Tuesday, November 22, 2011

DAHONG LAGAS, SIMPLENG LUWAD, NILIKHANG WAGAS!


Unang Linggo ng Adbiyento(B)
Nobyembre 27, 2011


Sapat nang tingnan ang mga nagaganap sa paligid natin. Sapat nang dinggin ang mga komento ng mga taong nagbababad sa kompyuter at internet, at walang ginawa kundi ang magbigay komento sa mga nagaganap sa lipunan natin. Sapat na ring bigyang sulyap ang nagaganap sa Europa, sa Italia at sa Grecia, at ang kakulangan ng trabaho para sa mga tao sa Amerika … Ang lahat ay masamang balita… ang lahat ay parang larawan ng ngayon ay nangyayari sa kanluran – taglagas, tagtuyo ng mga dahon, at ang pagsapit ng madilim, malamig, at malungkot na taglamig!

Bagama’t mainit sa kung saan tayo naroroon, taglagas ang dating ng mga pangyayari. Ilang beses na natanghal ang bansa natin bilang kulelat sa maraming bagay … kulelat sa airport, kulelat sa pagtatayo ng negosyo, kulelat sa iba pang bagay. Napag-iiwanan kumbaga, nilalait ng ibang bansa, at hindi iginagalang ang pasaporte natin.

Mga dahong lagas ng lumipas na karangyaan at kadakilaan ang ating nababakas … mga dahong lagas ng kawalang pag-asa, at kawalang direksyon ang tila natin hinaharap.

Huwag kayong magalit sa akin … Sinasalamin ko lamang ang kung ano ang nakikita ko at nahihinuha sa mga nagaganap. Taglagas sa maraming bagay at aspeto ng pamumuhay natin.

Nguni’t ibig ba sabihin nito ay walang pag-asa? Maghunos-dili ka kapatid, at patuloy na magbasa.

Ang isang tumpok na luwad ay marumi, walang halaga, at tila walang silbi. Ito ang naranasan ng mga Israelita noong sila ay itapon sa Babilonia. Ito rin ang damdamin nila nang mapagtanto nila ang karumihan ng kanilang kasalanan sa Diyos, dahil sa sila ay nakisalamuha sa mga hentil at mga paganong walang dini-diyos.

Nguni’t sa kabila ng karumihang ito, alam natin ang naganap … Diyos mismo ang nagkusa. Diyos mismo ang gumawa at gumanap sa pagiging pastol at tagapag-kalinga. Diyos mismo ang magpapalayok na humulma, nagsa-ayos, at naglapat ng kanyang mga kamay upang makagawa ng isang magandang bagay – ang palayok!

Dahong lagas … ito ang lagay natin ngayon. Parang walang patutunguhan. Pareho pa ring bangayan at gamitan sa gobyerno. Bagama’t hindi ako kampi sa mga katiwaliang naganap sa dating administrasyon, hindi rin ako kampi sa mga taong ngayon ay nagmamalinis at gumagawa ng parehong sistemang palpak na kanila ran isinasaayos. Hindi ako kampi sa mga tiwaling hukom at mga kawani ng gobyerno, na dati rati ay nakinabang, at ngayon ay parang mga kampon ng kabutihang naghuhusga, sumasama, at nakikilahok na parang mga hayok na manonood sa laban ng mga gladiator noong panahon ng mga Romano, naghihintay na dumanak ang dugo at gumulong ang ulo ng mga dati nilang amo na ngayon ay nasusukol at wala nang mga kaibigang nagtulak sa kanila upang gumawa ng mga nakaririmarim na kasibaan at katakawan.

Dahong lagas ang nakikita natin sa kapaligiran.

Ito ba ay diwa ng Adbiyento o hindi?

Malinaw ang aking sagot … Hindi! Ang Adbiyento ay panibagong buhay, panibagong pagkilos, panibagong pagsisikap. Ang Adbiyento ay paghihintay, at ang paghihintay ay hindi lamang isang pag-ungkot sa sulok, pagtingala sa itaas, at paghihintay, tulad ni Juan Tamad, na bumagsak ang bayabas. Ang Adbiyento ay aktibo, gising, at mulat sa katotohanang bagama’t taglagas, o panahon ng mga dahong lagas, ay nakasindi ang mga ilawan natin, ang ating mga sulo, at naghihintay, nagbabantay sa pagdating ng Mananakop.

Adbiyento dapat sa buhay natin ngayon. Gising at mulat dapat tayo ngayon sa pagdatal ng panibagong buhay, panibagong simula, at panibagong sulong.

At bakit? Sapagka’t ang simple at payak at maruming luwad, ay hindi na lamang putik sa kamay ng magpapalayok. Ito ay nagiging malikhaing bunga ng kagandahan at kabutihan, hindi tulad ng mga dahong lagas ng kawalang pag-asa at panimdim sa kaibuturan ng puso ng mananampalataya.

Oo, parang dahong lagas ang nararanasan natin sa bayan natin ngayon. Nguni’t nasa ating mga kamay ang hinaharap, sapagka’t sa kamay ng Diyos na naghuhulma sa atin, walang simpleng luwad at maruming putik. Walang anumang walang halaga at silbi. Ang lahat sa kanya ay nagaganap, nababago, at nahuhubog ayon sa kanyang wangis.

Magpahulma na tayo. Magpahubog na tayong lahat sa dakilang magpapalayok. Sa pagdatal ng panibagong taong ito ng Simbahan, ating dasalin nang wagas at tunay: “Panginoon, aming nalalamang Ika’y aming Ama, kami’y parang luwad at ikaw ang magpapalayok. Ikaw ang lumikha sa amin, Panginoon, at walang nang iba.”

“Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami at tanglawan!”


No comments:

Post a Comment