Binyag ng Panginoon (B)
Enero 11, 2015
PINILI, ITINAAS, AT KINALULUGDAN
Sabi nila mababa raw ang pagtingin ng Pinoy sa kanyang
sarili. Maraming puedeng naging dahilan nito: ang kasaysayan nating daan taong
nasa ilalim ng mga banyaga, ang katotohanang wala pa rin tayong kaisahan sa
maraming bagay, tulad ng wika, ang pagiging kulelat natin kumpara sa Singapore,
o Malaysia, o Thailand …
Tanging showbiz na lamang ang pinanghahawakan natin. Tuwing
darating ang Metro Filmfest, pinakahihintay ng marami ang parada ng mga bituin,
tulad nang hinihintay ng marami ang prusisyon ng Itim na Nazareno. Sa gobyerno,
tiyak ang panalo ng mga artista, ng mga kilala ang pangalan dahil sa TV, sa mga
teleserye, o sa mga balitang nagbabaga, na ang balita naman ay pulos pa rin
tungkol sa mga showbiz personalities.
Nakapagtataka, pero isa ito sa mga tanda ng kababaan ng
ating pagpapahalaga sa sarili … Kapag may puti na matatas magsalita sa Tagalog
o Bisaya, hangang-hanga tayo. Pero kapag may Pinoy na matatas magsalita o
mahusay sa slang na tipong Ingles, galit tayo, kasi “mayabang,” “mahangin,”
inglisero o inglisera kuno ang “hitad” o ang “timang.” Galit tayo sa inglisero
at dadalawang salitang ingles ang ating alam tungkol dito: “super” o kaya
“nosebleed.” Pero kapag nanalo ang Pinoy na isinilang sa Tate na wala ni isang
hibla ng pagka Pinoy ang nanalo sa American Idol, nag-uunahan tayo para
angkinin at ibalita sa buong mundo ang “galing ng Pinoy!” (Pero noong natalo na
si Brian Viloria na isang inglisero galing sa Hawaii, tahimik ang lahat!)
Ang pista natin ngayon ay para sa ating lahat na (aminin
na!) mababa ang self-esteem. Walang masama dito. Pati si Juan Bautista ay
siguradong mababa ang self-esteem rin, sa ilang aspeto. Galing siya sa “bulubundukin
ng Judea.” Namuhay siya sa ilang at ang pagkain ay insekto at pulut pukyutan.
Hindi siya masyado nagpakilala ng sarili. Nagparangya pa nga siya sa harap ng “kordero
ng Diyos.”
Sa katotohahan, lahat tayo ay galing sa ibaba, sa lusak, ika
nga. Lahat tayo ay makasalanan, pero ito ang magandang balita para sa lahat … Ang
Diyos ay nagsugo ng kanyang Anak, upang tayo ay maging tulad niya. Ipinadala
niya sa atin ang Mananakop upang ihatid tayo sa rurok ng kaligtasan. At ang
iniaangat niya ay hindi lamang self-esteem, o pagpapahalaga sa sarili. Ang
kanyang pakay ay ihatid tayo sa langit na tunay nating bayan!
Mahalagang pangyayari ang binyag ng Panginoon. Ito ay tanda
at pahimakas ng kung ano ang panawagan sa atin. Ito ay sagisag at nagtuturo sa
kung ano ang kinabukasang naghihintay sa atin, ayon sa balak ng Diyos.
At ang lahat ng ito ay naganap, nagaganap, at magaganap pa
dahil sa paghirang, dahil sa katotohanang pinili Niya, itinaas at kinalugdan
ang kanyang bugtong na Anak: “Ikaw ang minamahal kong Anak, lubos kitang
kinalulugdan.”
Huwag nang manatili diyan sa mababang antas ng pagpapahalaga
sa sarili. Huwag nang tumangis. Mayroon siyang hinirang, sinugo, itinaas at
kinalugdan. At sa pamamagitan Niyang Panginoon at Tagapagligtas, tayong lahat
ay may kakayanan ngayong marating ang pangakong binitiwan Niya para sa ating
lahat.
Lubos ka naming kinalulugdan, Panginoon!
No comments:
Post a Comment