Sunday, December 14, 2014

KATANUNGAN, KATOTOHANAN, KALIGTASAN


Ikatlong Linggo Adbiyento – Taon B
Disyembre 14, 2014

KATANUNGAN, KATOTOHANAN, KALIGTASAN



Malimit natin marinig sa social media ang KKK. At wala itong kinalaman sa katipunan nina Bonifacio at iba pang bayani ng bayan. Sa Linggong ito, linggo ng Gaudete, ayon sa tradisyon ng simbahan, nais kong bigyang-pansin ang kakaibang KKK. Basahin nyo na lang ang pamagat sa itaas.



Parang mga taga radio at TV ang nagtanong kay Juan Bautista. Panay tanong. Kulang naman sa pakikinig. Puro katanunga, pero hindi handang tumanggap ng katotohanan. Walang iniwan ito sa mga taong namumuhi sa ating mga Katoliko … marami rin silang tanong, pero ang tanong nila ay hindi upang marinig ang totoo, kundi upang palalimin ang pagdududa nila at hindi pagtanggap sa katotohanan: “Sino k aba?” “Ikaw ba si Elias?” “Ikaw ba’y ang propeta?” “Ano ang masasabi mo sa iyong sarili?”



Bagama’t panay ang tanong na mapag tuligsa, nanindigan si Juan Bautista. At para niya magawa ito, kinuha niya muna ito sa pagsasansala sa mga mali nilang akala: “Hindi ako si Elias.” Hindi ako ang propeta.” “Hindi ako ang inyong inaakala.”



Malinaw kay Juan ang totoo, at hindi siya tulad natin na nasa facebook o sa anumang sangay ng social media, na paiba-iba at pabago-bago ang profile, kahit malayo sa katotohanan. Sa facebook, malimit na ang larawan natin ay pinapayat, pinabata, pinaganda o pinaguapo. May mga kaibigan ako sa facebook na marami diumanong alam na lingguahe, mataas ang pinag-aralan, at laging nasa Starbucks, at umiinom ng kape na hindi naman nila pinapansin sa bahay.



Malinaw kay Juan ang totoo at hindi niya na kailangang magpanggap o magbalatkayo. “Ako ang tinig ng sumisigaw sa ilang. Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!” Walang labis; walang kulang! Walang kabulaanan, walang dagdag at walang duda!



Malayong-malayo sa mga politico sa ating bayan … walang ginawa kundi magpahindi sa mga bintang, nguni’t hindi nagsasabi ng totoo, liban sa mga praise releases na walang patumangga at walang kahihiyan.



Ito ang magandang balita sa araw na ito. Ang totoo lamang at hindi anumang dagdag-bawas. Hindi si Juan ang Mesiyas. Hindi si Juan ang dakilang propetang pinakahihintay, kundi tagapagturo lamang. Walang problema kay Juan ang magpakatotoo. Walang problema sa kaniya ang manatiling supporting actor lamang, basta’t makilala ng tanan ang tunay na tagapagligtas.



Dapat tayong magalak sa araw na ito, hindi sapagka’t marami tayong gagastusin … hindi sapagka’t mayroon tayong bagong cellphone, o bagong phablet, o bagong damit. Maging mapagpasalamat tayo sa mga bagay na iyon, kung meron man. Ngunit ang kagalakang dulot ng mga pagbasa ngayon ay malinaw na may kinalaman sa ating hinihintay, nang higit sa lahat – ang taon ng Panginoong puspos ng biyaya, at pagdating ng kaganapan ng kaligtasan.



Marami tayong mga katanungan tulad ng mga nakikinig kay Juan. Nguni’t ang mga katanungan natin ay dapat lamang mauwi sa pagtanggap ng katotohanan, at ang rurok ng katotohanang ating mithi ay walang iba kundi ang ating kaligtasan.



Nagtatanong pa ba kayo kung bakit dapat tayo magalak?

Friday, December 5, 2014

PAG-IBIG MO'Y IPAKITA; ILIGTAS KAMI SA DUSA!



Ika-2 Linggo ng Adbiyento – B
Disyembre 7, 2014

PAG-IBIG MO’Y IPAKITA; ILIGTAS KAMI SA DUSA!

Maganda ang pagkagawa ng sineng Exodus. Tamang-tama rin sa pagpasok ng panahon ng Pagdating o Adbiyento, kung kailan tayo ay naghihintay, nagmamatyag, nagbabantay. Noong isang Linggo, ilaw at liwanag ang ating paksa … ang pangangailangan nating magbantay sa liwanag, kung kaya’t sinindihan na natin ang kandila sa korona ng adbiyento.

