malapit halos lahat sa dagat. Ang mga bayan natin at lungsod ay pawang itinayo na malapit sa ilog o sa dagat, kung saan tayo unang umasa at kumuha ng ikabubuhay. Ang siyang ipinagtawid-buhay ng marami sa atin ay siya namang naging mecha ng buhay rin ng marami. Sa humpak na dumaluyong sa Tacloban, sa Guiuan, at sa marami pang lugar sa Silangang Visayas nang humagupit ang bagyong si Yolanda, kay rami ang nabigla, nasapawan ng dambuhalang alon na kumitil sa buhay ng mahigit limang libong katao, at marami pa ang hindi pa natatagpuan.



Ang bundok sana ang siyang naging kaligtasan ng marami. Ang bundok na tinitingala natin at para sa ilan ay kinatatakutan o iniiwasan, ay siya sanang nagligtas sa maraming hindi nakaunawa sa kahulugan ng storm surge, na hindi isinalin sa Tagalog o Visaya ng mga tagapagbalita.



Unang LInggo ngayo ng Adviento at sa unang Linggong ito, ay bundok ang bida, ang sentro ng ating atensyon. Sa Biblia, ang bundok ay laging sagisag ng katatagan, kaligtasan, muog at batayang matatag ng buhay. Tumitingala ang mga tao sa bundok at ang kanilang nakikita ay ang diwa ng pakikipagniig sa Diyos, tulad ng nakipagtagpo si Moises sa Bundok ng Sinai. Pati ang salmista ay umawit nang ganito: “Tumitingala ako sa kabundukan, kung saan manggagaling ang aking kaligtasan” (Salmo 121:1)



Pero sa buhay natin, walang katiyakan at kasiguraduhan kailanman. Kampante ang ating mga kababayan, at ang akala nila ay ligtas sila sa kani-kanilang mga bahay. Ngunit nang ang humpak ay dumaluyong, nilamon nito ang lahat ng kanyang dinaanan, sampu ng buhay ng maraming hindi handa sa dagok na ito ng kalikasan.



At puede itong mangyari kahit kanino. At kung bakit hindi sila umakyat sa matayog na burol ay hindi na para sa akin upang sisihin sila at tanungin. Malamang na ako man ay ganuon din ang aking gagawin.



Isang malaking aral para sa atin sa unang linggong ito ng paghahanda sa pasko ng pagsilang. Ang bundok ay maaring isang babala o isang balita. Kung isang babala, ito ay nagbabadya sa atin na ang buhay ngayon at dito, sa kapatagan ay walang katiyakan, walang kasiguraduhan. Hindi ito ang hantungan ng lahat para sa atin. Hindi ito ang hangganan at ang wakas. Hindi ito ang siyang bumabalangkas ng kalahatan ng ating pagkatao at pagiging nilikha ng Diyos.



Tama si Pablo … Oras na upang gumising at maghanda. Oras na upang bumangon sa pagkagupiling sa mali at umayos sa tama.



Sa ebanghelyo, mayroon ring isang babala … Hindi raw natin alam ang oras ni ang araw kung kailan babalik ang Panginoon. Ngunit ang babalang ito ay may higit na malalim at higit na mahalagang balita …



At ito ang diwa ng paghahanda sa adviento … na kailang nating maghanda sapagka’t sa oras na hindi natin inaasahan ay darating ang Anak ng Tao.



Halina’t masaya tayong tumungo sa tahanan ng Panginoon!

Friday, November 22, 2013

HARI, LINGKOD, LUWALHATI


Kristong Hari Taon K
Nobyembre 24, 2013

HARI, LINGKOD, LUWALHATI

Hindi ako nakapag post noong nakaraang Linggo … abalang-abala sa paghahanap ng paraan kung paano makatulong sa nasalanta ng bagyo. Pakiramdam ko ay isang batang nagsasalok ng tubig sa dagat upang ilipat sa balon. Walang saysay halos … walang maidadagdag sa laki ng problema.

Nabuhayan ako nang ako ay magpunta sa mall upang mamili ng isasama sa ipadadala sa Tacloban. Kasabay ko ay mga matatandang babaeng hindi na magkandaugaga sa dala – mga kahon-kahon ng biskwit, krakers, at nudels. Kasunod nila ang mga batang mag-asawang kasama ang mga anak, na ang hanap ay siyang hanap ko rin – mga pagkaing madaling ihanda at kainin.

Larawan ng kahinaan … kawalang kakayanan … kasimplehan.

