Thursday, April 19, 2012

PAKIKIPAG-ISANG DULANG SA MGA NAGUGULUMIHANAN


Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay (B)
Abril 22, 2012

Mga Pagbasa: Gawa 3:13-15.17-19 / 1 Jn 2:1-5 / Lu 24:35-48


Parang isang replay, ika nga, ang ebanghelyo sa araw na ito. Parehong-pareho ang mga detalye ng pagpapakita ng Panginoon, tulad nang kanyang pagpapakita noong wala si Tomas, na hindi agad naniwala sa sabi-sabi ng ibang mga disipulo. Si Tomas, na may sariling paninindigan, may sariling patakaran, ay hindi agad nakuha sa kwento. Ninais niyang makita nang sa ganang sarili niya, ang bulung-bulungang si Jesus diumano ay muling nabuhay.

May kondisyon pa siyang inilapat … hindi raw siya maniniwala hangga’t hindi niya nasasalat ang mga sugat sa kamay at tagiliran ng Panginoon. Alam natin ang naganap … bagama’t may ipinataw siyang kondisyon, hindi niya ginawa yaon, at nang makita ang Panginoon, ay bigla na lamang bumulalas ng isang malalim na pagpapahayag hindi lamang ng pananampalataya, kundi pati na rin, ng masidhing pagmamahal sa kanyang guro at pinuno: “Panginoon ko, at Diyos ko!”

Sa kwento ngayon ni San Lucas, pareho ang kinapapalooban … pareho ang mga kondisyones … ang tanging naiiba lamang ay wala si Tomas. Nguni’t pareho ang antas ng pangamba at takot at pag-aalinlangan ng mga disipulong bahag ang buntot ika nga, dahil wala na ang kanilang Rabbi at Guro.
Pareho rin ito sa kinatatayuan nating lahat. Pareho rin nila tayong nag-aalinlangan, nangangamba, natatakot. Pareho rin nila tayong kumbaga ay nagtatago sa mga tao at mga sitwasyon na nagdudulot ng malaking kaba sa dibdib ng marami.

Di miminsang sinagian tayo ng takot … noong nakaraang linggo, ginambala tayo ng isang rocket na ipinalipad ng mga taga Hilagang Korea, na sa awa ng Diyos, ay nagmintis at naging kalpot, ika nga. Nguni’t magpahangga ngayon, tayo ay ginagambala pa rin ng mga Intsik mula China na patuloy na nambabraso sa Panatag Shoals, nagpapakita ng gilas, at ang tulad nating maliit at mahirap na bansa, ay halos pitik-pitikin, tulak-tulakin, upang bahag rin ang buntot na tumalilis mula sa mga islang nabanggit, na mahigit sa isang libong milya ang layo sa China, kumpara sa wala pang dalawang daang milya ang layo sa ating bansa.

Takot rin tayo kahit wala ang pambabalasubas ng ibang bansa. Takot tayo sa patuloy at walang ampat na pagtaas ng bilihin, ng halaga ng langis, ng halaga ng kuryente (kung meron!), at ng iba pang pang-araw-araw na gastusin. Ang trapiko, tulad ng katiwalian, ay palala nang palala, sa lahat ng antas at aspeto ng lipunan … Ang daang matuwid ay matuwid lamang sa mga walang kakilala, walang kakayanan, at walang kabig sa mga nakatataas. Sa limit kong magbiyahe at magdaan sa NAIA, hindi ko maiwasang makita at mahinuha, na pati roon, kahit ngayon, at saanmang dako ng bansa, ay may mga milagrong nangyayari sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

Panginoon ko, at Diyos ko! Ito rin ang matimyas nating dasal sa Panginoong muling nabuhay. “Poon, sa amin ay pasikatin, liwanag sa iyong piling!” … Ito rin, tulad ng salmista, ang panaghoy natin.

Tayo’y gulong-gulo, balisang-balisa, at minsan ay takot na takot. Masahol pa tayo sa mga disipulong nagtago sa silid sa itaas, bahag rin ang buntot na nagkukubli sa mga Judio at mga namumuno. Kung nakuha nilang ipapatay si Jesus, paano pa kaya sila na sa mga sandaling yaon, ay parang mga naulila?

Subali’t balisa man o takot man, may magandang balitang dulot ang muling pagkabuhay ni Kristo. Ito ang buod nito, nang siya ay magpakita sa mga disipulo, kahit na wala si Tomas, na minsan ay nagduda, nguni’t nagbayad-puri sa kanyang pagdududa, nang hindi na niya sinalat ang sugat, at bagkus lumuhod at nagpahayag na lamang at sukat ng kanyang paniniwala: Panginoon ko, at Diyos ko!

Kapayapaan ang dulot ni Kristo, at para mapawi ang kagulumihanan, nagtanong siya: “Ano’t kayo’y nagugulumihanan? Bakit nag-aalinlangan pa kayo? Tingnan ninyo ang aking kamay at paa, ako nga ito.”

Sapul na sapul tayong lahat na ginagapi ngayon ng kaguluhan. Purong puro tayong mga walang sapat na pagtitiwala sa kakayahan ng Diyos na buhayin pati mga patay, na bigyang panibagong lakas ang mga nasalanta ng bagyo ng kawalang pag-asa.

Nguni’t hindi lamang salitang matunog ang kanyang pandagok sa atin. Hindi lamang magaling na aral ang kanyang dulot … Mayroon rin siyang angkop at akmang gawain. Sa mga taong gutom sa tapang at pagtitiwala, humingi siya ng makakain. Sa mga taong pinanawan na ng tibay ng loob at kalakasan, nakipag-isang dulang siya ay nakisalo sa mga taong nawalan na, ika nga, ng gana upang magtuloy sa gawang mabuti.

Ito ang salaysay ng bawa’t isa sa atin. Gutom tayong lahat. Nalugmok tayong lahat sa kawalang pag-asa at tiwala sa kakayahan ng ebanghelyo upang matuwid ang baluktot na daan. Tayo ang mga taong nanlulupaypay sa gutom para sa katarungan at pagkauhaw sa kapayapaan.

Kailangan natin ng spinach tulad ni Pop-eye. Kailangan natin ng isang bakuna o bitamina upang muli nating magawa ang nararapat.

Ito ngayon ang ginaganap sa Misang ito. Kaisang dulang natin muli ang Panginoon. At siyang humingi ng isda at tinapay sa mga disipulo ang siya ngayong nagkakaloob ng sarili niya upang muli tayong lumakas, at muli tayong magpunyagi sa paggawa ng tama at mabuti. Kasalo natin siya. Kasama. Kaisang dulang. Kasangga, kakosa, kapuso, kapamilya, at kapatid …

Huwag nawa natin sayangin ang kanyang kaloob … kapayapaan … kalakasan … bagong kaanyuan  at bagong kapangyarihan … “Panginoon ko at Diyos ko!” “Sa ami’y pasikatin, liwanag sa iyong piling!”

No comments:

Post a Comment