Pasko ng Pagkabuhay Taon B
Abril 5, 2015
MULA SA DILIM, TUNGO SA LIWANAG
Tahimik ang kapaligiran sa araw ng Sabado de Gloria. Parang
ang kalikasan ay naghihintay, tulad ng matamang paghihintay ng marami sa
pagdating ng bagyong nagsimula bilang isang napakalakas na sigwa na ngayon ay
humina, salamat sa Diyos.
Sa bihilya ng Paskuwa, magsisimula ang pagdiriwang sa
pagbabasbas ng bagong apoy. Patay ang lahat ng ilaw, liban sa bagong apoy na
siyang magiging simulain ng isang panibagong liwanag. Mula sa kadiliman ng
kamatayan ay babaling ang atensyon ng lahat sa liwanag ng panibagong buhay.
Larawan ito at tanda ng pagtawid ni Jesus mula sa kamatayan
tungo sa muling pagkabuhay … tanda rin ng ating pagtawid mula sa kasalanan
tungo sa bagong pagsilang at bagong pamumuhay.
Lahat tayo ay nakaranas na ng iba-ibang uri ng mumunting
pagkamatay. Namatay tayo sa maraming pagkakataon sa sandaling nabigo ang mga
balakin natin at mithiin. Namatay tayo nang kaunti sa sandaling naglaho na
parang bula ang mga magaganda nating hangarin o mga pangarap sa buhay … nang
dahil sa inggit, sa galit o sa anumang iba pang dahilan, ay nagkaroon ng
balakid ang mga magaganda nating gawain o proyekto sa buhay.
Lahat tayo ay nakaranas rin ng higit na masahol na uri ng
kamatayan – ang mabulid sa kasalanan, ang malayo sa biyaya ng Diyos at ang
malulon sa masamang gawain o maiitim na balakin. Wala ni isa sa atin, liban kay
Kristo, ang hindi nagdaan sa pagkakasala. Lahat tayo, liban kay Maria, ay
ipinaglihing may bahid ng kasalanang mana.
Pero sa gabi ng Vigilia ng paskuwa, sa araw na ito ng muling
pagkabuhay ng Panginoon, ang mata ng pananampalataya ay nakatuon ngayon sa pagbabagong
walang kupas, wala nang wakas, at wala nang alpas.
Ito ang tunay na kahulugan ng muling pagkabuhay. Makakaranas
pa rin tayo ng kamatayan bilang bunga ng kasalanan. Makararanas pa rin tayo ng
mga mumunting pagkamatay dahil na rin sa kasalanan natin at ng kapwa. Subali’t
ang kapangyarihan ng kasalanan at ng kamatayan ay tumanggap na ng tuldok at
sentensiya ng muling nabuhay si Kristong pinahirapan at pinatay bilang tubos sa
kasalanan ng sanlibutan.
Tapos na ang paghahari ng kasalanan. Tapos na ang paniniil
ng kadiliman. Pinukaw na ng liwanag ang bumabalot na dilim. Patungo na tayo sa
walang kahulirip na tagumpay. At wala nang makagagapi pa sa tagumpay na ito
magpakailanman.
Aleluya! Purihin ang Poong muling nabuhay!