Ito ang larawang hatid rin ng pista ni Kristong Hari. Malayo ang haring ito sa rangya at kapangyarihan, tulad nang malayo si David sa larawan ng isang may angking dahas at lakas, sapagkat siya ay isang hamak na pastol lamang.

Pista ngayon ni Kristong Hari. Nasaan kaya ang kanyang pagkahari sa mata ng mga ngayon ay tumatangis? Wala nang bahay … wala ring kabuhayan … wala na ang mga mahal sa buhay … sa ilang oras na unos ay naanod ang lahat. Isang dambuhalang trahedya ang pumawi sa kanilang kasalukuyan at kinabukasan!

Pero isang araw noong isang Linggo ay tumambad sa akin ang isang makapangyarihang karanasan. Isang lalaki ang nagdala ng malaking halagang mga relief goods sa aking opisina. Isang bunton. Lahat ng maaari niyang bilhin ay binili at ipinakahon. Limang araw matapos ang trahedya, ito ang kanyang kwento sa akin … Wala pa raw siya naririnig sa kanyang mga kamag-anak sa Tacloban.

Larawan ng makamundong kahinaan, oo … Ngunit larawan rin siya ng isang matayog na katatagan ng kalooban at pananampalataya. Tiim ang bagang ngunit tigib ng pananampalataya ang puso, nakuha pa niyang tumulong kahit hindi niya alam kung matitikman pa ng kanyang mga kamag-anak ang kanyang tulong.

Ito ang larawan ni Kristong Hari … kahinaan, kapayakan, kahinahunan at kalakasan! Pinahirapan siya. Tinuya. Tinudyo. Tinaasan ng kilay at ng boses: “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, iligtas mo ang iyong sarili at pati kami!”

Maraming nagdusa dahil sa dambuhalang trahedyang ito. Hindi sila karapat-dapat magdusa, tulad ni Kristong di rin karapat-dapat magbata ng hirap at mamatay sa krus. Nguni’t sa harap ng matinding dagok na ito ng kalikasan, ang isang hindi makatkat sa aking gunitang larawan ay ang mga taong hindi nawalan ng pag-asa. Hindi pinanawan ng pananampalataya, na siyang naging dahilan kung bakit naging ikona ang Pilipinas ng pagwawakas ng taon ng pananampalataya.

Matindi ang hagupit ng tadhana. Sobrang pait ang latay ng paghihirap ng ating mga kababayan. Subali’t matindi rin at mataginting ang pangako ng ating Haring nasadlak rin sa dusa: “Sa araw na ito, ay makakasama kita sa Paraiso.”

Purihin ka, O Kristong Hari, Ikaw ang Hari hindi lamang ng santinakpan, kundi Hari ng aming puso at kalooban!


Friday, November 8, 2013

ALAM KONG AKO'Y MULING BUBUHAYIN!


Ika-32 Linggo Taon K
Nobyembre 10, 2013

ALAM KONG AKO’Y MULING BUBUHAYIN!

Matagal-tagal na akong nagtuturo. Sa aking mahabang karanasan, mahalaga ang tinatawag nating mithiiin, pangarap, o panagimpan (vision sa Ingles). Ang mga mag-aaral na nagsisimula ng semester na walang mithiin, walang tiyak na gustong marating, o walang anumang inaasentar na layunin ay nananatiling parang walang natupad o nagawa sa loob ng anim na buwan.

Ang mga may mithiing taglay sa puso ay walang problemang magsumite ng mga requirements. Malayo pa ang deadline ay meron na silang handang papel na puede i-entregar. Ang walang pinanghahawakang pangarap at mithiin ay laging parang nagpapadala na lamang sa agos. Wala nang papel ay wala pang sagot sa pinal na pagsusulit.

Iba talaga kapag kahit mga bata pa ay mayroon nang nakikitang ibang bagay na hindi nakikita ng mga walang hinahanap at inaasam. Ito ang kwento ng mga magkakapatid na Macabeo. Mas pinili nilang mamatay kaysa lumabag sa utos ng Diyos. Bakit? Sapagka’t may nakikita silang hindi nakikita ng mga taong walang pananampalataya.

Ano ba ang nakita nila? Nasa kanilang harapan tuwina ang isang katotohanang hindi matanggap ng mga taong hindi tumatanggap sa Diyos na nagbitaw ng pangako – na mayroon muling pagkabuhay ng mga nangamatay at mayroon rin gantimpalang naghihintay sa mga nagpapakatapat sa pangako at panawagang ito.

