Friday, January 27, 2012

BAGONG ARAL NA MAY KAPANGYARIHAN!


Ika-apat na Linggo ng Taon (B)
Enero 29, 2012

Mga Pagbasa: Dt 18:15-20 / 1 Cor 7:32-35 / Mk 1:21-28


Sagana tayo ngayon sa dilubyo ng napakaraming salita. Sagana rin tayo sa tinatawag ng mga sosyolohikong “information overload.” Tulad ng sa dami ng pagkain, kung minsan, dapat tayong matutong mamili at magpigil, kung ayaw nating tumaba nang lubusan at magkasakit, dumating na ang puntong maging sa pagdaloy ng kaalaman at impormasyon, ay dapat ring tayong mag-dieta kumbaga.

Panay ang daloy ng kaalaman. Panay rin ang daloy ng kabulaanan sa lipunan. Maraming mapanlinlang na patalastas sa radio at TV at mga pahayagan, halimbawa. Wala tayo kamalay-malay, at naaakit tayo bumili ng kahit ano, na kamukat-mukatan pala ay hindi natin kailangan. Sa maraming lugar sa America at sa mayayamang bansa, bulto bulto ang patas ng kung ano-anong abubot, na bukas naman at makalawa ay ibinebenta na sa sunod-sunod na “garage sales” – na binubuo ng mga hindi pa nagagamit na kung ano-ano, sapagkat binili noong “sale” at wala nang mapaglagyan sa garahe.

Hindi ako masaya sa pagsasalin ng “authority” sa kapangyarihan. Ayon sa ebanghelyo, marami ang namangha sapagkat si Jesus ay nangaral nang may angking kapangyarihan. Nguni’t dapat natin himayin ito nang kaunti.
Sa Ingles, ang salitang “authority” ay galing sa Latin na “auctoritas,” na galing sa “auctor” (author o may-akda o may gawa), na galing rin naman sa pandiwang “augeo, augere, auxi, auctum” na ang ibig sabihin ay ang lumago o lumaki.

Nais ko sanang gawing simulain ito ng aking pagninilay sa araw na ito.

Maraming napakatabil sa TV, sa radio, at maging sa internet. Halos magkandarapa tayo sa pakikinig sa mga showbiz news, at sa maraming haka-haka tungkol sa buhay ng mga artista. Maraming salita, ngunit salitang hindi nakapagpapalago, at nakatutulong sa marami upang lumago at lumaki sa mata ng Diyos at ng tao.

Maraming pangaral tayong naririnig maging sa Simbahan. Nguni’t sa dami ng salita, na katumbas sa dami ng pagkaing walang sustansiya o nakasasama sa kalusugan, ay dapat rin nating salain … dapat rin nating piliin … at dapat siyasatin. Hindi lahat ng nagwiwika ng “panginoon, panginoon” ay kasangga ng Panginoong Jesucristo.

Kung gayon, ano ba kayang panuntunan ang dapat nating gamitin, upang magkaroon tayo ng kakayahang mamili, sumala, at kumilatis sa dami ng mga pananalitang ating naririnig?

Tingnan natin ang sinabi ni Moises sa unang pagbasa. Ang propeta, aniya, ay hindi ang sinumang nagbubuhat ng sariling bangko. Ang propeta, aniya, ay pinipili ng Diyos at sinusugo, tulad ng siya ay hinirang at ipinadala upang pamunuan ang kanyang bayan. Ito ang pangakong binitiwan ng Diyos sa pamamagitan ni Moises:  “Mula sa inyo, pipili ang Diyos ng propetang tulad ko, siya ang inyong pakikinggan.”

Ang pangakong ito ay natupad sa katauhan ni Jesucristo. Siya ang nagpakilala sa sinagoga. At nagpakilala siya hindi lamang sa pananalita, kundi lalu na sa gawa. Pinagaling niya ang mga maysakit. Pinalayas niya ang masasamang espiritu. Kung kaya’t nanggilalas ang mga tao at namangha!

Hindi kapanyarihang makamundo ang naging dahilan ng pagkamangha sa kanyang ginawa. Nangaral siya ng parang may kapangyarihan, totoo. Nguni’t hindi lamang kapangyarihang inaasahan ng mundo ang kanyang ipinakita, kundi ang kakayahang magpalago, magpalaki, magpaganap sa mga nanlulupaypay dahil sa karamdaman, dahil sa kapansanan, at higit sa lahat, sa pinakamatinding kapansanang dulot ng kasalanan!
Mayaman at malalim ang turo sa atin ng mga pagbasa sa araw na ito. Sa dami, dapat rin tayong mamili at isaisantabi muna ang iba, at ipokus natin sa iisang diwa ang pagninilay natin.

