Unang Linggo ng Adbiyento (Taon K)
Disyembre 2, 2012
Mga Pagbasa: Jer 33:14-16 / 1 Tesalonika 3:12-4:2 / Lc
21:25-28, 34-36
TUTUPARIN, PASISIBULIN, PAIIRALIN!
Dama nyo ba ang pinapasan ni Jeremias? Hindi ko masasabing
damang dama ko, pero sa pakiwari ko’y may konti akong pakiramdam. Mahirap
ngayon ang manindigan, di ba? Ang daming kontra … ang daming maraming alam, at
sa dami ng mga nasa cyberspace ngayon, na kanya-kanyang mga alyas at avatar,
mas madali ngayon ang manira, ang sumalungat, ang bumatikos. Pati ba naman ang
canonisasyon ni San Pedro Calungsod ay binabatikos ng mga taong antemano ay may
kimkim na galit sa ating mga Katoliko.
Pero tingnan nating mabuti. Ang pinagdaanan ng mga Israelita
na mapatapon sa Babilonia ay karanasang hindi natin pa nararanasan. Ito ang
pinagdaanan ni Jeremias, na hindi nagkulang ng paalaala sa kanyang mga katoto
na magbalik-loob sa Diyos.
Nguni’t naganap nga ang siyang naganap, dahil sa kabuktutan
ng tao, at pagkamasuwayin. Nagkasala sila ng paulit-ulit, at sila’y ipinatapon
sa lupaing banyaga, sa ilalim ng mga taong walang pagkilala sa tunay na Diyos.
Ewan ko kung ano pakahulugan ninyo dito, pero sa ganang akin, ito ay isang
paghamong walang katulad, ang mayurakan ang kasarinlan, at matapakan ang
pinagpipitagang pananampalataya.
Ayon sa mga pag-aaral at pagsasaliksik, sa loob ng 40 taong
darating, ang Pilipinas ay hindi na malalayo sa tayo ng Espana at Italya at
Kanlurang Europa ngayon – halos walang Diyos, walang pananampalataya, at walang
pitagan sa Maylikha. Marami sa mga kabataan ngayon ay nagsisimba (daw) lamang
sa labas ng simbahan, at hindi nila binibitawan ang cellphone. Wala nang
nakikinig sa aming mga pari, at lalung hindi sa mga obispo. Hirap kaming
ipaliwanag ang mayamang pangaral ng simbahan, pangaral na lubha nilang
kinakailangan upang mapalapit sa Diyos.
Tuyot na tuyot ang pangitaing hinaharap natin ngayon.
Nakapanlulumo. Nakalulungkot, at kapanga-pangamba.
Subali’t ang taon ng Simbahan ay patuloy na nagpapaalala sa
atin. Sa tuwing sasapit ang Adbiyento, muling binubuhay sa puso natin at
kaisipan ang hibla ng pag-asa, at himig ng katuparan. Di ba’t ito ang mga
katagang binanggit ni Jeremias, na kamakailan lamang ay nasabi nating lubusan
nang nanghinawa at pinanawan ng pag-asa? Darating daw ang araw, kung kailan
tutuparin ang pangako ng Diyos. Darating rin ang araw kung kailan pasisibulin
ang matuwid na sanga ni David. Di lamang ito, paiiralin din daw niya ang
katarungan at katuwiran.
Ito ay mga salitang puno ng pangako at lalung puno ng
pag-asa.
Ito ang pag-asang natupad, natutupad, at muli pang matutupad
sa pagdating ng panahon.
Natutupad nga ba?
Bakit hindi? Habang sinusulat ko ito, nanonood ako sa
livestream ng Misa sa Cebu, bilang pagpapasalamat sa Diyos sa karangalang
ipinagkaloob kay San Pedro Calungsod. Buhay pa rin kahit papaano ang
pananampalataya! Libo-libo ang sumama sa prusisyon, sa Misa, at sa iba pang
pagdiriwang sa kanyang karangalan. Ilang mga maysakit ang sa kabila ng
paghihirap ay patuloy na umaasa at tumitingala sa langit, na wari baga’y
ipinagpapasa Diyos na ang lahat, lalu na ang kanilang paghihirap!
Ito ang katotohanang hatid sa atin ng mga pagbasa – Diyos na
mismo ang “magpapalakas ng ating loob” at tayo ay may kakayahang “manatiling
banal at walang kapintasan.”
Ako man ay personal na nagdaan sa iba-ibang uri ng pagsubok.
Nagtampo rin ako sa Diyos lalu na’t alam kong ang pagdurusang sinapit ko ay
hindi dahil sa anumang masama at maitim kong balak, kundi galing sa makataong
inggit at kakulangan lamang ng pagkakaintindihan.
Ito ang malinaw na turo sa atin sa araw na ito. Dumating man
ang mga tanda, sumapit man ang anumang mga nakasisindak na signos o mga tanda
mula sa kalawakan, ay nananatili ang katotohanang ito … at wala nang iba:
TUTUPARIN KO ANG PANGAKO, PASISIBULIN KO ANG MATUWID NA
SANGA NI DAVID, AT PAIIRALIN KO ANG KATARUNGAN AT KATUWIRAN.
Meron pa bang hahalaga pa kaysa rito? Meron pa bang dapat
hanapin pa? Tanging Siya lamang … Tanging Diyos lamang … Purihin nawa ang
kanyang ngalan!