Masakit man banggitin, ito ang malaking problema ng marami sa ating panahon. Hindi na nakikita ng marami ang mga bagay na higit pa sa pera, posisyon, at poder. Hindi ba’t ito ang kahulugan ng kung bakit sa kabila ng sinabi ng isang babaeng kilala ng buong Pilipinas na siya raw ay naniniwala sa sampung utos ng Diyos, ay hindi niya masagot kung bakit siya nagnanakaw ng limpak limpak na salaping galing sa kaban ng bayan.

Ito rin ang malaking problema ng buong sambayanang Pilipino. Takot tayo sa lindol, sa bagyo, sa baha, at sa marami pang ibang sakunang pabalik-balik sa ating bayan. Pero ang panggagalaiti ay nangyayari lamang kung kailan ito nagaganap. Pagkatapos ng unos at baha, kapag dumating na ang Pasko at Pista, ay nakakalimutan nating lahat ang dating malaking sakit ng ulo. Sa kabila ng paulit-ulit na niloloko tayo ng mga tampalasang politico, ay patuloy naman tayong pumapayag magpaloko, at patuloy pa rin naman natin sila inihahalal.

May isang banyaga ang bumisita sa Pilipinas at dinala siya sa isang Jollibee. Ang Pinoy na nagdala sa kanya ay walang sinabi at walang ginawa nang mabigyan sila ng sobrang Peach Mango pie. Biyaya rin iyon, ang marahil ay kanyang inisip. Kanya-kanyang palusot; kanya-kanyang pandaraya, at pag-iwas sa pagbabayad ng tama. Ayon sa isang manunulat, hinding-hindi raw tayo mapapahanay sa mga first world countries kung mananatili tayong walang pagmamalasakit sa totoo at tama; sa wasto at sa katarungan. Wala nang nababahala at naeeskandalo na ang mayor, governor, o congressman o senador ay may bahay na hindi kailanman mababayaran ng kanilang sweldo, pero ang magagarang bahay nila ay nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso, at hindi lumalabas, sampu ng kanilang mga anak, pamangkin, at inangkin, nang walang dose-dosenang mga bodyguards.

Wala na tayong nakikita kundi ang ngayon at para dito. At ang ngayon at para dito ay hindi kailangan ng malawak at malalim na paningin, pangarap o mithiin. OK na ang maraming pera. OK na ang makapangyarihan. Ok na kung kami ay magara ang bahay at kotse kahit ang karamihan ay halos walang matuluyan.

Mababaw ang paningin ng mga tao ngayon. Hanggang selfie lamang at pa post post din kapag may time … hanggang limang daan lamang bago eleksyon at dagdag na limang daan matapos ang eleksyon … hanggang pakupit-kupit na lamang sa kaban ng bayan kahit walang kinabukasan ang milyon-milyong Pilipino.

May malinaw na leksyon ang mga pagbasa ngayon … ang pitong magkakapatid na minatamis pa nilang mamatay kaysa lumubag sa utos ng Diyos. May mithiin sila. May nakita silang hindi nakita ng mga mabababaw. Tulad rin ng sinasaad sa ebanghelyo, kelangan tuminging lampas sa mga gawaing makamundo tulad ng mga relasyong makamundo sa pag-aasawa o iba pang uring samahang makamundo.

Kelangan natin tumingin pa sa itaas, sa bundok ng Panginoon kung saan nagmumula ang kaligtasan. Kailangan natin ng malinaw na matang may nakikitang higit pa kaysa sa yaman, kapangyarihan, karangyaan at kababawan.

May mungkahi sa atin ang mga pagbasa … Bakit hindi natin tunghayan ang panawagan ng Diyos sa atin – tungo sa buhay na walang hanggan?

“Alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos.”

Friday, November 1, 2013

ASCENDE SUPERIUS!


Ika-31 Linggo ng Taon K
Nobyembre 3, 2013

ASCENDE SUPERIUS!

Takot ako umakyat sa matatayog na lugar. Takot ako dumungaw sa matataas na gusali. Minsan din akong nahulog sa puno noong bata pa, habang nag-aastang Batman na siyang pinapanuod namin sa TV noong araw. Pero may pagkakataong wala kang mahihita kung di ka magsikap manguyabit sa puno. Kung hindi umakyat ay maghihintay ka na lamang sa nahuhulog na prutas na kinain na ang kalahati ng uod o ng ibon.

May pagkakataon namang kelangan mong umakyat kung gusto mong umangat; kung gusto mong makasilay sa taong hinahangaan, o kung mayroon kang pinapanagimpan at pinagsisikapan.