Ipinakita sa sine na ang Diyos ay naggabay sa mga naganap sa mundo ng kalikasan. Ipinakita rin sa sine na hindi magaganap ang mga naganap na himala sa kalikasan kung ito ay hindi ipinagkaloob ng Diyos ng kalikasan, Diyos ng sangnilikha, at Diyos ng kaligtasan. Huwag na nating pag-awayan kung isang meteor ang naging dahilan ng tsunami na nagbukas sa dagat na Pula. Ang ating tanggapin sa pananampalataya ay ang katotohanang kayang mapangyari ng Diyos ang natural na mga pangyayari sa wastong panahon, sa tamang lugar, at sa ikabubuti ng kanyang bayan.

Sa pamamagitan ni Moises, tulad ng sa pamamagitan ni Isaias, tayo ay binibigyang paalala na naman: “Mahahayag ang kanyang kaningningan at makikita ng lahat.” “Tulad ng isang pastol, yaong kawan niya ay kakalingain.”

Ito rin ang pagunita sa atin ni Pedro: “Sa Panginoon ang isang araw ay sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay isang araw lamang.” Nasa pangangasiwa ng Diyos ang lahat ng bagay sa kanyang nilikha, at lahat ay nakatuon bilang tugon sa panalanging ngayon ay namumutawing muli sa mga labi natin: “Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.”

Muling dusa at pighati ang tila naka-amba na naman sa bayang Pilipinas. Si Hagupit (Ruby) ay handang magwasiwas ng kanyang hagupit sa mga lugar na hinagupit na ni Yolanda noong nakaraang taon.

Nguni’t tulad ng sa kwento ni Moises, tulad ng sinabi ng mga propeta, at tulad ng turo ng Inang Santa Iglesya, na halaw sa turo ng Kasulatan, may hangganan ang lahat. May hantungan ang kapangyarihan ni Rameses. May wakas ang katanyagan, ang kayamanan, at may wakas rin ang pagdurusa, pagdarahop, at pagiging busabos. Ito ang katotohanang ipinakita ng Diyos sa pamumuno ni Moises, na siyang naghatid sa kalayaan sa mga Hebreo na ginawang alipin sa Egipto nang mahabang panahon.

Mabuti at nagkatuig na ngayon ipinalabas ang Exodus – kung kailan ang bayan ng mga sumasampalataya ay naghihintay, at nagbabantay. Naghihintay tayo sa kaganapan ng kaligtasan, sa araw kung kailan wala nang luha, pighati, at dalamhati … kung kailan darating ang pangakong “bagong langit at bagong lupa.”

Pero lahat ng hinihintay ay pinaghahandaan. Lahat ng binabantayan ay pinagsisikapan at pinag-aalayan ng panahon at kakayahan.

Ito ngayon ang diwa ng Adbiyento … ang diwang ipinamalas ni Moises, na hindi lamang nanalangin. Hindi lamang siya nakipagbunong-braso sa Diyos. Hindi lamang siya umangal at nag-reklamo sa Diyos. Ginawa niya ang dapat. Tinupad niya ang habilin at utos sa kanya – at inihatid niya ang kanyang bayan sa labas ng Egipto, at patungo sa tunay nilang bayan.

Dapat nang tumigil at makinig … kay Moises, kay Isaias, kay Pedro at kay Juan Bautista … “Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.”

Ok lang kung tayo ay medyo nagrereklamo sa Diyos tulad ni Moises. Ok lang kung tayo ay medyo nagtatampo kung minsan sa kanya. Pero ang higit na mahalaga ay ito … gawin ang tamang paghahanda … sumunod o tumalima sa kanyang mg utos, mahirap man o madali.

Alam kong marami sa atin ay balisa sa paghahanda para kay Ruby. Takot ang marami ngayon. Hindi nila tukoy ang magaganap. Hindi rin natin tukoy o alam kung kailan magaganap ang wakas ng panahon. Pero ang alam natin ay ito … Darating siya upang iligtas tayo nang ganap, at akayin tayo sa langit na tunay nating bayan. Samantala, sa mundong ibabaw na ito, sa lupang bayan nating kahapis-hapis, mayroon pa tayong matinding hiling at makabagbag-damdaming kahilingan: “Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.”