Ikatlong Linggo ng Taon(B)
Enero 22, 2012
Mga Pagbasa: Jonas 3:1-5.10 / 1 Cor 7:29-31 / Mc 1:14-20
Magandang larawan ng ating lipunan ngayon ang kwento ni Jonas. Ang lahat ay parang hindi inaasahan, hindi halos kapani-paniwala, at lihis sa parang normal na takbo ng salaysay. Una sa lahat, kakaiba ang utos ng Diyos kay Jonas – ang mangaral sa mga taga Nineve – isang bayang kinamumuhian ng Israel sapagkat isa ito sa mga nagpapahirap sa kanila, bilang capital ng imperyo ng Asiria, ang imperyong lalung nagpahirap sa kanila.
Ikalawa, si Jonas ay hindi lamang atubili. Hindi lamang mabigat ang kanyang puwet at ayaw gawin ang utos sa kanya ng Diyos. Sa halip na pumunta sa Nineve, pumunta siya papalayo sa kabaligtaran ng papuntang Nineve. At noong siya ay tumalima, hindi siya lubusang pumasok sa bayan, bagkus nagwika at nangaral sa bukana lamang ng siyudad.
At dito naganap ang himala ng pagbabalik-loob ng mga taong ayaw niyang makahalubilo. Nagbalik-loob ang mga taga Nineve, at nag-ayuno at nagsuot ng mga sako sa katawan. Naniwala sila sa matamlay na pangaral ng isang propetang nanghihinawa, at nag-aatubiling gumanap sa kanyang tungkulin.
Larawan ito ng aking nadarama sa karaniwang panahon. Matagal-tagal na ring panahon ang nagdaan magmula nakibaka ako at nakisama sa malawakang pag-aaklas noong 1986 – sa isang mapayapang pagtutol sa tiraniya ng isang ayaw bumaba sa pagka-upo nang matagal nang panahon. Noong panahong yaon, matayog ang ating mga pangarap, marangal ang ating mga inaasam, at naglagak tayong lahat ng matinding pag-asang makabangon tayo sa lahat ng uri ng kalalabisan at kawalang katarungan.
Nguni’t ngayon, tulad ni Jonas, ako ay nanghihinawa … nawawalan ng pag-asa sa pangitaing ang mundong iniikutan ko ay malayo pa sa katotohanan, katarungan, at kapayapaan. Sa halip nito ay nakalagak pa rin ang lumang estilo ng politikang gantihan, siraan, unahan, swapangan, at gipitan. At higit sa lahat ang mundo natin ngayon, at dito ay napapasailalim sa isang mapanlinlang na mass media, na nagsusuporta sa kung sino mang inaakala nilang makapananatili ng status quo kung saan sila ay nakikinabang. Ang mga komentarista ay nabibili ng mga may pera, at may platapormang pinangangalagaan.
Tulad ni Jonas, parang ayaw ko nang magwika. Parang gusto ko nang magpadala na lamang sa agos ng mga pangyayari at makisakay na lamang sa takbo ng mga pangyayaring, sa aking wari ay hindi mauuwi sa mabuti, para sa lahat, para sa kapakanang pangkalahatan, at hayaan na lamang na ang tao ay patuloy na linlangin ng mga may hawak ng mikropono at camera sa TV at internet.
Nguni’t ang araw na ito ay araw ng kabaligtaran at kababalaghan. Nagsisi ang mga hindi inaasahan. Nagbalik-loob ang mga taga Nineve. At kahit atubili at hindi lubusang nangaral si Jonas, nakinig ang mga tao at naligtas ang isang bayang malayo noon sa Diyos.
Tungkulin ko ngayon na bigyang pansin ang sinasaad ng mga pagbasa. Tungkulin ko ngayong bigyang tinig muli si San Pablo na nagsasabi sa atin: “Malapit na ang takdang panahon!” Tungkulin ko ngayon ang muling ulitin sa inyong harapan: “Ang lahat ng bagay na ito’y mapaparam.”
Maging ang mundo ng Panginoon noon ay hindi perpekto, hindi ganap. Masalimuot rin at magulo. Ang tangi nilang pag-asang maghahatid sa kapanatagan, si Juan Bautista, ay ipinakulong at di naglaon ay ipinapatay.
Sa kalalagayang ito, hindi nanghinawa ang Panginoon, bagkus kumilos at nangaral: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa mabuting balitang ito.”
Minsan ko pang ipinakikiusap sa inyo at sa aking sarili. Minsan ko pang inuulit at ipinagmamakaingay … tulad ng sabi ni Pablo … ang lahat ng bagay na ito ay mapaparam … sa takdang panahon, sa panahon ng Diyos.
Iisa lamang ang dapat nating gawin – ang mag-asal Jonas, ang sumunod bagamat mabigat ang katawan natin at masama ang loob. Ito ang pinakamaliit nating magagawa, ang hindi maging balakid sa balakin ng Diyos kundi ang maging daan sa katuparan nito.
Sapagkat ang lahat ng bagay na ito, sa mundong ibabaw ngayon at dito, ay mapaparam din at magwawakas!
No comments:
Post a Comment