Pandak si Saqueo, tulad ko. Pero hanga ako sa kanya, hindi sapagka’t siya’y tulad kong maliit, kundi sapagka’t siya ay maparaan, at may pinapanagimpan. Nang mabalitaan niyang daraan ang pinag-uusapan ng marami sa Jerico, nagmadali siya … nagtatakbo, at humanap ng balcony – ng puno upang maakyat – kung saan hindi mahaharangan ang kanyang mga mata ng mga taong mas matatangkad kaysa sa kanya.

Sa dinami-dami ng taong dumating sa Jerico, hindi lamang siya ang publikano. Hindi lamang siya ang swapang at ganid, at lalung hindi lamang siya ang nag-aasam ng malaking kita o tubo.

Pero iba ang mag-nasa at mag-asam, at iba rin ang maghanap at magpadala sa isang matayog na panagimpan o marangal na pangarap. Tayo man ay mapagnasa at mapaghanap. Naghahanap tayo ng luho, ng yaman, at ng madali ang mariwasang pamumuhay. Lahat ng nagpunta sa Jerico at ang hanap ay ang Guro – si Kristong daraan ay nagkakaisa sa bagay na ito … Lahat tayo ay may gustong marating. Lahat tayo ay may nais makamit … karangalan man o materyal na bagay … walang sinuman ang makapagsasabing wala siya ni isang hibla ng makamundong pagnanasa.

Kagagaling ko lamang noong nakaraang dalawang linggo sa isang bundok – ang isa sa mahigit na 14 na bundok na akin nang naakyat. Takot ako sa matataas na lugar, pero hindi ako takot mangarap umangat, tumaas, at makipag tipan sa mga alapaap sa langit. Tulad ako ni Saqueo na bagama’t pandak ay may malalim na pagnanais na malampasan ang mga kahinaan at karupukang maaaring magtali sa akin sa ibaba. Kung sa Tondo man daw ay may langit din, ang mga pandak man ay may pangarap marating na matatayog na hangarin.

Galing sa akin ang motto ng dalawang kolehiyo sa ating bansa: Ad maiora natus, at Ascende Superius. Ang ibig sabihin ng una ay ito: Isinilang Tayo Para sa Mas Matatayog na Bagay, at ang ikalawa naman ay ito: Umakyat ka Pa ng Kaunti sa Itaas.

Nais kong isipin na si Saqueo ay larawan ng bawa’t isa sa atin. Mababa ang uri … makasalanan … makasarili … sakim at mapagkamkam. Ngunit ang lahat ng santo ay may nakalipas at lahat ng makasalanan ay may hinaharap.

Hinarap ni Saqueo ang totoo sa kanyang sarili … bukod sa pandak ay tinanggap niyang kelangan niya ng kaligtasan, ng kagalingan, ng tulong mula sa itaas. Kubrador man ng jueteng ay may pagkakataong magbago. Pandak man at mahirap ay may angking kakayahan at karapatang magnasang umangat, magnais umakyat sa antas ng kabutihan at kagandahang asal.

Kwento ko ito noong katatapos lamang na Philippine Conference on New Evangelization … Noong ako ay bata pang brother, may nakita akong maliit na puno ng mangga sa tabing daan. Ibinuhol ko ang puno at iniwan at inasahan kong mamatay. Ngunit noong ako ay naging pari maraming taon ang lumipas, ay nakita kong malaki na ang puno, matibay, matatag. Hinanap ko ang buhol. Naruon pa rin ang buhol. Matigas. Makapal ang balat. Matipuno at matatag. Lumakas siya kung saan siya nasugatan. Tumatag siya kung saan siya nakaranas ng pagdurusa. Sapagka’t isa siyang punong may panagimpan, may pagnanasa, may takdang kagustuhang marating at makamit.

Si Saqueo ay taong marupok. Tulad nating lahat madali rin siyang matepok. Pero may matayog na pangarap … may malalim na paghahanap. Hinanap niya si Jesus ang Daan, katotohanan, at buhay. Lingid sa kanyang kaalaman, ang Diyos mismo ang naghahanap sa kanya … sa atin, sa bawa’t isa sa ating makasalanan. Natagpuan siya ng Diyos ng awa at habag: “Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.”

Hinahanap tayo ng Diyos … tayong lahat. Mahal niya tayo at pinagmamalasakitan. Pero mayroon tayong dapat gawin, tulad ni Zaqueo. Kailangan nating manguyabit sa puno at umakyat. Kailangan nating maghanap ng kaunti, at magpakita ng isang matayog na hangaring gumawa ng tama at karapat-dapat.

Nasa ating mga kamay at paa ang kasagutan … Hala … ano pa ang hinihintay natin? Akyat na! Ascende Superius! Sapagkat AD MAIORA NATUS!