Ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay (B)
Abril 29, 2012
Mga Pagbasa: Gawa
4:8-12 / 1 Jn 3:1-2 / Jn 10:14
Ang mga pagbasa ngayon ay tila lahat tumutuon sa diwa ng
kapangyarihan. Sa unang pagbasa, binanggit ni Pedro kung paano napagaling ang
lumpo. Hindi siya nag-atubiling sabihin na ito ay galing sa kapangyarihan ng
ngalan ni Jesus … na tinagurian niyang batong itinakwil na naging batong
panulukan, saligan ng haliging matatag ng pananampalataya.
Ang ikalawang pagbasa ay hindi rin nagpalamang. Nakasalig
naman, sabi ni Juan Evangelista, ang kapangyarihang ito sa pag-ibig, na
nagpabagong-anyo sa mga sumasampalataya at sila’y naging higit pa sa rito –
dahil sa pag-ibig, sila ay naging mga anak ng Diyos.
Pero ang ebanghelyo ay parang naligaw ng landas, kumbaga.
Ang kapangyarihan ay napasa larawan ng isang pastol – maamo, maalaga, masinop,
mapagmatyag, at mapagpaanyo sa kapakanan ng kawan!
Parang malayo ito sa diwa ng kapangyarihan!
Una sa lahat, hayaan ninyong aminin ko sa inyo na sa
panahong ito ay tila ako ay walang lakas at walang kapangyarihan. Sobra init …
sa init na ito ay ayaw mo nang kumilos, ayaw mong gumalaw. Gusto mo na lamang
ay nakatapat sa bentilador maghapon o nakababad sa kung saan may aircon. Pero
bukod rito, may iba pa ring sumisipsip ika nga ng aking kapangyarihan, kung
meron man … ang tila kawalang kakayahan ng pananampalatayang katoliko na
puknatin at wasakin ang kampon ng kadiliman, ang lalim at lawak ng korupsyon sa
lipunan, at ang tila walang puknat na pagyurak sa karapatan ng mga mangmang at
hindi aral, na patuloy na pinaiikot ng mass media. Sa panahong ito, aminin man
natin o hindi, ay nagsimula na ang kampanya para sa eleksyon sa 2016, nang
nagpalabas na ng hanay ng mga kandidato sa pagka senador. Di maglalaon ay
makikita na naman natin ang paglipat ng partido ng mga taong walang
paninindigan, walang pinanghahawakan, at walang isinusulong liban sa kanilang
sariling bulsa at kapakanan.
Pawang tila walang kaya tayong lahat sa harap ng kadilimang
ito.
Dahilan ito upang ako ay malungkot, manghinawa, at mawalan
kung minsan ng pag-asa. Bagama’t nagpaliwanag na ang pitong Obispo tungkol sa
mga sasakyang ipinagkaloob ng Pagcor, para sa kapakanan ng mga mahihirap,
marami pa rin ang nadala sa mapanlinlang na balita tungkol sa diumano ay mga
ganid na obispong naging korap din sa paghahangad ng magagarang sasakyan. Palso
man ang balita, ay parang lintang dumikit na sa kamalayan ng marami.
Anong uri baga ng kapangyarihan ang tinutumbok ng mga
pagbasa ngayon?
Una sa lahat, ito ay hindi galing sa atin. Hindi ito galing
sa ibaba, sa lupang ibabaw. Ang kapangyarihang makamundo ay mababaw, pahapyaw,
at walang patutunguhan. Ang kapangyarihang ito ay nakasalalay sa banal na
ngalan ni Jesus. Sa ngalang ito nagkamit ng kagalingan ang lumpo, sa
pamamagitan ni Pedro.
Ikalawa, ang kapangyarihang ito, ayon kay San Juan, ay
nakasalig sa pag-ibig. Ang pag-ibig na
ito ay siyang naging dahilan kung paano nagbagong-anyo ang mga sumampalataya at
nagkamit ng bagong kakanyahan. Bukod sa pagiging mananampalataya, sila ang
naging mga anak ng Diyos. Nabago ang kanilang pagkatao, nadagdagan ng isang
karangalang hindi taal sa kanilang pagkatao, bagkus kaloob mula sa Diyos.
Pero hindi ito ang pinakamahalaga sa lahat. Ang lubhang
mahalaga ay walang iba kundi ang larawang ikinikintal sa atin ng pahayag ng
Panginoon – na siya ay isang Pastol, isang lingkod, isang mababa ang loob, at
tila walang kayang tao.
Ito ang nagbibigay sa akin ngayon ng kaunting tapang,
kaunting lakas, at kaunti pang pagpupunyagi. Mahaba-haba na rin ang mga taong
nangaral ako, nagturo, nag-Misa at naging tagahubog ng mga kabataan. Marami na
rin akong napagdaanan. Marami na akong nakita at naranasan. At alam kong sa
takbo ng mga pangyayari, ang mga bagay-bagay ay mas lalala pa, bago ito maging
mas mabuti, malungkot man aminin.
Sa pagdaan ng mga taon, nalulukuban ako ng maraming
pangamba, takot, at pag-aalinlangan. May bunga pa kaya ang pagsisikap ng Inang
Simbahan na mangaral, yamang ang lahat ay nababaligtad ng mga pahayagan at mga
estasyon ng TV at radio? May katuturan pa ba ang mangaral, kung ang mga
sasabihin ko ay mapagbibintangang pamumulitika, na tila baga ang pulitika ay
hindi napapasa ilalim ng batas moral ng ebanghelyo? May dahilan pa ba upang
magsikap at magpunyagi para sa katarungan at katotohanan?
Ang liksyong malinaw ng mga pagbasa ngayon, ay isang matunog
na “oo” … may pag-asa pa … may katuturan ang lahat, at ang dahilan nito ay
walang iba kundi siyang nagturo na ang kapangyarihan ay makikita sa pagmamahal,
sa paglilingkod, sa kababaang-loob, sa pang-aalipusta ng balana, sa pagkamuhi
ng mga napopoot sa kanya, at sa kasukdulan, ay sa kanyang paghihirap at
pagkamatay sa krus.
Ito ang Panginoong butihing Pastol … maamo, mababa ang loob,
nguni’t mapagkalinga at mapagpaanyo sa kapwa, sa mga tila mga tupang walang
patutunguhan. May pastol tayong naggagabay,
subali’t ang tanong ay ito: may kawan ba tayong nakikinig at tumatalima?