Monday, November 28, 2011

MULA SA KAGUBATAN, KALIGTASAN!


Ikalawang Linggo ng Adbiyento(B)
Disyembre 4, 2011

Mahirap sa panahon natin ang magsalita tungkol sa pag-asa. Wala nang kakayahan ngayon maghintay ang mga tao. Sa bilis ng daloy ng kaalaman, ng impormasyon, sa pamamagitan ng information superhighway na tinatawag mahigit sampung taon na ang lumipas, sa panahon ng tinatawag na iCloud, kung saan lahat ng kaalaman ay matatagpuan sa pindot ng ilang butones, mahirap ang magwika hinggil sa pag-asa.

Kaakibat ng pag-asa ang paghihintay, at hindi na uso ngayon ang maghintay. Lahat ay instant … instant coffee, instant noodles, at marami pang iba. Ayaw na rin ng mga tao ngayon maghintay habang nag-buboot ang computer. Gusto natin ngayon ay deretso na na cloud, sa alapaap ng impormasyon, na makikita sa iPod, iPad, Galaxy tablets at mga Cherry tablets, gamit man ay Android, o iOS5.

Tila pumanaw na rin sa lipunan natin ang kahinahuhan. Lahat ngayon ay pandalasan, mabilisan, at dapat gawin kara-karaka. Ang pagmumuni-muni ay hindi na ginagawa, bago magpasya. Sapat na ang i-google ang katanungan, at ang suliranin ay nabibigyang-sagot sa cyberspace. Sa walang puknat na pagbanat ng mga komentarista sa radio, TV, at websites, pati ang mali ay nagiging tama, at ang tama ay nagiging mali. Pati reputasyon ng matataas na tao ay puedeng magiba kung nagkasawing palad kang makabangga ang mga makapangyarihang taong may hawak na mikropono maghapon, araw-araw.

Sa kalalagayang ito ng mundo, parang paahon, hindi pababa, ang magwika tungkol sa pag-asa. Para kang isang sirang plaka, (na hindi na rin nauunawaan ng mga bata ngayon), o parang long-playing cassette tape na ayaw nang umikot, na lagi mo pang kailangang paikutin ng isang Bic ballpen o lapis.

Ito rin ang katayuan ng mga Israelita nang sumulat si Isaias. Kagagaling lang nila sa pagkatapon sa Babilonia. Mapait na karanasan. Maramdaming yugto sa kanilang kasaysayan. Ito rin ang katayuan ni Juan Bautista nang siya ay unang mangaral. Mahirap mangaral lalu na’t ang kasuotan mo ay tulad ng suot ni Juan – balat ng hayop. Mahirap magpapaniwala sa tao lalu na’t tulad din ni Juan ay pulut pukyutan ang iyong kinakain, at hindi ang mararangyang pagkain ng mga taga siyudad.

Lalung mahirap ang ikaw ay paniwalaan ng tao kung nangangaral ka na ikaw naman ay laki sa gubat, kasama ng mga halimaw sa kadiliman ng kagubatan, at malayo sa kabihasnan. Mahirap kang tanggapin ng mga tao kung ikaw ay isang probinsyanong magtuturo sa mga laki sa layaw sa lungsod, kung saan ang lahat ay alam ng mga batang paslit, kung saan ang mga bata ay parang matanda na kung kumilos.

Ito ang pinagmulan ni Juan Bautista … gubat, parang, tila kadiliman. Ito naman ang dulot ni Juan Bautista – kaliwanagan, kabatiran, kaligtasan!

Ito ang kabalintunaan ng kaligtasang dulot ng Diyos. Tila isang hiwaga, na ang simple at payak ang siyang itinanghal, na ang maliit at tila walang kaya ang siyang inatangan ng malaking pananagutan! Mula sa kagubatan ay lumitaw ang mensahe ng kaliwanagan. Mula sa kadiliman ay suminag ang isang matinding kaliwanagan ng kaligtasan, na galing hindi sa isang matipuno at makapangyarihang tao kundi sa isang ang suot ay balat ng hayop, at ang pagkain ay pulut pukyutan.

Ito ang kabalintunaan ng Diyos na mapagligtas … ang pangako ay isang Hari, hindi ng kalakasan at kapangyarihan, kundi Hari ng kapapayapaan! Ito ang tila isang kabaligtarang dulot ng isang malaking sorpresa mula sa Diyos na tagapagligtas …

Sa gitna ng isang tila imposibleng katatayuan ay naganap at nangyari ang isang nakagugulat na pangyayari – isang hindi kinikilala bilang malaking tao ang lumabas at nag-utos: “Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!”