Ang diwang ito ay ang pagiging “auctor” ni Jesus, na nagdulot sa kanya ng kakayahang mangaral nang may “auctoritas,” na sa Tagalog ay nasalin bilang “kapangyarihan.”

Mayroon siyang kakayahan. Mayroon siyang angkin at taglay na kakayahan upang tayo ay mapagbago, upang tayo ay mapanuto. Marami sa atin ang gulong-gulo sa maraming bagay … Marami sa atin ay laging balisa sa maraming suliranin sa buhay. Hindi natin alam kung minsan kung saan susuling, saan babaling, at kanino hihiling ng kaliwanagan at kaalaman.

Marami sa atin ang bumabaling sa feng shui … sa horoscopio … sa mga manghuhula … at iba pa. Marami sa atin ay kagya’t nadadala ng iba’t ibang uri ng panlilinlang sa paligid natin.

Sa araw na ito, ipinaaalala sa atin na tanging si Jesus at ang kanyang sugo ay may pangaral na makapagpapalago sa atin. Tanging ang pananalita ni Jesus, na nagtuturo sa pamamagitan ng Simbahan ang siyang makapagbibigay sa atin ng timon, at guia, upang marating ang tadhanang inilaan niya sa atin. Tanging salita lamang ng Diyos ang may “auctoritas.” Tanging ang kanyang pangaral lamang ang maghahatid sa atin sa kaganapan ng panloob at tunay at wagas na kalayaan, na siyang maghahatid sa atin sa kaligtasan.

Huwag sana tayo madala sa sabi-sabi. Huwag sana tayo padala sa kinang ng ginto at ningning ng pilak, at busilak ng kamukat-mukatan natin, ay pwet lamang pala ng baso at hindi diamante. Maging mapanuri. Maging mapili. At matutong kumilatis. Manatili tayong naka-on-line o nakahimpil sa tamang estasyon … hindi ng radio, TV, o web site, o anuman.

Pakinggang natin si Jesus … tanging siya ang may bagong aral na may kapangyarihan!

Friday, January 20, 2012

LAHAT NG ITO AY MAPAPARAM!

Ikatlong Linggo ng Taon(B)
Enero 22, 2012

Mga Pagbasa: Jonas 3:1-5.10 / 1 Cor 7:29-31 / Mc 1:14-20


Magandang larawan ng ating lipunan ngayon ang kwento ni Jonas. Ang lahat ay parang hindi inaasahan, hindi halos kapani-paniwala, at lihis sa parang normal na takbo ng salaysay. Una sa lahat, kakaiba ang utos ng Diyos kay Jonas – ang mangaral sa mga taga Nineve – isang bayang kinamumuhian ng Israel sapagkat isa ito sa mga nagpapahirap sa kanila, bilang capital ng imperyo ng Asiria, ang imperyong lalung nagpahirap sa kanila.

Ikalawa, si Jonas ay hindi lamang atubili. Hindi lamang mabigat ang kanyang puwet at ayaw gawin ang utos sa kanya ng Diyos. Sa halip na pumunta sa Nineve, pumunta siya papalayo sa kabaligtaran ng papuntang Nineve. At noong siya ay tumalima, hindi siya lubusang pumasok sa bayan, bagkus nagwika at nangaral sa bukana lamang ng siyudad.

At dito naganap ang himala ng pagbabalik-loob ng mga taong ayaw niyang makahalubilo. Nagbalik-loob ang mga taga Nineve, at nag-ayuno at nagsuot ng mga sako sa katawan. Naniwala sila sa matamlay na pangaral ng isang propetang nanghihinawa, at nag-aatubiling gumanap sa kanyang tungkulin.

Larawan ito ng aking nadarama sa karaniwang panahon. Matagal-tagal na ring panahon ang nagdaan magmula nakibaka ako at nakisama sa malawakang pag-aaklas noong 1986 – sa isang mapayapang pagtutol sa tiraniya ng isang ayaw bumaba sa pagka-upo nang matagal nang panahon. Noong panahong yaon, matayog ang ating mga pangarap, marangal ang ating mga inaasam, at naglagak tayong lahat ng matinding pag-asang makabangon tayo sa lahat ng uri ng kalalabisan at kawalang katarungan.

