Friday, January 6, 2012

BUMANGON AT MAGLIWANAG!


Kapistahan ng Epipaniya(B)
Enero 8, 2012

Mga Pagbasa: Is 60:1-6 / Ef 3:2-3.5-6 / Mt 2:1-12


Hindi ko maiaalis na sumagi sa aking isipan ang malungkot na nagaganap sa maraming mga Kristiyano sa ilang lugar sa buong mundo – ang katotohanang sa maraming lugar, ang mga kristiyano ay muling humaharap sa pag-uusig o tinatawag nating persekusyon. Malaon nang nangyayari ito sa Iraq, sa ilang bahagi ng India, sa Palestina, sa maraming lugar sa Africa, at mismo sa tinatawag nating Holy Land, kung saan nagsimula ang pananampalataya natin.

Hindi ko maialis sa aking isipan sapagka’t sa araw na ito, ang dakilang kapistahan ng pagkakahayag at pagpapakilala kay Kristo bilang Diyos, ay sumailalaim rin siya mismo sa isang matamang pag-uusig, mula kay Haring Herodes.

Magaling magtago sa mistulang kaliwanagan ang sinumang may maiitim at madidilim na balak. “Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio?” ang tanong niya. “Hanapin ninyo at ibalita rin sa akin, upang ako man ay makasamba sa kanya.” Subali’t alam natin ang kanyang naging pakay. At alam natin na ipinapaslang niya ang mga sanggol na lalaking dalawang taon pababa, upang masiguro niyang nailigpit niya ang kanyang karibal, at banta sa kanyang paghahari.

Ang araw na ito ay araw ng kagalakan at pagbubunyi, nguni’t ang pagbubunyi at kagalakang karapatan nating lahat bilang Kristiyano, sa mula’t mula pa ay nabahiran na ng pangamba at tila nagwawaging puwersa ng kadiliman.

Ito ang masamang balita!

Nguni’t para sa Diyos, ang masamang balitang kaakibat ng kasalanan ng tao at pagkamakasarili ay may katapat. At ang katapat na ito ay walang iba kundi ang kanyang sinugo – ang kanyang Anak na naging tao, si Jesus, na ngayon ay natanghal bilang Anak ng Diyos at bilang Mananakop.

Ito ang magandang balita!

Dangan nga lamang at para aking mabigyang pansin ang magandang balita, ay dapat kong ikwadro ito sa konteksto ng masamang balita. Ang magandang balita ay tinatawag na mabuti o maganda sapagka’t ito ang kabaligtaran ng lahat ng nagaganap na may kinalaman sa kadiliman ng kasalanan.

Malungkot ang nagaganap sa mga lugar kung saan ang kristiyano ay pinag-uusig. Mapait na katotohanan ang tanggapin na darating na muli ang araw kung kalian tulad ng isang libong taon na ang nakalilipas, ay muling yuyurakan ng pagkamuhi ang pananampalataya natin, at lalong yuyurakan ng higit pang pagkamuhi ang mga tagasunod ni Kristo. Tila malinaw ang kahihinatnang sasapitin ng ating Inang Santa Iglesya. Ngayon pa man, maging sa sarili nating bayan, may mga palatandaang ang pananampalataya natin ay makararanas ng matinding persekusyon, at nakararanas na kung makikita natin sa dumaragdag na bilang ng mga galit sa Simbahan at sa mga alagad ng Diyos, dahil hindi sila sang-ayon sa turong moral ng Santa Iglesya.

Ngunit ang Diyos ay tumutugon sa ating mga pangangailangan sa pangkalahatan at sa paglawig ng panahon. Ang Diyos ay Panginoon ng kasaysayan at siyang naggagabay sa takbo ng kasaysayan na ang puno at dulo ay walang iba kundi siya.

Sa araw na ito, hinihiling ko sa aking mga tagabasa, na pagyamanin at tahasang bigyang pansin ang pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Isaias, na puno ng pag-asa. “Bumangon ka Jerusalem at magliwanag na tulad ng araw. Nililiwanagan ka ng kaningningan ng Panginoon.”

Batid kong marami sa atin ay nanghihinawa at nanghihina. Batid kong, tulad ko, lahat tayo ay tigib ng pangamba. May Diyos ba talagang nag-aakay sa kasaysayan ng mundo? May Diyos ba talagang naghahatid sa mga tao sa kapayapaan?

Ang kapistahan ngayon ay isang pagtugon ng mataginting na “oo.” Siya ay nahayag at nakilala ng mundo, kahit na mayroon pa ring hindi kumikilala. Ang kanyang pagka Diyos ay hindi depende sa ating pagtanggap. Siya ay Diyos tanggapin man natin o hindi. Siya ay Panginoon kilalanin man natin o hindi.
Siya ang Panginoong ng kasaysayan. At bagama’t mistulang lumalayo ang takbo ng kasaysayan ng tao sa kanyang daan o landas, ito ang pangako niya sa kanyang bayan. Magaganap. Mangyayari. Maghahari siya magpasawalang hanggan.

Kung kaya’t “bumangon ka, kaibigan, at magliwanag na tulad ng araw!”


Salesian Retreat House
Cheung Chau Island
Hong Kong

No comments:

Post a Comment