Mga pagninilay sa Misa tuwing Linggo ... mga kuru-kuro at pala-palagay hinggil sa mga nagaganap sa kapaligiran batay sa Salita ng Diyos, ayon sa tradisyong katolika ...
Friday, May 22, 2015
Friday, May 8, 2015
MAGMAHAL, MANATILI, MAMUNGA!
Ika-anim na Linggo Pagkabuhay (B)
Mayo 10, 2015
MAGMAHAL, MANATILI AT MAMUNGA!
Sabi nila hindi na raw uso ang ligawan ngayon … wala nang
pumoporma sa simbahan tuwing Linggo. Pare-pareho na ang mga kabataan at matanda
na parang lahat galing o papunta sa beach o sa mall. Pero ayon sa programa sa
radio kagabi na pinangunahan ng mga kabataan, meron pa rin daw … kaya lang ay
iba na ang pamamaraan … sa social media, sa texting, sa chat, at sa sandamakmak
na selfie sa social media.
Hindi kailanman mawawala ang pag-ibig ng tao. Nabuhay tayo
dahil sa pag-ibig at lumaki tayo at naging adulto dahil rin sa pag-ibig.
Totoo ito, lalu na’t ngayon ay Mothers’ day. Kung wala kang
Nanay na nagkalinga, malamang ay wala ka sa mundong ito.
Pero, kahit na hindi ngayon Mothers’ Day, hindi natin
maipagkakaila na ang mga pagbasa ay may kinalaman sa pag-ibig na higit pa sa
pag-ibig ng isang Ina.
Ito ang pag-ibig ng Diyos, na naging dahilan na tayo ay nasa
mundong ibabaw pa rin … dahilan rin kung bakit nananatili pa rin tayo at sa
ating kakayahang itaguyod ang buhay natin at buhay ng iba.
Salamat sa mga Nanay o Ina ng tahanan. Kasama ako sa
pagdiriwang ng kadakilaan ng lahat ng Ina, kasama at sarili kong Ina, kahit
matagal nang pumanaw!
Pero dakila mang tunay ang Nanay nating lahat, mas dakila
ang Diyos na nagmahal sa atin sa mula’t mula pa. Larawan lamang ang pag-ibig ng
isang Ina ng pag-ibig ng Diyos, “sapagka’t mula sa Diyos ang pag-ibig.”
Sa maraming ospital sa buong mundo, may mga taong ang
trabaho ay kargahin at pasusuhin ang mga bagong silang na sanggol. Sabi ng mga
eksperto, sa loob daw ng 48 oras matapos isilang, dapat daw makaramdam ang
sanggol na mainit na katawan, upang maunawaan ang pagiging konektado sa isang
buhay at tunay na ina. Maging ang mga
sanggol ay nangangailangan ng koneksyon, na panananatili, ng pagiging karugtong
ng buhay ng isang ina.
Malinaw ang pahatid ng mga pagbasa sa atin ngayon …
Magmahal, sapagkat, minahal muna tayo ng Diyos, at “sapagka’t ang Diyos ay
pag-ibig.” Pero hindi sapat na malamang tayo ay minahal Niya. Dapat tayong
MANATILI … manatiling konektado sa Diyos.
A ver! Nakakita na ba kayo ng sanga ng puno na nakahiwalay
sa puno at patuloy na namumunga? Wala! Walang sanga na hindi konektado sa
pinagmumulan ng buhay ang patuloy na mamumunga.
LInggo ngayon ng pag-ibig! Tatlong bagay ang kailangan upang
maging totoo ito sa buhay natin: magmahal, manatili, at saka mamunga!
Friday, May 1, 2015
STAY KA LANG KAY LORD, KAIBIGAN!
Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay B
Mayo 3, 2015
STAY KA LANG KAY LORD!
Kahit gaano kasama ang tao, may pag-asa pa. Siguro, wala
nang hihigit pang patunay itong katotohanang ito sa mismong sarili nating
buhay. O di ba? Lahat tayo ay nakagawa nang hindi maganda. Lahat tayo ay
nakapagsabi ng kasinungalingan. Ayon sa Banal na Kasulatan, ang lahat ay nagkasala
at ang lahat ay hindi makapantay sa luwalhati at kadakilaan ng Diyos.
Sino pa ba ang ating halimbawa sa araw na ito? … Walang iba
kundi si Saul, na dati-rati ay tagapag-usig ng mga tagasunod ni Kristo. Oh, ano
na siya ngayon? Ayon sa aklat ng mga Gawa, “kasama-sama nila [siya] sa
Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon.”
Tingnan mo nga naman!
… dating pangit ang ugali, ngayon ay masugid na tagasunod ng kanyang
inusig at di tinanggap. Ano ang bunga nito? “Naging matiwasay ang simbahan sa
buong Judea, Galilea at Samaria. Ito’y tumatag at lumaganap sa tulong ng
Espiritu Santo at namuhay na may pagkatakot sa Panginoon.”
Tunay na may bagong buhay maging sa mga taong tila patay, at
pumapaslang. Tunay na may pag-asa pa hangga’t may hininga at buhay.
Malalim ang pinaghuhugutang pag-ibig ni Juan. Tinawag niya
ang kanyang mga tagasunod na mga “anak.” Hindi lamang yan … tinawag niya rin
silang lahat na “mga minamahal” … minamahal ng Diyos at silang pinagkalooban ng
dakilang awa at pag-ibig mula sa Kanya.
Marami na akong naging alagang aso. May apat pa ako ngayon.
Isang katangian ng aso ay ito … marunong silang dumikit sa kanilang amo, o kung
sino man ang nagpapakain sa kanila, ayon sa batas ng kalikasan.
Pero higit pa rito ang tao … marunong mamili, marunong
magpasya. At hindi napapako sa madilim na nakaraan … kayang bumangon … kayang
magbagong-buhay. Tulad ni Pablo. Tulad ni Pedro. Tulad ng lahat ng mga banal na
pawang nagsimula sa mundo na may bahid ng kasalanan, nguni’t napagtagumpayan
ang mali, at gumawa nang tama.
Ito naman ang tanong para sa atin ngayon … Kaya ba natin
ito? Gets ba natin ang dapat gawin upang makaya ito?
At dito naman malinaw pa sa liwanag ng araw ang dapat gawin
… “Manatili kayo sa akin.” “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga.”
Malinaw ito sa kaso ng aso. Wag siyang manatili sa akin, at
walang magpapakain sa kanya. Malinaw rin ito sa ubasan. Putulin mo ang sanga at
ito ay matutuyot at mamamatay.
Gets nyo na ba?
Kung hindi tayo konektado sa internet, wala kang Clash of
Clans. Kung wala kang load, wala kang chat. Kung wala kang service provider,
walang silbi ang iyong mamahaling cellphone. Mabuti pa aso. Pag sinabi mong “stay,”
stay nga siya. Konektado. Kapiling. Kasama.
Stay ka lang kay Lord! Stay ka lang sa kanyang higit pa sa
wi-fi coverage. Si Lord ang web. Ikaw ang device. At kung wala si Lord, wala
kang silbi smartphone!
Kapit lang nang matibay, kaibigan! Kailangan pa rin natin
ang Panginoon!
Subscribe to:
Posts (Atom)