May aliw ba kayang naghihintay sa isang bayang nagupiling at natapakan ang dangal sa pagkatapon sa Babilonia? May aliw bang karapatan ang isang bayang tulad natin na magpahangga ngayon ay hindi pa natin natutunan ang daang matuwid ng walang pag-iimbot na paglilingkod at pamamahala? May aliw bang dapat asahan ang isang bayang tulad natin, na tuwing magbabago ng administrasyon, ay bago ang direksyon at napapalitan ang lahat ng adhikain ng nakaraan, at walang inaatupag kundi ang paghigantihan ang nakalipas? 

May aliw bang nararapat hintayin ang mga taong ang pag-iisip ay dalang-dala, at bilog na bilog ng mga mapanlinlang na mass media, na naghuhubog ng kuro-kuro ng publiko?

Magulo at masalimuot ang panahon natin. Hindi ito malayo sa sitwasyon ng kagubatan at kadiliman. Nasaan kaya ang mga nakinabang sa mga katiwalian noong nakaraan? Kasama na sila sa pagsigaw upang gumulong ang ulo ng mga wala na sa poder ngayon. Nguni’t mahirap isipin na wala nang katiwalian sa lahat ng sangay at antas ng gobyerno sa buong kapuluan.

Puno at dulo ng magandang balita sa ikalawang Linggo ng Adbiyento ang katotohanang ito … Mula sa kagubatan ay lumitaw ang kaligtasan. Mula sa kadiliman ng kagubatan ay sumulpot si Juan Bautista – hindi kilala, hindi tanyag, at lalung hindi inaasahan. Mula sa kalagitnaan ng kalungkutang dulot ng pagkatapon ay sumulpot rin si Isaias na naghatid ng pangako ng aliw at kagalakan: “Aliwin ninyo ang aking bayan; aliwin ninyo siya … hinango ko na sila sa pagka-alipin; pagkat nagbayad na sila nang ibayo sa pagkakasalang ginawa sa akin.”

Ito ang pag-asa. Hindi ito bunga ng katiyakan at kasiguraduhan. Ito ang bunga ng isang kabukasang isip sa sorpresang naghihintay sa atin, mula sa Diyos ng sorpresa, sa Diyos na hindi natin maikakahon at mailalagay sa sisidlan. Ang pag-asa ay galing rin sa kahandaang magulat sa sunod na kilos ng Diyos na hindi natin inaasahan, tulad nito … mula sa kagubatan ay lumitaw ang sinag ng kaligtasan.

Magulong magulo ang panahon natin. Puno tayo ng pangamba. Hindi natin alam kung hanggang saan ang sasapitin ng suliraning pang ekonomiya sa Europa at sa America. Hindi natin alam kung hanggang saan ang paghihiganting ito ng kasalukuyang administrasyon, at hanggang saan ang mararating ng isang gobyernong pinag-aagawan ng mga dilawan, at ng iba pang puersang magkatunggali, kung saan ang patakaran ay walang kaibahan sa nauna – “Kami naman ngayon!” Hindi rin natin batid kung tunay na hustisya ang sasapitin ng mga ngayon ay pinagpipiyestahan sa TV, radio, internet, at periodiko. At higit sa lahat, hindi natin batid kung itong programang ito ay magtatagal, o isa lamang ningas cogon, na maglalaho rin bukas at makalawa, at tuloy tuloy pa rin ang dating gawi sa lahat ng antas ng pamahalaan at lipunan.

Pag-asa ang pinanghahawakan natin, at wala nang iba. Pag-asa itong may kaakibat na panganib. Puedeng umasa na lamang sa Diyos at wala nang gawin. Puedeng maghintay na lamang tayo at maghalukipkip at magkibit balikat na lamang sa mga nangyayari.

Subali’t ito ay tunay na Kristianong pag-asa kung tulad ni Juan, na lumitaw mula sa kagubatan, ay nagdulot ng isang panibagong tulak upang lutasin ang problemang bumabagabag sa atin: “patagin ang mga lubak; tuwirin ang mga landas … ihanda ang daraanan ng Panginoon!”

Mula sa kagubatan ay daratal ang kaligtasan! Ito ang diwa ng tunay na pag-asa!

Tuesday, November 22, 2011

DAHONG LAGAS, SIMPLENG LUWAD, NILIKHANG WAGAS!


Unang Linggo ng Adbiyento(B)
Nobyembre 27, 2011


Sapat nang tingnan ang mga nagaganap sa paligid natin. Sapat nang dinggin ang mga komento ng mga taong nagbababad sa kompyuter at internet, at walang ginawa kundi ang magbigay komento sa mga nagaganap sa lipunan natin. Sapat na ring bigyang sulyap ang nagaganap sa Europa, sa Italia at sa Grecia, at ang kakulangan ng trabaho para sa mga tao sa Amerika … Ang lahat ay masamang balita… ang lahat ay parang larawan ng ngayon ay nangyayari sa kanluran – taglagas, tagtuyo ng mga dahon, at ang pagsapit ng madilim, malamig, at malungkot na taglamig!