Nguni’t ngayon, tulad ni Jonas, ako ay nanghihinawa … nawawalan ng pag-asa sa pangitaing ang mundong iniikutan ko ay malayo pa sa katotohanan, katarungan, at kapayapaan. Sa halip nito ay nakalagak pa rin ang lumang estilo ng politikang gantihan, siraan, unahan, swapangan, at gipitan. At higit sa lahat ang mundo natin ngayon, at dito ay napapasailalim sa isang mapanlinlang na mass media, na nagsusuporta sa kung sino mang inaakala nilang makapananatili ng status quo kung saan sila ay nakikinabang. Ang mga komentarista ay nabibili ng mga may pera, at may platapormang pinangangalagaan.

Tulad ni Jonas, parang ayaw ko nang magwika. Parang gusto ko nang magpadala na lamang sa agos ng mga pangyayari at makisakay na lamang sa takbo ng mga pangyayaring, sa aking wari ay hindi mauuwi sa mabuti, para sa lahat, para sa kapakanang pangkalahatan, at hayaan na lamang na ang tao ay patuloy na linlangin ng mga may hawak ng mikropono at camera sa TV at internet.

Nguni’t ang araw na ito ay araw ng kabaligtaran at kababalaghan. Nagsisi ang mga hindi inaasahan. Nagbalik-loob ang mga taga Nineve. At kahit atubili at hindi lubusang nangaral si Jonas, nakinig ang mga tao at naligtas ang isang bayang malayo noon sa Diyos.

Tungkulin ko ngayon na bigyang pansin ang sinasaad ng mga pagbasa. Tungkulin ko ngayong bigyang tinig muli si San Pablo na nagsasabi sa atin: “Malapit na ang takdang panahon!” Tungkulin ko ngayon ang muling ulitin sa inyong harapan: “Ang lahat ng bagay na ito’y mapaparam.”

Maging ang mundo ng Panginoon noon ay hindi perpekto, hindi ganap. Masalimuot rin at magulo. Ang tangi nilang pag-asang maghahatid sa kapanatagan, si Juan Bautista, ay ipinakulong at di naglaon ay ipinapatay.
Sa kalalagayang ito, hindi nanghinawa ang Panginoon, bagkus kumilos at nangaral: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa mabuting balitang ito.”

Minsan ko pang ipinakikiusap sa inyo at sa aking sarili. Minsan ko pang inuulit at ipinagmamakaingay … tulad ng sabi ni Pablo … ang lahat ng bagay na ito ay mapaparam … sa takdang panahon, sa panahon ng Diyos.

Iisa lamang ang dapat nating gawin – ang mag-asal Jonas, ang sumunod bagamat mabigat ang katawan natin at masama ang loob. Ito ang pinakamaliit nating magagawa, ang hindi maging balakid sa balakin ng Diyos kundi ang maging daan sa katuparan nito.

Sapagkat ang lahat ng bagay na ito, sa mundong ibabaw ngayon at dito, ay mapaparam din at magwawakas!

Friday, January 13, 2012

SA MGA KATULAD NILA NAGHAHARI ANG DIYOS!


Pista ng Santo Nino(B)
Enero 15, 2012

Mga Pagbasa: Is 9:1-6 / Efeso 1.3-6.15-18 / Mk 10:13-16


Mga bata ang pokus ng araw na ito … dahil sa iisang kadahilanan … naging sanggol rin si Jesus, lumaki at lumago sa kaalaman, sa karunungan, at sa biyaya ng Diyos Ama.

Nguni’t diretsuhin natin agad … ang sanggol na si Jesus, ay hindi nanatiling sanggol. Lumaki siya at lumago, gaya nga ng nasabi natin. Subali’t tila hindi niya lubusang itinatwa ang pagiging bata. Sinansala pa niya ang mga disipulo na nagbabawal sa mga batang paslit na lumapit sa kanya. Pinagwikaan niya ang mga ito at sinabing hayaan silang lumapit, sapagka’t sa kanila raw naghahari ang Diyos!

Ang mahirap sa mga hindi na musmos ay masyadong maalam magpanggap … masyado marunong magkunwari, at bihasa sa panlilinlang ng kapwa. Maraming matanda sa ating buhay na walang pinagtandaan, at walang natutunan. Marami sa atin, marahil kasama ang bawa’t isa sa atin, na sa halip na manatiling tulad ng bata ay natutong mag-asal hayop sa isa’t isa.

