Friday, January 23, 2015

TAGAPAGTAYO AT TAGAPANGALAP


Ikatlong Linggo Taon B
Enero 25, 2015

TAGAPAGTAYO AT TAGAPANGALAP

Wala akong karanasan sa pagiging karpintero o anluwage. Wala rin akong kaalaman hinggil sa pangingisda. Ang alam ko lamang isda ay ang alam kong lutuin at kainin.

Magkaiba ang gawain ng tagapagtayo o tagapagtatag. Pero iba pa rin ang gawain ng tagapangalap. Si Jesus ang nagtatag ng Santa Iglesya, nguni’t tumawag siya ng mga katuwang upang ipalaganap ang simbahang kanyang itinatag.

May nagsasabing mahirap lamang ang mga mangingisda noong panahon ni Jesus. Pero ayon sa mga dalubhasa sa Bibliya, hindi sila tunay na mahirap. Mayroon silang kaalaman magpaikot ng capital. Mayroon raw silang kaalaman upang palaguin ang kanilang kita. Hindi lamang sila mga taong walang ginawa kundi maghagis ng lambat at maghintay. Kailangan rin nila ng kakayahang magpatakbo ng isang maliit na komersyo.

Nais kong isipin na ang Simbahan ay kinakatawan ngayon ng dalawang ito: ang nagtatag na tanging Diyos lamang ang may karapatan at kakayahan, at ang mga sinugo upang mangalap, magtipon, at maghagis ng lambat upang makadagdag sa mga hinirang ng Diyos.

Tanging isa ang tagapagtatag – ang Diyos sa pamamagitan ni Kristong kanyang Anak. Tumawag siya ng mga sugo, ang mga tagapangalap – sina Pedro at ang iba pang mangingisda. Nakapagtatakang hindi siya tumawag ng mga katulad niyang anluwage, kundi mga mangingisda.

Si Kristo ang nagtatag. Si Kristo ang nagtayo ng simbahan. Pero tayo, tulad nina Simon, Andres, Juan at Santiago, ay tinawagan ring maging katuwang, katulong, tagapaghatid at tagapangalap ng iba pang magiging kasapi ng Iglesya.

Meron ba tayong puedeng matutunan sa apat na mangingisda? Meron …
“Iniwan nila ang mga lambat at sumunod sa kanya.” “Iniwan nila ang kanilang Amang si Zebedeo kasama ng mga utusan, at sumunod sa kanya.”

Sumusunod ba tayo?

Friday, January 9, 2015

PINILI, ITINAAS, AT KINALULUGDAN!


Binyag ng Panginoon (B)
Enero 11, 2015

PINILI, ITINAAS, AT KINALULUGDAN

Sabi nila mababa raw ang pagtingin ng Pinoy sa kanyang sarili. Maraming puedeng naging dahilan nito: ang kasaysayan nating daan taong nasa ilalim ng mga banyaga, ang katotohanang wala pa rin tayong kaisahan sa maraming bagay, tulad ng wika, ang pagiging kulelat natin kumpara sa Singapore, o Malaysia, o Thailand …

Tanging showbiz na lamang ang pinanghahawakan natin. Tuwing darating ang Metro Filmfest, pinakahihintay ng marami ang parada ng mga bituin, tulad nang hinihintay ng marami ang prusisyon ng Itim na Nazareno. Sa gobyerno, tiyak ang panalo ng mga artista, ng mga kilala ang pangalan dahil sa TV, sa mga teleserye, o sa mga balitang nagbabaga, na ang balita naman ay pulos pa rin tungkol sa mga showbiz personalities.

Nakapagtataka, pero isa ito sa mga tanda ng kababaan ng ating pagpapahalaga sa sarili … Kapag may puti na matatas magsalita sa Tagalog o Bisaya, hangang-hanga tayo. Pero kapag may Pinoy na matatas magsalita o mahusay sa slang na tipong Ingles, galit tayo, kasi “mayabang,” “mahangin,” inglisero o inglisera kuno ang “hitad” o ang “timang.” Galit tayo sa inglisero at dadalawang salitang ingles ang ating alam tungkol dito: “super” o kaya “nosebleed.” Pero kapag nanalo ang Pinoy na isinilang sa Tate na wala ni isang hibla ng pagka Pinoy ang nanalo sa American Idol, nag-uunahan tayo para angkinin at ibalita sa buong mundo ang “galing ng Pinoy!” (Pero noong natalo na si Brian Viloria na isang inglisero galing sa Hawaii, tahimik ang lahat!)

Ang pista natin ngayon ay para sa ating lahat na (aminin na!) mababa ang self-esteem. Walang masama dito. Pati si Juan Bautista ay siguradong mababa ang self-esteem rin, sa ilang aspeto. Galing siya sa “bulubundukin ng Judea.” Namuhay siya sa ilang at ang pagkain ay insekto at pulut pukyutan. Hindi siya masyado nagpakilala ng sarili. Nagparangya pa nga siya sa harap ng “kordero ng Diyos.”