Bagama’t mainit sa kung saan tayo naroroon, taglagas ang dating ng mga pangyayari. Ilang beses na natanghal ang bansa natin bilang kulelat sa maraming bagay … kulelat sa airport, kulelat sa pagtatayo ng negosyo, kulelat sa iba pang bagay. Napag-iiwanan kumbaga, nilalait ng ibang bansa, at hindi iginagalang ang pasaporte natin.

Mga dahong lagas ng lumipas na karangyaan at kadakilaan ang ating nababakas … mga dahong lagas ng kawalang pag-asa, at kawalang direksyon ang tila natin hinaharap.

Huwag kayong magalit sa akin … Sinasalamin ko lamang ang kung ano ang nakikita ko at nahihinuha sa mga nagaganap. Taglagas sa maraming bagay at aspeto ng pamumuhay natin.

Nguni’t ibig ba sabihin nito ay walang pag-asa? Maghunos-dili ka kapatid, at patuloy na magbasa.

Ang isang tumpok na luwad ay marumi, walang halaga, at tila walang silbi. Ito ang naranasan ng mga Israelita noong sila ay itapon sa Babilonia. Ito rin ang damdamin nila nang mapagtanto nila ang karumihan ng kanilang kasalanan sa Diyos, dahil sa sila ay nakisalamuha sa mga hentil at mga paganong walang dini-diyos.

Nguni’t sa kabila ng karumihang ito, alam natin ang naganap … Diyos mismo ang nagkusa. Diyos mismo ang gumawa at gumanap sa pagiging pastol at tagapag-kalinga. Diyos mismo ang magpapalayok na humulma, nagsa-ayos, at naglapat ng kanyang mga kamay upang makagawa ng isang magandang bagay – ang palayok!

Dahong lagas … ito ang lagay natin ngayon. Parang walang patutunguhan. Pareho pa ring bangayan at gamitan sa gobyerno. Bagama’t hindi ako kampi sa mga katiwaliang naganap sa dating administrasyon, hindi rin ako kampi sa mga taong ngayon ay nagmamalinis at gumagawa ng parehong sistemang palpak na kanila ran isinasaayos. Hindi ako kampi sa mga tiwaling hukom at mga kawani ng gobyerno, na dati rati ay nakinabang, at ngayon ay parang mga kampon ng kabutihang naghuhusga, sumasama, at nakikilahok na parang mga hayok na manonood sa laban ng mga gladiator noong panahon ng mga Romano, naghihintay na dumanak ang dugo at gumulong ang ulo ng mga dati nilang amo na ngayon ay nasusukol at wala nang mga kaibigang nagtulak sa kanila upang gumawa ng mga nakaririmarim na kasibaan at katakawan.

Dahong lagas ang nakikita natin sa kapaligiran.

Ito ba ay diwa ng Adbiyento o hindi?

Malinaw ang aking sagot … Hindi! Ang Adbiyento ay panibagong buhay, panibagong pagkilos, panibagong pagsisikap. Ang Adbiyento ay paghihintay, at ang paghihintay ay hindi lamang isang pag-ungkot sa sulok, pagtingala sa itaas, at paghihintay, tulad ni Juan Tamad, na bumagsak ang bayabas. Ang Adbiyento ay aktibo, gising, at mulat sa katotohanang bagama’t taglagas, o panahon ng mga dahong lagas, ay nakasindi ang mga ilawan natin, ang ating mga sulo, at naghihintay, nagbabantay sa pagdating ng Mananakop.

Adbiyento dapat sa buhay natin ngayon. Gising at mulat dapat tayo ngayon sa pagdatal ng panibagong buhay, panibagong simula, at panibagong sulong.

At bakit? Sapagka’t ang simple at payak at maruming luwad, ay hindi na lamang putik sa kamay ng magpapalayok. Ito ay nagiging malikhaing bunga ng kagandahan at kabutihan, hindi tulad ng mga dahong lagas ng kawalang pag-asa at panimdim sa kaibuturan ng puso ng mananampalataya.

Oo, parang dahong lagas ang nararanasan natin sa bayan natin ngayon. Nguni’t nasa ating mga kamay ang hinaharap, sapagka’t sa kamay ng Diyos na naghuhulma sa atin, walang simpleng luwad at maruming putik. Walang anumang walang halaga at silbi. Ang lahat sa kanya ay nagaganap, nababago, at nahuhubog ayon sa kanyang wangis.

Magpahulma na tayo. Magpahubog na tayong lahat sa dakilang magpapalayok. Sa pagdatal ng panibagong taong ito ng Simbahan, ating dasalin nang wagas at tunay: “Panginoon, aming nalalamang Ika’y aming Ama, kami’y parang luwad at ikaw ang magpapalayok. Ikaw ang lumikha sa amin, Panginoon, at walang nang iba.”

“Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami at tanglawan!”