Hindi sa tulad nating matandang walang pinagkatandaan naghahari ang Diyos. Ito ay tiyak …. Masakit man tanggapin.

Maraming mga panlilinlang ang nagaganap sa paligid natin. Maraming mga kabulaanan ang ipinangangalandakan ng mass media. Maraming kasinungalingan ang hatid ng mga survey, ng mga pagsasaliksik, na ang pakay ay ang hubugin ang pananaw ng balana, na naniniwala sa lahat ng lumilitaw sa TV at naririnig sa mga komentarista sa radio.

Ang gumagawa ng mga ito ay hindi mga bata, na ang pokus ay ang maglaro, magsaya, at hindi magkalat ng lagim sa lipunan.

Ang mga gumagawa nito ay tayong mga natuto nang magbalatkayo, ang mga nasanay nang gumawa ng masama, habang mistulang gumagawa ng mabuti.

Obserbahan natin ang mga musmos. Hindi sila marunong magtanim ng galit. Hindi sila marunong maglista ng anumang masasamang ginawa ng kanilang mga magulang. Bagama’t nagtatampo kung minsan, ang bata ay tapat sa kanyang sinasabing dinaramdam … walang pagkukunwari, walang pagkukubli, walang pagpaplano ng masama, walang pagsasabing ginagawa diumano ay prinsipyo lamang, ngunit ang nasa likod naman pala ay paghihiganti.

Malaki ang dapat nating matutunan sa sanggol. Malaki ang itinuturo sa atin ng banal na sanggol na si Jesus. At ang isa sa mga aral na ito ay walang iba kundi ito: malaki rin ang tiwala ng Diyos sa mga musmos. Malaki ang kanyang pagmamalasakit sa kanila, at lalung malaki ang kanyang pagmamahal sa kanila.

Malayo tayong matatandang walang pinagkatandaan. At kung kabilang tayo sa mga ito, ang tanging daan ay ang daan na tinahak ng sanggol na si Jesus, ang daan ring itinuro sa atin ni Jesus … Sa mga batang tulad nila, aniya, naghahari ang Diyos.

Nais kong hilingin sa aking mga tagabasa ang isang pabor. Alam nating nasasadlak muli tayo sa isang madilim na kabanata sa ating kasaysayan. Ang mga namumuno sa atin at may posisyon ay parang mga batang nagbabangay, nag-aaway at naghahamit para sa kani-kanilang agenda. May mga bagay na nasa likod ng tila walang hambas na pagtugis sa mga kinikilalang criminal ng administrasyong ito. Bagama’t hindi ko papel ang kumatig at kumampi sa alinmang panig, tungkulin ko at karapatan ko ang mangamba sa mga kahihinatnan ng lahat ng ito.

Ipagdasal nawa natin na anuman ang maging bunga ng kanilang pag-aaway at paghahanap ng sinasabi nilang tama at matuwid na daan, ay magbunga ng mabuti ito para sa lahat, at ang tunay at wagas na hustisya ay maghari.

Hindi sinabi ni Jesus na mag-asal bata. Ang sinabi niya ay maging tulad ng mga batang kinabig niya sa kanyang tabi. Ito ang mahalagang dapat natin tandaan. Ang paghahari ng Diyos ay hindi nakalaan sa mga nag-aasal batang matandang walang pinagkatandaan, o sa mga nagbabata-bataang walang inisip kundi ang maghiganti o magpakasasa.

Sa tulad ng mga batang ito, aniya, naghahari ang Diyos! Kabilang ba kaya tayo dito?

Friday, January 6, 2012

BUMANGON AT MAGLIWANAG!


Kapistahan ng Epipaniya(B)
Enero 8, 2012

Mga Pagbasa: Is 60:1-6 / Ef 3:2-3.5-6 / Mt 2:1-12


Hindi ko maiaalis na sumagi sa aking isipan ang malungkot na nagaganap sa maraming mga Kristiyano sa ilang lugar sa buong mundo – ang katotohanang sa maraming lugar, ang mga kristiyano ay muling humaharap sa pag-uusig o tinatawag nating persekusyon. Malaon nang nangyayari ito sa Iraq, sa ilang bahagi ng India, sa Palestina, sa maraming lugar sa Africa, at mismo sa tinatawag nating Holy Land, kung saan nagsimula ang pananampalataya natin.

