Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon
Abril 8, 2012
Isang walang lamang puntod ang natambad sa paningin ng mga disipulo sa maaga nilang pagpulas upang gawin ang dapat gawin na hindi nila magawa sa araw ng Shabat. Tila isang kababalaghan. Tila isang kahiwagaan.
Subali’t ito ay hiwaga at kababalaghan sa mga taong walang narinig at nakitang mga patunay at pahimakas sa magaganap na sadyang naganap na – ang pagkabuhay na maguli ni Kristong Panginoon.
Ang lahat ng mga hindi aral sa anumang bagay ay nakakikita ng maraming kababalaghan. Para sa akin, na walang alam sa kemistri, maraming kababalaghan ang nagaganap sa aking paningin. Para sa akin rin, na kakapurit lamang ang alam sa kompyuter, may mga milagrong nagaganap na hindi ko maintindihan, hindi ko maisagawang muli o maipaliwanag man lamang. Para sa isang mangmang, maraming misterio, maraming hiwaga, at maraming hindi kapani-paniwala.
Para sa isang taong nagpasya na kung ano ang tama, walang anumang dapat tanggapin bilang totoo. Ang lahat ay kabulaanan, kung ito ay sumasalungat sa kanyang sariling katotohanan.
Subali’t aral ang mga disipulo sa anumang naganap sa buhay ng Panginoon. Di miminsan nilang narinig na ang Anak ng Tao ay magdanas ng hirap, pasakit, at ipapatay ng mga tampalasan, at muling mabubuhay. Di miminsan niyang inihanda ang kanilang damdamin at kaisipan sa magaganap sa kanya.
May mga nag-iisip na ang patunay ng mga disipulo na si Jesus ay muling nabuhay ay ang walang lamang puntod. Tumpak at mali. Tumpak sapagkat, ito ang nagbunsod sa kanila upang maging bukas ang mata at ang puso sa maaring maganap, na tunay ngang naganap. Mali, kung ang ibig sabihin ay ito lamang ang tanging patunay na si Jesus nga ay muling nabuhay.
Sa madaling salita, ang katotohanan ay di nakabatay sa isang puntod na hungkag at walang lamang bangkay. Ang patunay ay nakabatay sa pangako ni Kristo ang sa katuparan ng pangakong ito na pinagtibay ng isang karanasang walang kapantay.
Hindi ito batay sa kwentong kutsero ng isang sintu-sinto na ang isipan ay di lapat o di ayos ang pagkahulma. Hindi ito kathang isip ng isang medyo-medyo ang pag-iisip.
Hindi rin ito bunga ng isang kabulaanan. Sa katunayan, hindi si Kristo at ang mga disipulo ang gumawa ng unang kabulaanan tungkol dito – na ang katawan diumano ni Kristo, ay ninakaw ng mga disipulo sa kadiliman ng gabi. Ito ang kababalaghang pinaikot ng mga malilikot ang isipang naghabi ng isang di kapani-paniwalang kwento na ayaw nilang tanggapin ang katotohanan.
Hindi na natin maipagkakaila ang isa nang natanim sa puso at kaisipan ng marami. At ito ay walang kinalaman sa isang puntod na walang laman. Ito ay walang kinalaman sa isang kwentong kutsero kathang-isip upang malulon tayo sa isang kababalaghan.
Ito ang totoo. Narito ang katotohanan. Ang Diyos natin ay Diyos na wagas at tunay. At tunay siyang muling nabuhay, ayon sa kanyang pangako, ayon sa kanyang turo, ayon sa dapat na inaasahan ng mga disipulong aral sa kanyang mga turo at pangaral.
Ano naman ang dapat maging totoo sa buhay natin ngayon?
Iniusog ang bato, iniurong at tinanggap ng kapangyarihan ng Diyos. Nausog ang balakid – ang batong sumasagisag sa pagkakasara ng ating puso at kaisipan sa harap ng katotohanan tungkol sa Diyos.
Sa araw na ito, iurong nawa natin ang batong balakid sa lubos na pananampalataya natin. Tanggalin nawa natin ang dapat tanggalin at iwaksi – ang baton ng kasinungalingan, ang bato ng kababalaghan, at mapaltan ng katotohanang batay, hindi sa kabulaanan, o mababaw na kababalaghan, kundi sa katotohanang mataginting na Si Kristo ay muling nabuhay, ayon sa kanyang sinabi, Alleluya!
No comments:
Post a Comment