Sa katotohahan, lahat tayo ay galing sa ibaba, sa lusak, ika nga. Lahat tayo ay makasalanan, pero ito ang magandang balita para sa lahat … Ang Diyos ay nagsugo ng kanyang Anak, upang tayo ay maging tulad niya. Ipinadala niya sa atin ang Mananakop upang ihatid tayo sa rurok ng kaligtasan. At ang iniaangat niya ay hindi lamang self-esteem, o pagpapahalaga sa sarili. Ang kanyang pakay ay ihatid tayo sa langit na tunay nating bayan!

Mahalagang pangyayari ang binyag ng Panginoon. Ito ay tanda at pahimakas ng kung ano ang panawagan sa atin. Ito ay sagisag at nagtuturo sa kung ano ang kinabukasang naghihintay sa atin, ayon sa balak ng Diyos.

At ang lahat ng ito ay naganap, nagaganap, at magaganap pa dahil sa paghirang, dahil sa katotohanang pinili Niya, itinaas at kinalugdan ang kanyang bugtong na Anak: “Ikaw ang minamahal kong Anak, lubos kitang kinalulugdan.”

Huwag nang manatili diyan sa mababang antas ng pagpapahalaga sa sarili. Huwag nang tumangis. Mayroon siyang hinirang, sinugo, itinaas at kinalugdan. At sa pamamagitan Niyang Panginoon at Tagapagligtas, tayong lahat ay may kakayanan ngayong marating ang pangakong binitiwan Niya para sa ating lahat.


Lubos ka naming kinalulugdan, Panginoon!

Saturday, January 3, 2015

NABIGLA, NABULAG, O NABIGHANI ?


PAGPAPAKITA NG PANGINOON (B)
Enero 4, 2015

NABIGLA, NABULAG O NABIGHANI?

Kahit sino naman kapag nakakita ng maliwanag na ilaw ay nabibigla. Di ba ito ang dahilan at nagigising tayo kapag mataas na ang sikat ng araw? Sa Pilipinas, kapag nakakita tayo ng star ng Kapuso o Kapamilya networks, tumitigil ang takbo ng panahon. Hindi lang marami ang nabibigla … mas marami ang nabibighani, o nabubulag sa ibang bagay.

Hayaan na ang labada bumaho sa batya … iwanan ang mga ligpiting plato sa lababo … hayaang uhugin ang mga bata … Pag dating ng Filmfest, walang dapat ibang gawin kundi ang maghintay, mabigla, mabighani at humanga sa mga stars na ating hinahangaan.

Bago dumating ang Bagong Taon, may dalawang stars ang pinagkalipumpunan ng mass media at ng mga matataas na tao (habang ang Mindanao at Kabisayaan ay nalulunod sa dilubyo). Iba nga naman kapag maliwanag na stars ang usapan. Hindi lang batya ng labada ang puedeng iwanan.

Ang araw na ito ay para sa isa sa milyon-milyong mga stars sa buong sansinukob. Wala siyang pangalan. Walang tawag sa kaniya. Hindi siya kilala, pero ang ginawa niya ay lubhang mahalaga – ang magturo sa kung nasaan ang sanggol na kasisilang lamang.

May mga taong naghihintay ng tala para sa kanilang kinabukasan at kapalaran. Dati, horoscope ang uso, na galing rin sa mga bituin. Ngayon, ang talang galing sa mga Intsik ang tanyag – ang fengshui … Pareho lamang ang pakay, ang malaman kung anong gabay sa buhay ang dapat sundin … ang malaman ang nakaguhit na kapalaran sa palad.

May mga taong nagsisilbing gabay sa iba … parang tala o parang flashlight. Pero mali ang kanilang itinuturo. Parang mga T-shirts na mali ang pakahulugan sa mga sinabi (o hindi sinabi) ng Santo Papa.

Milyon ang tala sa sansinukob, pero isa lamang ang naghatid sa Mananakop. Marami ang nagtuturo at nagpapanggap na magaling na tagapag paliwanag sa turo ng Santo Papa at ng Simbahan, subali’t iisang tala ng katotohanan ang maaaring sundin ng balana. Maraming tala at maraming nagpapanggap na tala. Maraming bituin at maraming hungkag na bituin … walang laman, walang katotohanang taglay, at walang gustong gawin kundi ang maghatid ng kaguluhan at pagkakahati-hati.

Iisa ang talang gumabay sa mga taong handang sumunod at magpagabay. Tulad ng iisa ang manliligtas at mananakop, na tanging si Jesus na Anak ng Diyos.

Magsilbing tala nawa tayo ngayong araw na ito. Anong uri ba ng bituin ikaw ngayon sa iyong pamumuhay? Ikaw ba ay naghahatid, naggagabay, o nagliligaw sa iba?

Hindi sapat ang mabigla sa liwanag ng tala. Minsan, ito ay naghahatid sa pagkabulag … sa tama … sa katotohanan … sa kaligtasan. Mabighani nawa tayo sa iisang tala na naghatid, naggabay, at pumatnubay – tungo katotohanang ang sanggol na isinilang ay ang tagapagligtas, mananakop, at Panginoon!