Hindi ko maialis sa aking isipan sapagka’t sa araw na ito, ang dakilang kapistahan ng pagkakahayag at pagpapakilala kay Kristo bilang Diyos, ay sumailalaim rin siya mismo sa isang matamang pag-uusig, mula kay Haring Herodes.

Magaling magtago sa mistulang kaliwanagan ang sinumang may maiitim at madidilim na balak. “Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio?” ang tanong niya. “Hanapin ninyo at ibalita rin sa akin, upang ako man ay makasamba sa kanya.” Subali’t alam natin ang kanyang naging pakay. At alam natin na ipinapaslang niya ang mga sanggol na lalaking dalawang taon pababa, upang masiguro niyang nailigpit niya ang kanyang karibal, at banta sa kanyang paghahari.

Ang araw na ito ay araw ng kagalakan at pagbubunyi, nguni’t ang pagbubunyi at kagalakang karapatan nating lahat bilang Kristiyano, sa mula’t mula pa ay nabahiran na ng pangamba at tila nagwawaging puwersa ng kadiliman.

Ito ang masamang balita!

Nguni’t para sa Diyos, ang masamang balitang kaakibat ng kasalanan ng tao at pagkamakasarili ay may katapat. At ang katapat na ito ay walang iba kundi ang kanyang sinugo – ang kanyang Anak na naging tao, si Jesus, na ngayon ay natanghal bilang Anak ng Diyos at bilang Mananakop.

Ito ang magandang balita!

Dangan nga lamang at para aking mabigyang pansin ang magandang balita, ay dapat kong ikwadro ito sa konteksto ng masamang balita. Ang magandang balita ay tinatawag na mabuti o maganda sapagka’t ito ang kabaligtaran ng lahat ng nagaganap na may kinalaman sa kadiliman ng kasalanan.

Malungkot ang nagaganap sa mga lugar kung saan ang kristiyano ay pinag-uusig. Mapait na katotohanan ang tanggapin na darating na muli ang araw kung kalian tulad ng isang libong taon na ang nakalilipas, ay muling yuyurakan ng pagkamuhi ang pananampalataya natin, at lalong yuyurakan ng higit pang pagkamuhi ang mga tagasunod ni Kristo. Tila malinaw ang kahihinatnang sasapitin ng ating Inang Santa Iglesya. Ngayon pa man, maging sa sarili nating bayan, may mga palatandaang ang pananampalataya natin ay makararanas ng matinding persekusyon, at nakararanas na kung makikita natin sa dumaragdag na bilang ng mga galit sa Simbahan at sa mga alagad ng Diyos, dahil hindi sila sang-ayon sa turong moral ng Santa Iglesya.

Ngunit ang Diyos ay tumutugon sa ating mga pangangailangan sa pangkalahatan at sa paglawig ng panahon. Ang Diyos ay Panginoon ng kasaysayan at siyang naggagabay sa takbo ng kasaysayan na ang puno at dulo ay walang iba kundi siya.

Sa araw na ito, hinihiling ko sa aking mga tagabasa, na pagyamanin at tahasang bigyang pansin ang pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Isaias, na puno ng pag-asa. “Bumangon ka Jerusalem at magliwanag na tulad ng araw. Nililiwanagan ka ng kaningningan ng Panginoon.”

Batid kong marami sa atin ay nanghihinawa at nanghihina. Batid kong, tulad ko, lahat tayo ay tigib ng pangamba. May Diyos ba talagang nag-aakay sa kasaysayan ng mundo? May Diyos ba talagang naghahatid sa mga tao sa kapayapaan?

Ang kapistahan ngayon ay isang pagtugon ng mataginting na “oo.” Siya ay nahayag at nakilala ng mundo, kahit na mayroon pa ring hindi kumikilala. Ang kanyang pagka Diyos ay hindi depende sa ating pagtanggap. Siya ay Diyos tanggapin man natin o hindi. Siya ay Panginoon kilalanin man natin o hindi.
Siya ang Panginoong ng kasaysayan. At bagama’t mistulang lumalayo ang takbo ng kasaysayan ng tao sa kanyang daan o landas, ito ang pangako niya sa kanyang bayan. Magaganap. Mangyayari. Maghahari siya magpasawalang hanggan.

Kung kaya’t “bumangon ka, kaibigan, at magliwanag na tulad ng araw!”


Salesian Retreat House
Cheung Chau Island
Hong Kong